ni Mylene Alfonso @News | April 1, 2026

Photo: Isko Moreno Domagoso / FB
Itinaas na sa P3,500 ni Manila Mayor Isko Moreno, ang jeepney subsidy na ipinagkakaloob sa mga driver sa ilalim ng “Libreng Sakay” program matapos na dagdagan ng P500 dahil sa panibagong P12 kada litrong taas ng langis, kamakalawa.
Ayon kay Moreno, ang subsidiya ay mula sa P661,000 savings sa pondo ng lokal na pamahalaan ng Maynila.
“Simula sa araw na ito, malugod ko pong ia-announce na ‘yung savings nating P661,000 kahapon ay idadagdag natin ngayong araw na ito,” ayon kay Moreno.
“Mga driver, dadagdagan ko po ng 500 pesos ang bawat araw ninyo upang sa ganoon, ‘yung pagtaas ng presyo ng dose pesos kahapon ng krudo ay ma-offset ngayong araw na ito at sa mga darating pang araw,” dagdag pa ni Moreno.
Ang pagtaas sa subsidiya ay ibibigay sa nalalabing araw ng programa mula Martes (Marso 31) at sa susunod na Lunes at Miyerkules ng susunod na linggo.


