top of page
Search

ni Mabel Vieron - OJT | February 25, 2023



Problemado pa rin ang mga operator ng mga pampasaherong sasakyan sa palugit na hanggang Hunyo 30, ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang makasali sa kooperatiba bilang pagsunod sa modernization program ng pamahalaan.

Ayon kay Manibela National President, Mar Valbuena, maraming requirements at malaking gastos ang kakailanganin kaya hindi dapat ito ura-urada.

Sa pagtataya ni Valbuena, nasa 25,000 hanggang 30,000 jeep at 4,000 UV Express ang matatanggal sa Metro Manila kung masusunod ang deadline ng LTFRB.

Iginiit naman ng grupong PISTON na hindi pa rin kakayanin ang modernisasyon kahit pa ginawang Hunyo 30 ang deadline nito.

Ayon kay PISTON national president Mody Floranda, hindi biro ang mag-modernize ng jeep, lalo na’t hindi naman kayang bumili ng mga tsuper at operator ng unit ng modern jeep.

Hindi rin maaaring magkautang sa bangko, dahil kailangang bumuo muna ng mga kooperatiba, na para sa kanila ay pagmomonopolyo lang sa hanay ng public transport.

Ani Floranda, imbes na isulong ang modernisasyon, mas maiging ayusin muna ang mga traditional jeep katulad ng dati nang ginagawa.


 
 

ni Jeff Tumbado | February 7, 2023



Palalawigin pa ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang bisa ng mga prangkisa ng mga tradisyunal na jeep sa layong matiyak na walang tsuper ang mapag-iiwanan ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.


Kasunod ng huling deliberasyon para sa PUVMP, kinumpirma ni LTFRB Chairman Atty. Teofilo Guadiz III na napagpasyahan ng mga miyembro ng Board na palawigin ang mga prangkisa ng tradisyunal na jeep, sa ikaapat na pagkakataon.


Gayunman, nilinaw ni Guadiz na kailangan munang isapinal ang mga detalye hinggil sa mga alituntunin kaugnay ng pagpapalawig ng bisa ng mga prangkisa ng tradisyunal na jeep.


Tinukoy ni Guadiz na mula sa target na bilang ng mga yunit na ilalahok sa modernisasyon, nasa 60% ng mga jeep ang sumailalim na sa PUVMP, habang 40% ang hinihintay na makalahok sa nasabing programa.


“Hindi namin gustong mayroong maiiwan kaya nais namin na kahit 95% lang ng mga dyip ang maging handa na kapag itinuloy namin ang PUV modernization program,” pagdidiin ni Guadiz.


“However, sa meeting, pag-uusapan din namin kung may mga area na talagang fully-modernized na, baka doon ilatag na namin nang tuluyan ‘yung full modernization (program). But on areas na kulangkulang pa o wala pang modernized jeepney, we will still stick to the traditional jeepney,” dagdag pa ni Guadiz.


Bukod sa hindi pa handa ang lahat ng mga jeep na maging modernisado, sinabi rin ni

Guadiz na isinaalang-alang nila ang iba pang mga problema sa sektor ng transportasyon.


Kabilang na aniya rito ang kakulangan sa mga pampublikong sasakyan na matutugunan sakaling palawigin pa ang bisa ng mga prangkisa ng mga tradisyunal na jeep.


Ayon pa kay Guadiz, naiintindihan ng ahensya na maaaring hindi magkaisa ang mga operator at tsuper para sumali sa iisang kooperatiba kaya’t pinag-aaralan na nila ang posibilidad na magtalaga ng dalawa o tatlong kooperatiba sa bawat isang ruta, na maaaring salihan ng mga operator at tsuper.


Bukod dito, nais din ng ahensya na maging balanse at matiyak na walang operator o tsuper na maiiwan kaya palalawigin din nito ang palugit para sa pagtalima sa mga regulasyon sa ilalim ng PUVMP.


 
 

ni Lolet Abania | December 14, 2022



Itinalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. si dating Land Transportation Office (LTO) chief na si Atty. Teofilo Guadiz, III bilang bagong chairman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ayon sa Malacañang ngayong Miyerkules.


Si Guadiz, kung saan nilagdaan ni Pangulong Marcos ang appointment paper nito noong Disyembre 9, ay nanumpa sa harap ni Executive Secretary Lucas Bersamin ngayong Miyerkules ng hapon, base sa impormasyon ng kanyang opisina.


Una nang na-appoint si Guadiz bilang Assistant Secretary for Road Transport and Infrastructure ng Department of Transportation (DOTr). Noong Hulyo ng kasalukuyang taon, si Guadiz ang siyang head ng LTO. Siya rin ang Region 1 director ng ahensiya.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page