top of page
Search

ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 6, 2022


ree

Hahanapin ng Cebu Chooks ng Pilipinas ang kanilang ikalawang sunod na kampeonato sa kanilang pagsabak ngayong Biyernes at Sabado sa FIBA 3x3 Ulaanbaatar Super Quest sa Sky Resort sa Mongolia. Kasama ng Cebu ang Manila Chooks na susubukang makamit ang isang tiket para sa World Tour Manila Masters sa Mayo 28 at 29.


Ganado sina Mark Jayven Tallo, Zachary Huang, Brandon Ramirez at Mike Harry Nzeusseu matapos ang tagumpay sa Asia-Pacific Super Quest noong Sabado sa Solenad sa Santa Rosa City, Laguna. Natalo ang Manila sa Cebu sa semis at tiyak na babawi ang kombinasyon nina Mark Yee, Chico Lanete, Dennis Santos at Henry Iloka.


Hinati ang walong kalahok sa dalawang grupo kung saan napunta ang Cebu sa Grupo A kasama ang Ulaanbaatar MMC Energy at Amgalan MMC Energy ng Mongolia at Yokohama Beefman ng Japan. Tatlong kinatawan ng Mongolia ang haharapin ng Manila sa Grupo B na Zavkhan MMC Energy at ang mga lumaban sa Asia-Pacific Super Quest na sumegundang Sansar MMC Energy at pumangatlong Zaisan MMC Energy.


Dalawang tiket ang nakataya para sa Manila Masters. Pasok na sa torneo ang Cebu, Sansar at mga naunang naihayag na Ub Huishan NE at Liman Huishan NE ng Serbia, Antwerp ng Belgium, Warsaw Lotto ng Poland at UIaanbaatar.


Dahil sa kampeonato ng Cebu at pagpasok sa semis ng Manila sa Asia-Pacific Super Quest, umakyat ng isang puwesto ang Pilipinas sa ika-28 sa FIBA 3x3 World Ranking. Layunin pa rin na paabutin sa ika-24 o mas mataas ang bansa upang magkaroon ng pag-asa na mapabilang sa 2024 Paris Olympics.


Mapapanood nang live ang lahat ng laro ng Ulaanbaatar Super Quest sa opisyal na YouTube at Facebook ng FIBA 3x3. Magsisimula ang unang laro sa 4 p.m. habang ang mga laro sa Sabado ay nakatakda para sa 2 p.m.


 
 

ni Jeff Tumbado | April 13, 2022


ree

Ibinulgar ni dating Manila Mayor Amado Bagatsing ang umano’y pagwawaldas ng kabang-yaman ng Lungsod ng Maynila mula 2019 hanggang sa kasalukuyan.


Sa isang pulong balitaan kanina, sinabi ni Bagatsing, na sa gitna ng pandemya na dulot ng COVID-19 ay nakuhang umutang ng malaking halaga ang lungsod ngunit hindi naman naramdaman ng mga tao kung saan ito ginamit.


“Nakalulungkot na sa gitna ng pandemya, nakuha pa nila na magsabwatan upang waldasin ang pondo ng bayan nang wala sa ayos,” ani Bagatsing.


“Nakapagtataka na paanong nagyari na bukod-tanging ang lungsod ng Maynila lamang ang walang habas na nangutang para diumano sa pandemya. Pero ang totoo, naubos ang bilyon-bilyong pondo para sa isang serye ng mga palabas at papogi at pampaganda na proyektong hindi naman masyadong naramdaman ng mga pobre ng Maynila,” dagdag pa ng dating mambabatas.


Sa ipinakitang presentasyon ni Bagatsing, inilahad nito na may humigit-kumulang 29-bilyong pisong perang nalikom noong 2019 ang dating administrasyon ni Manila Mayor Joseph Estrada. Mula ito sa napakalaking kinikita ng lungsod sa business taxes at share sa Internal Revenue Allotment (IRA).


Mariing kinuwestiyon ni Bagatsing ang pagkakautang ng 25-bilyon piso at ang pagbebenta ng mga pampublikong pag-aari ng lungsod ng Maynila tulad ng Divisoria Public Market, City College of Manila at iba pang nakatakda ring ibenta.


Sa ipinakita nitong impormasyon na mula sa DBM, may naka-record na 44-bilyong piso na proceeds from sales of assets ngayong 2022.


Ayon pa rin kay Bagatsing, maraming nakuhang tulong o donasyon mula sa international community ang lokal na pamahalaan, isama pa ang ayuda mula sa national government.


Ipinaliwanag pa ni Bagatsing na tinatayang P50,000 ang dapat na matanggap ng bawat pamilyang Manilenyo kung ang inutang na P25 bilyon ay para talaga sa ayuda o pantulong pinansiyal.


“Subalit sa aktwal, ang bawat pamilyang Manilenyo ay nakatanggap lang ng halagang 800-piso na pamaskong handog," giit ni Bagatsing.


"Ang mas masakit, hindi na nga natanggap ang 50,000 kada pamilya, may utang pa ngayon ang bawat pamilyang Manilenyo ng 50,000 plus interes, na pati ang kinita ng mga commissioner, tayo pa rin ang magbabayad!” pagpapalawig pa ng dating local chief executive.


“Tignan ninyo ang simpleng mga halimbawa natin dito. Ibenenta nila ang Divisoria Public Market sa halagang mahigit sa isang bilyong piso, para ipampagawa ng mahigit sa 1bilyong Manila Zoo? Ano ba ang mas importante? Tirahan ng hayop na meron naman? O kabuhayan ng ating mga vendor?” paliwanag ni Bagatsing.


Samantala, isiniwalat ni Bagatsing na gumastos ng milyon-milyong piso ang pamahalaang lungsod sa “Bilis-Kilos” advertisement sa TV at mga ayuda sa ibang bayan “in aid of election ni Isko.”


“Sana bago tayo tumulong sa ibang bayan, unahin muna natin ang ating sariling bayan. Bakit ka mangungutang para lamang magpapogi at magpaganda. 'Yan ang maliwanag na mga pagwawaldas ng ating kabang yaman!” saad ni Bagatsing.


“Sa ating mga kababayang Manilenyo, karapatan nating malaman ano ang tunay na katayuan ng ating kabang yaman at mga pag-aaring pampubliko. Tanungin po natin ang kasalukuyang mayor at vice mayor, ano na po ang mga nabenta o ibebenta pa ninyo bukod sa PNB bldg. at Divisoria market? Alamin natin baka mamaya hindi na tayo ang may-ari ng Boystown, ng Mehan Garden, ng Museong Pambata? Naiisip nila pati City Hall ibebenta nila, alamin natin baka pati ang North at South Cemetery ibinebenta na rin, kasama ang mga narematang pag-aari," pagtatapos nito.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | January 13, 2022


ree

Magbibigay na ng booster shots via drive thru sa mga may-ari ng four-wheel vehicles ang Manila LGU simula ngayong araw.


“Due to the request of our constituents and the people, i-innovate natin itong vaccination drive-thru dito sa Luneta. Imbis na first and second dose lang, gagamitin natin siya ngayon na booster vaccination drive-thru site,” ani Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, habang nagsasagawa ng inspeksiyon sa Quirino Grandstand kung saan nagtayo ng drive-thru vaccination site ang Manila LGU.


“So ibig sabihin pwede jeep, taxi, private, o mga korporasyon, pwede po silang magtungo dito sa Luneta drive-thru vaccination site ng City of Manila,” dagdag niya.


Ayon kay Moreno, ang booster shot drive-thru ay first-come, first-served basis para sa unang 300 sasakyan na may maximum 5 recipients kada sasakyan.


Ito ay bukas sa publiko, maging sa mga hindi taga-Maynila, mula 8 a.m. hanggang 5 p.m.


“We welcome you to the City of Manila, basta tayo tulong-tulong muna. Ang importante, ma-booster ‘yung tao, mabakunahan ‘yung tao para maiwasan ang kamatayan sa impeksyon ng COVID19. Vaccination is the solution. That is the only way to protect yourself and your family,” paliwanag ng alkalde.


“So ngayon palalakasin pa natin, palalawakin pa natin, Yayakapin natin hangga’t kaya natin yakapin kahit sino, kahit taga-saan, basta ang importante, tao muna, mabuhay ang tao, maligtas ang tao,” dagdag pa niya.


As of January 11, nakapagturok na ng 198,454 booster doses ang Manila City government.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page