top of page
Search

ni Melba R. Llanera @Insider | August 7, 2025



Matteo G - IG

Photo: Sarah at Matteo - IG



Sa Easy Brand Food and Beverages Fair 2025 na ginanap sa SMX Convention Center, natanong namin si Matteo Guidicelli sa naging viral sa social media na may anak na raw sila ng asawang si Sarah Geronimo. 


Agad namang kinlaro ni Matteo na wala pa silang baby ng asawa pero kita naman sa aktor na masaya at kuntento ito sa pagsasama nila. 


Sa nakaraang 37th birthday nga ni Sarah kung saan kumain sila sa isang French restaurant sa Europe, kitang-kita ang pagiging romantiko at maalaga ni Matteo sa misis.


Sa nasabing interview din ay kinumusta namin ang dalawang business courses ni Matteo sa Harvard Business School, at ayon kay Matteo ay mahalaga ang edukasyon at masarap sa pakiramdam na ibahagi ito sa mga tauhan nila sa kanilang mga negosyo.


Heto nga’t pinasok na rin nila ang music label industry kung saan ini-launch nila ni Sarah ang G Music. Very proud ang aktor sa bago nilang negosyo ng asawa kung saan ayon nga sa aktor ay dito ang magiging tahanan ng musika ni Sarah. 


Ayon pa kay Matteo, sa G Music ay magiging business savvy ang mga singers kung saan hindi lang sila pang-on cam kundi malalaman din nila ang mga nangyayari sa likod ng kamera, kung saan mahalaga ang transparency at collaboration. 


Nang tanungin kung hawak pa rin ba sila ng Viva management, binigyang-linaw naman ni Matteo na Viva artists pa rin ang asawa.


Bukod sa pagiging isang singer, artista, reservist ay isa ring entrepreneur si Matteo.

Nu’ng mag-guest siya sa naturang event ng Easy, ipinangako niya na susubukan niya ang naturang produkto sa kanyang mga food business dahil naniniwala siya sa kalidad ng mga gawang Pinoy at malaki ang maitutulong nito sa pag-unlad ng mga local businesses.



SA press conference ng fan-driven music countdown show, ang Vibe, nakausap namin si Joao Constancia at nahingan namin siya ng reaksiyon sa relasyong Sue Ramirez-Dominic Roque. Naging magkasintahan sina Joao at Sue sa loob ng dalawang taon at nag-break sila noong 2019. 


Nagkaroon naman ng non-showbiz girlfriend si Joao na nauwi rin sa paghihiwalay, samantalang si Sue naman ay naging boyfriend si Albee Benitez na nauwi rin sa breakup at ngayon nga ay karelasyon na ng Kapamilya actor na si Dominic Roque. 


Ayon kay Joao ay maayos naman sila ni Sue at masaya siya sa relasyon ng dalawa. 

Sa ngayon ay wala namang girlfriend si Joao pero lumalabas siya. Career daw ang kanyang prayoridad.


Isa si Joao sa mga Vibe jocks ng Vibe na mapapanood sa TV5 sa darating na August 9 at eere araw-araw. Kasama ni Joao bilang mga Vibe jocks sina Ryle Santiago, Paulo Angeles, Queenay Mercado, Anna Ramsey, Maxie Anderson, Kych Minemoto, Dylan Menor at Elijah Canlas. 


Masayang-masaya si Joao dahil handpicked sila sa show kung saan isang malaking hamon para sa kanya na pagbutihan ang hosting, lalo’t isa itong bagong adventure para sa kanya.



NAGING emosyonal at hindi maiwasang mapaiyak ng Revival King na si Jojo Mendrez nang tanungin namin siya sa kanyang press conference kamakailan kung ano ang mga aral na natutunan niya sa mga pinagdaanan niya sa kanyang buhay. 

Unang sinagot sa amin ng Revival King na natutunan niya na huwag masyadong magtiwala sa ibang tao pero ang aral na tumimo sa puso niya ay huwag mapagod mangarap at magsikap. 


Umiiyak na binalikan ni Jojo na nagkaroon siya ng show noon sa isang kilalang disco bar sa Quezon City, siniguro sa kanya ng dati niyang manager na maraming tao ang manonood pero tatlong tao lang ang pumunta, kasama ang pinakamamahal na ina. 

Puno ng panlulumo at lungkot ang puso niya pero hindi niya ito ipinakita sa kanyang ina at ipinagpatuloy lang ang performance. 


Ngayon na tinagurian na siyang Revival King kung saan milyun-milyon lagi ang views ng bawat kanta na nire-revive o kinakanta niya, dito niya napatunayan na walang imposible sa pangarap basta patuloy ka lang magsikap at mahalin ang talento na ipinagkaloob sa iyo ng nasa Itaas.


Sa ngayon ay nasa ilalim na ng Artist Circle sa pangunguna ni Sir Rams David, siniguro naman ni Jojo na wala siyang sama ng loob sa dating manager at naniniwala siya na darating din ang panahon na magkikita at personal silang magkakausap.


Iniurong na rin niya ang demanda laban kay Mark Herras at patuloy ang pamimigay ng mga biyaya kung saan marami siyang natutulungang mga tao. 

Kilala naman na malambot talaga ang puso ni Jojo at ang gusto lang niya ay makatulong sa mga nangangailangan.


Ngayon pa lang ay inaabangan na ang revival niya ng kantang I Love You Babe mula sa kantang I Love You Boy na pinasikat ni Timmy Cruz. Bukod dito ay inihahanda na rin ang Christmas songs ni Jojo na ang magko-compose ay si Jonathan Manalo.

 
 

ni Melba R. Llanera @Insider | July 16, 2025



Luis Manzano - IG

Photo: Luis Manzano - IG



HIndi itinago ni Gov. Vilma Santos na nalungkot siya at ang buo nilang pamilya sa pagkatalo ni Luis Manzano bilang vice-governor ng Batangas, kung saan ang dating gov. ng Batangas na si Hermilando Mandanas ang nanalo sa naturang posisyon. 


Ayon nga sa actress-public servant, hindi biru-biro ang pagod na ginawa nila para sa eleksiyon lalo’t walang incumbent sa kanila, pero bilib siya na madaling tinanggap ni Luis ang naging resulta ng eleksiyon at mabilis din itong naka-recover.


Pagbabahagi ni Gov. Vi, nag-usap sila ng anak at sinabi nito na tatanggapin nito ang nangyari bilang bahagi ng learnings o pagkatuto niya at tutuparin pa rin niya ang mga binitawang pangako nu’ng nangangampanya sila.


Katunayan nga ay tinanggihan muna ni Luis ang Minute To Win It (MTWI) at ang Rainbow Rumble (RR) lang ang tinanggap para may oras pa rin itong gawin ang mga ipinangako sa mga Batangueño na pagtulong. 


Siniguro rin ni Gov. Vi na walang bayad ang serbisyong gagawin ng anak lalo’t may trabaho naman ito at maituturing nga na isa sa mga in demand hosts sa ABS-CBN.

Para kay Gov. Vi, si Luis ang magiging tulay niya sa mga kabataan kung saan ang positibong pananaw at pagiging maalam nito sa makabagong teknolohiya ang isa sa mga maitutulong nito sa kanyang administrasyon.


Sa kabilang banda ay aminado naman si Ate Vi na halu-halo ang kanyang nararamdaman sa muling pagtungtong sa Kapitolyo. Natatakot, masaya, at excited si Ate Vi dahil lahat ng gagawin niya ay puro “again” o “muli,” dahil nanungkulan na rin siya sa Batangas sa loob ng matagal na panahon. 


Para sa kanya ay malaking hamon ang muli niyang pag-upo pero sisiguraduhin niya na sa loob ng 3 taon na muling pag-upo ay maramdaman at may impact sa mga Batangueño ang kanyang termino.


Patunay nito ay apat agad na executive orders ang pinirmahan ni Gov. Vi na titiyak sa ikauunlad at ikabubuti ng kapakanan ng mga nasasakupan.



SA presscon ng Meg & Ryan (M&R), pelikulang pinagbibidahan nina Rhian Ramos at JC Santos ay kapansin-pansin ang chemistry ng dalawa nang ipalabas ang trailer ng pelikula. Bukod sa alam nila bilang mga artista na dapat ay maging kakilig-kilig ang mga eksena ay napakalaking bahagi ng direktor nilang si Direk Catherine Camarillo para mapagtagumpayan nila ito.


Papuri ni Rhian sa M&G director, sa umpisa pa lang ay ipinapaintindi na nito sa kanila ang damdamin na nakapaloob sa bawat eksena at kahit sila ni JC ay nakakaramdam ng kilig.


Kung pareho ngang mga walang karelasyon ay may mga naniniwala na puwedeng may mabuo sa dalawa kung ang pagbabasehan ay ang nakitang chemistry sa kanila. 


Pero dahil kilalang mga professionals at mahuhusay talagang aktor at aktres, madadala ka sa bawat eksena kapag napanood mo ang pelikula.


Namamayagpag ang showbiz career sa ngayon ni Rhian kung saan usap-usapan ang husay niya bilang Mitena sa Encantadia Chronicles: Sang’gre (ECS) at bida nga siya sa M&R na produced ng Pocket Media Productions sa ilalim ng direksiyon ni Direk Catherine Camarillo at mapapanood na sa August 6.


Well, labis ang pasasalamat ni Rhian sa magagandang nangyayari sa buhay niya ngayon kung saan masaya siya sa kanyang personal na buhay at maganda rin ang itinatakbo ng kanyang career.


Para nga sa Kapuso actress ay ayaw niyang isarado ang mga mata sa mga magagandang nangyayari sa kanya at mapalagpas ang pagkakataon na nangyari ito sa kanya.



EMOSYONAL at hindi napigilan ni Jed Madela ang mapaluha sa nakaraang birthday concert niya, ang Jed Madela Superhero (JMS) na ginanap sa Music Museum noong July 5.


Puno ang venue ng mga tagahanga at ng mga taong nagmamahal sa kanya kabilang na ang pamilya ng singer.


Ang gaganda rin ng selection ng mga kinanta ni Jed nang gabing iyon na siyang nagpakita ng versatility niya bilang singer.


Nakapalitan namin ng text messages si Jed at nagpahayag ito ng pasasalamat sa lahat ng mga nanood at sumuporta sa kanya. 


Sa tanong naman namin kung may tsansa ba na mapanood siya sa mas malaking venue tulad ng Araneta o SM MOA (Mall of Asia), para kay Jed, basta may producer na susugal para sa kanya ay buong-puso niya itong tatanggapin lalo’t matagal na niyang pangarap na makapag-perform sa mga naturang venues.

 
 

ni Melba R. Llanera @Insider | June 10, 2025



Bong Revilla Jr. - FB

Photo: Bong Revilla Jr. - FB


Sa nakaraang 50th birthday celebration ni Patricia Javier nu’ng June 1 ay nakausap at kinumusta namin kay Cong. Lani Mercado ang asawang si Bong Revilla, Jr. ngayong hindi ito pinalad na manalo bilang senador sa katatapos na eleksiyon. 


Aminado ang actress-politician na malungkot ang asawa na hindi ito pinalad na makapasok sa Top 12 senators, pero sa ngayon ay nagmu-move on na ito at makikita naman sa mga posts ng dating senador na abala ito sa ibang bagay gaya ng pag-e-exercise. 


Ayon din kay Cong. Lani ay alam niya na mababago ang direksiyon ng buhay sa ngayon ng asawa pero tatayo pa rin itong guide nilang mga nanalo sa eleksiyon dahil ito ang mentor ng kanilang pamilya pagdating sa public service. 


Pagbabahagi rin ni Lani, nakakalungkot na nawalan sila ng isang tumutulong sa kanila sa Senado dahil partnership ang nangyayari sa kanila ng asawa nu’ng nakaupo pa ito sa Senado at kapag gumagawa sila ng batas.


Ipinagpapasalamat na lamang niya na may mga naiwan pa rin naman sa Senado na makakatulong niya pagdating sa mga trabaho na gagawin. 


Alam niya na isa rin sa mga tiyak na pagkakaabalahan na rin ni Bong ay maging aktibong muli sa showbiz, lalo’t marami ring mga offers na natatanggap ang asawa para

gumawa ng proyekto.


Suportado rin ni Lani si Bong sa naging desisyon nitong mag-file ng cyberlibel case laban sa ilang indibidwal at grupo na diumano'y nagpakalat ng mga maling impormasyon at fake news sa social media laban sa dating senador. 


Paliwanag sa amin ni Cong. Lani, nu’ng huling 2 linggo bago ang eleksiyon ay parang binakbakan nang husto ang asawa na bukod sa nakasakit sa kalooban nito ay malaki rin ang naging epekto sa kandidatura ni Bong dahil maraming bagong botante ang malaki ang tsansa na naniwala sa mga ipinukol na isyu laban dito. 


Ang gusto ni Bong ay patunayan ang kanyang punto, linisin ang kanyang pangalan at may ilan na ring mga senador ang nagbabalak na gawin din ang naging hakbang ni Bong. 


Ang layunin nila ay labanan ang fake news at misinformation, na kahit ang isang pulitiko na may magandang track record ay nasisira at natatalo.


Well, sa pagkapanalo naman muli ni Lani bilang kongresista ng 2nd District ng Cavite, magpo-focus siya sa pagtatayo ng mga bagong eskuwelahan, mga infrastructure projects para sa flood control, at ang Bacoor Diversion Road na siyang mag-uugnay sa Bacoor papalabas sa Coastal Road at ang pagtatayo ng LRT stations papasok sa Cavite.


FDCP Chair Joey, todo-proud… 

DOLLY DE LEON AT RUBY RUIZ, PASOK NA SA HOLLYWOOD


TATAYO bilang head of jury sa Unleash Pawscars Short Film Festival (UPSFF), malapit sa puso ni FDCP Chair Joey Reyes ang naturang film festival dahil isang animal lover ang direktor at ito ang kauna-unahang film festival na tatalakay at iikot sa relasyon ng tao at ng kanyang alagang hayop. 


Nakakabilib din dahil ang talent fee (TF) bilang head jury ay ido-donate niya sa Philippine Animal Welfare Society o PAWS kung saan saludo si Direk Joey sa hindi matutumbasang malasakit, pagtulong, pag-aalaga at pagpoprotekta sa mga hayop. 


Kuwento nga sa amin ni Direk Joey, nag-adopt siya ng 2 aso mula sa PAWS at dito niya nakita talaga ang mula sa pusong pagmamahal ng mga taong involved sa nasabing organisasyon. 


Isa rin sa mga naniniwala na dapat na magkaroon ng pangil ang batas natin pagdating sa proteksiyon ng mga hayop, ayon sa FDCP chair, ang mga taong umaabuso sa mga kawawang hayop ay mga duwag at hindi nagpapahalaga sa ibang nilikha ng Diyos. 


Magaganap ang nasabing festival sa darating na Disyembre kung saan mananalo ng P300,000 ang grand winner. 


Kasama rin ni Direk Joey sa mga juries sina Direk Arvin Belarmino at Direk Joseph Abello.


Sa kabilang banda, labis ang pasasalamat ni Direk Joey sa kasalukuyang administrasyon lalo na kay First Lady Liza Araneta Marcos dahil sa suporta at pondo na ipinagkaloob nito sa FDCP para sa restoration ng mga lumang pelikula. 

Ngayong nahinto na ang ABS-CBN sa pagre-restore ng mga lumang pelikula dahil sa kakulangan ng pondo ay papasok ang FDCP para matulungan ito. 


Ayon kay Direk Joey ay makikipag-meeting sila kay Sir Leo Katigbak para maipagpatuloy ang ginagawa nitong restoration.


Sobrang proud naman ang FDCP chair na naka-penetrate na sa Hollywood sina Dolly de Leon at Ruby Ruiz. Papuri ni Direk Joey sa dalawang aktres, sa kabila na hindi na ito mga bata, sexy gaya ng iba, ang natatanging talento at brilyo ng mga ito sa pag-arte ang naging pasaporte nila para patunayan na kaya nating tumapat sa ibang mga international stars.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page