ni Ronalyn Seminiano Reonico | April 22, 2021

Patay ang dalawang senior citizens matapos barilin habang nasa loob ng kanilang kotse sa Makati City noong Miyerkules nang hapon.
Kinilala ng Southern Police District (SPD) ang mga biktimang sina Bonifacio De Vera Jr. at Remigia Talledo De Vera, kapwa 62-anyos.
Sa ulat ng awtoridad, bandang alas-1:35 nang hapon naganap ang insidente habang naka-park sa Jupiter Street, Barangay Bel-Air, Makati ang puting van na sinasakyan ng dalawa.
Nagtamo ng tama ng bala sa katawan si Bonifacio at si Remigia naman ay binaril sa mukha.
Sa imbestigasyon ng awtoridad, isang gray Mitsubishi Mirage ang nag-park sa harap ng sasakyan ng mga biktima. Isang babae umano ang bumaba mula sa Mitsubishi Mirage at kinausap ang mga biktima.
Saad pa sa police report, “Moments later, the said female suspect got off the car and talk to her male companion, who thereafter went back to the victims’ vehicle, and once inside, for an unknown reason, fired several shots toward the two victims.”
Matapos barilin ang dalawa, kaagad na umalis ang mga hindi pa nakikilalang suspek.
Dinala naman sa punerarya ang katawan ng mga biktima para makapagsagawa ng autopsy at patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa insidente.


