top of page
Search

ni V. Reyes | April 24, 2023




Iniutos ni Land Transportation Office (LTO) Chief Jay Art Tugade ang pagpapatupad ng tatlong taong bisa o validity ng rehistro ng lahat ng mga bagong motorsiklo sa bansa.


Batay sa kasalukuyang panuntunan na alinsunod sa Republic Act 4136 at Republic Act 11032, ang mga motorsiklong may makina o engine displacement na 201cc pataas lamang ang mayroong tatlong taong bisa ng initial registration sa Land Transportation Office (LTO).


Gayunman, kasunod ng ginawang pag-aaral ng ahensya ay nagdesisyon si Tugade na gawin na ring tatlong-taong bisa ang rehistro kahit sa mga motorsiklong may makina na 200cc pababa.


"It is hereby directed that initial registration of brand new motorcycles with engine displacement of 200cc and below shall be valid for three (3) years," saad ng Memorandum Circular No. JMT-2023-2395.


"It is understood that the MVUC to be collected during the initial registration shall likewise be adjusted to cover the corresponding registration validity period," ayon pa sa Memorandum.


Bahagi pa rin ito ng mga hakbang ng LTO na layong maging mabilis ang mga proseso at mapagaan ang mga transaksyon ng publiko sa ahensya.


"Hindi natin nakikita na magkakaroon ng problema sa roadworthiness ng mga motorsiklong may tatlong taong rehistro dahil ang mga ito naman ay bagong sasakyan," pahayag ni LTO Chief Tugade.


"Naniniwala kami sa LTO na ang hakbang na ito ay makakatulong sa maraming drayber na nagpaparehistro ng bagong motor para magamit sa kanilang hanapbuhay o trabaho," dagdag pa ng opisyal.


Kung pagbabatayan ang mga nakalipas na datos ng LTO, tinatayang dalawang milyon na bagong magpaparehistro ng motorsiklo na 200cc pababa ang makikinabang sa bagong polisiya na ito ngayong taon.


Alinsunod na rin sa umiiral nang panuntunan para sa pagrehistro ng iba pang mga sasakyan, matapos ang tatlong taong bisa ng initial registration ay magiging kada taon na rin ang pagpaparehistro ng mga motorsiklong may makinang 200cc pababa.


Epektibo ang memorandum sa Mayo 15 ng kasalukuyang taon.


 
 

ni Gina Pleñago | March 15, 2023




Hindi papatawan ng multa hanggang Marso 19 ang mga lalabag sa exclusive motorcycle lane sa Commonwealth Avenue, ito ang inanunsiyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).


Gayunman, sa Marso 20, huhulihin na ang mga lalabag sa exclusive motorcycle lane policy. Kung saan, P500 ang multa sa sinumang violators nito.


Ayon kay MMDA acting Chairman Romando Artes, umabot na sa 1,494 ang nasita sa dry run ng exclusive motorcycle lane sa Commonwealth Avenue simula noong Marso 9 hanggang Marso 12.


Nasa 949 ang riders at 545 private motorists ang nasita sa ikaapat na araw ng dry run ng exclusive motorcycle lane mula Elliptical Road hanggang Doña Carmen at vice versa.


 
 

ni Lolet Abania | July 9, 2021



Naglagay ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng mga emergency lay-by sa iba’t ibang lugar na inilaan para sa mga motorcycle riders.


“Because alam mo tuwing umuulan, talagang medyo delikado dahil ‘yung iba humihinto sa gilid at baka hindi makita ng sasakyan [at] mabangga sila,” ani MMDA chairman Benhur Abalos sa isang interview ngayong Biyernes.


Ayon kay Abalos, walong lay-by areas ang itinakda ng ahensiya sa kahabaan ng EDSA na nasa Quezon Avenue, GMA Kamuning, Kamias, Santolan, Ortigas, Buendia, Tramo at Roxas Boulevard.


Anim na lugar naman ang inilagay na lay-by sa kahabaan ng C5 Road na nasa Commonwealth Avenue, Luzon flyover; Barilake Highway; Aurora Boulevard; C5-Libis; Pasig Boulevard at C5 Kalayaan elevated U-turn along C5 Road.


Sa kahabaan ng Roxas Boulevard ang lay-by areas ay sa Recto corner ng Roxas Avenue at sa Buendia flyover.


Tatlong lugar din ang inilatag ng MMDA na lay-by sa kahabaan ng Sucat NAIA Road na nasa NAIA Imelda Avenue; NAIA Imelda at ang Parañaque Sucat Road malapit sa SM Sucat.


Sa kahabaan ng Alabang, ang West Service Road at ang Alabang National Road ang inilagay ng ahensiya na lay-by areas.


“Inuulit ko, ito po ‘yung emergency parking habang umuulan. Hindi ito puwedeng maging terminal o ano man,” ani Abalos.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page