top of page
Search

ni Fely Ng - @Bulgarific | January 21, 2021




KAMAKAILAN ay nakita natin ang Facebook post ng isang sikat na personalidad sa larangan ng musika na si John Lesaca.


Sa kanyang FB post, pinuri niya ang Meralco, partikular ang business center nito sa

Commonwealth, dahil sa mahusay na customer service.


Ibinida ng biyolinista ang magandang serbisyo nang sumadya ito sa Meralco Commonwealth.


Ang nasabing post ay inumpisahan ni Lesaca sa pagkukwento na bago dumating ang COVID-19 pandemic ay nakaugalian na niyang sumadya sa opisina ng Meralco upang personal na magbayad ng kanyang bill.


Aniya, bagama’t mahaba ang pila para sa mga senior citizen, matagal na ang 30 minuto na paghihintay upang makabayad. Mas matagal pa raw ang kanyang biyahe dahil sa trapik.




Ngayong panahon ng pandemya, ang kanyang ikinabahala lamang ay ang paghihintay sa labas ng opisina dahil sa pagpapatupad ng social distancing. Buti na lamang daw at mayroong inihandang tent ang Meralco pati na rin mga bentilador upang masigurong komportable ang mga nakapila sa labas.


Hinangaan ni Lesaca ang taglay na kahusayan, pagiging propesyonal, at pagiging magalang ng mga frontliner ng Meralco sa mga customer. Sila umano ang dapat tularan ng customer service ng ibang mga utility company.


Pinuri din ni Lesaca ang mahusay na serbisyo ng mga guwardya na pawang mga alisto at inaalalayan ang lahat ng mga senior citizen na nagsasadya sa opisina.


Sa dami ng taong dumaragsa sa Meralco lalo na ngayong nagbalik na ang pagpuputol nito ng serbisyo ng kuryente ng mga customer na hindi nakababayad ng bill sa tamang oras, tiyak na daan-daang customer ang nakakaharap ng mga frontliner nito kada araw.


Alam naman natin na ngayong pandemya ay hindi madali ang maging frontliner.


Dala ang matinding pagod at stress sa trabaho, at ang pangamba na magkaroon ng sakit na COVID-19 sa dami ng nakakaharap na customer, talagang maituturing na isang kahanga-hangang bagay ang panatilihing mahusay at kaaya-aya ang serbisyong inihahatid ng mga frontliner sa bawat customer.


Nawa’y tayo, bilang customer ay maging mabait din sa ating mga frontliner lalo na kung

mahusay ang ating serbisyong nakukuha.


Tiyak na marami ang namomroblema at umiinit ang ulo dahil sa Meralco bill ngunit, sana ay huwag natin ibuhos sa mga frontliner ang stress at galit.


Huwag nating awayin ang mga taong itinataya ang kanilang kalusugan makapagbigay lamang ng serbisyo sa atin.


Parati nating isaisip na sila ay tao lamang na napapagod din at may hangganan ang enerhiya at pasensya.


Sana ay maging mas sensitibo tayo sa kalagayan ng lahat ng frontliner sa bansa.


Ang isa ring kapansin-pansin at kahanga-hangang bagay sa kuwentong ito ay ang malinaw na katotohanang ang isang sikat na personalidad na kagaya ni John Lesaca ay pumipila sa Meralco na parang ordinaryong mamamayan. Sana ay magsilbi siyang ehemplo, na hindi por que sikat ay kailangang espesyal ang pagtrato.


Sana ay mas marami pang kagaya ni John Lesaca na nananatiling mapagkumbaba sa kabila ng kanyang kasikatan.


 
 

by Meralco - @Brand Zone | December 30, 2020




Mas pinababa pa ang power rates ngayong Disyembre 2020, ang second lowest overall power rate simula 2017!


Inanunsiyo ng Manila Electric Company (MERALCO) na magkakaroon muli ng adjustment sa power rate at bababa sa P0.0352 kada kilowatt hour (kWh) sa typical household.


Kaya naman mula sa P8.5105 per kWh, ito ay magiging P8.4753 per kWh na lamang.


Kung susumahin, bababa ang total bill ng isang residential customer na gumagamit ng 200 kWh sa P7.


Sa overall rate ngayong buwan, bababa rin ang net rate sa P1.3870 per kWh na katumbas sa P277 para sa 200 kWh household noong magsimula ang taon.


Ito na ang ikalawa sa pinakamababang power rate sa loob ng tatlong taon simula September 2017.



Mas pinababang Generation Charge, hatid ng lower Luzon grid demand


Mula sa P4.2018 per kWh noong November, bumaba pa ng P0.0502 per kWh ang generation charge at may kabuuang P4.1516 per kWh ngayong December.

Ayon sa Meralco, babawasan din ng P0.1881 per kWh sa singil sa ilalim ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM).


Naging maayos ang power supply ng grid ng Luzon noong Nobyembre kasunod ng pagbaba ng demand dahil sa sunud-sunod na pagtama ng bagyo sa bansa. Sinuspinde rin ang WESM ng ERC mula November 12-13, 2020 dahil sa bagyong Ulysses.


Sa katunayan, noong October 2020, nasa 10,344 ang demand ng MW habang noong November 2020, bumaba ito sa 9,886 MW.


Bukod pa rito, bumaba na rin ang Independent Power Producers (IPPs) sa P0.2577 per kWh dahil sa improved average plant dispatch at Peso appreciation. Bumaba rin ang singil sa Power Supply Agreements (PSAs) sa P0.0214 per kWh dahil sa pagtaas ng Peso kontra dolyar.


WESM, IPPs at PSAs ay nakapagtala ng 9%, 39% at 52% ng energy requirements ng Meralco.



Iba pang pagbabago sa singil


Bumaba ng halos P0.0044 per kWh ang transmission charge para sa residential customers dahil sa mas pinababang Power Delivery and Ancillary Service Charges.


Tumaas naman sa P0.0194 ang taxes at iba pang singil.


Samantala, mananatiling suspendido ang pangongolekta ng Universal Charge-Environmental Charge na P0.0025 per kWh, ayon sa ERC.


Hindi naman gumalaw ang singil ng Meralco sa distribution, supply at metering charges sa loob ng 65 buwan matapos marehistro ang bawas noong July 2015. Nilinaw din ng Meralco na ang singil sa generation charge ay napupunta sa power suppliers habang ang singil naman sa transmission charge ay napupunta sa NGCP. Ang tax at iba pang public policy charge tulad ng Universal Charges at FIT-All ay ibinibigay sa pamahalaan.



Meralco, tuloy sa pagbibigay-serbisyo sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ)


Maaari ng pumunta sa pinakamalapit na Meralco Business Center ang publiko, kahit nakapailalim ang lugar sa GCQ, at patuloy na tatanggap ng application, payment at iba pang transaction.


Mahigpit na ipinatutupad ang ilang safety measures tulad ng “No Mask, No Entry” rule, social distancing at temperature check upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.


Masisiguro ng mga customer na ligtas ang pagpasok nila rito dahil sumailalim din ang mga staff sa rapid COVID-19 testing na awtorisado ng Pasig City Health Office bago pumasok.


Bukod pa rito, mayroon ding mga acrylic barriers sa bawat branch upang masiguro ang proteksiyon ng customer at frontliner.


Ngunit inaanyayahan pa rin ng Meralco ang publiko na mas ligtas at mabilis ang transaksiyon sa kanilang Meralco Online at Meralco App na https://onelink.to/meralcomobile, Meralco Online via www.Meralco.com.ph, at Meralco authorized payment channels sa bit.ly/MeralcoPaymentPartners.


Para sa iba pang impormasyon, maaaring bisitahin ang official website ng Meralco sa www.MERALCO.com.ph at sa kanilang social media accounts Facebook www.facebook.com/MERALCO; Twitter @MERALCO o tumawag sa Meralco Hotline 16211.


 
 

ni Lolet Abania | December 20, 2020



Palalawigin ng Manila Electric Company (Meralco) ang kanilang no-disconnection policy nang hanggang January 31, 2021, ayon kay Speaker Lord Allan Velasco.


Ito ang naging mungkahi ni Velasco sa Meralco na i-extend ang no-disconnection policy ng kumpanya para maipagpatuloy ang bayanihan spirit sa gitna ng COVID-19 pandemic.


“The extended grace period being given to our fellow Filipinos during the holiday season will provide much needed reprieve to those reeling from the devastating effects of the pandemic and natural calamities,” ani Velasco sa isang statement ngayong Linggo.


“This good gesture on the part of Meralco will go a long way in helping our kababayans feel secure this Christmas,” dagdag ni Velasco.


Noong November 30, nagpadala ng liham si Velasco kay Meralco President Ray Espinosa na humihiling ng extension para sa no-disconnection policy ng kumpanya mula ngayong Christmas season hanggang sa katapusan ng Enero, 2021.


Ani Velasco, malaki ang maitutulong nito sa lahat ng Meralco customers na matinding naapektuhan ng COVID-19 pandemic. “We appreciate that Meralco had extended the same courtesy during the height of the nationwide lockdown and we expect that the company will be as considerate this yuletide season,” ayon sa sulat ni Velasco.


Bilang tugon, nagpadala naman ng liham si Espinosa noong December 14 kay Velasco kung saan nakapaloob dito, "After careful evaluation and in consideration of the request, Meralco will extend its no-disconnection policy for unpaid bills from December 31, 2020 to January 31, 2021.”


Dagdag ni Espinosa, dahil sa extended grace period, makikinabang dito ang mahigit sa tatlong milyong Meralco customers na kumokonsumo ng 200 kilowatt kada oras at pababa sa kanilang monthly billing na Disyembre, 2020 na tinatayang nasa 47 porsiyento ng kabuuang mga customers.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page