ni Gina Pleñago @News | April 29, 2026

Photo: PNP / NCRPO
Diretso sa kulungan ang isang lalaking nagtangkang kumolekta ng P172 milyong jackpot prize nang nameke ng lotto ticket sa Philippine Charity Sweepstakes Office sa Brgy. Wack-Wack, Mandaluyong City.
Ayon sa National Capital Region Police Office, nagtungo sa opisina ng PCSO ang lalaki at ipinakita ang kanya umanong winning ticket.
Subalit nang isalang ito sa beripikasyon sa official lotto database, lumitaw na na-claim na ng totoong nanalo ang jackpot prize na kinukuha ng suspek.
Nakita rin sa pagsusuri sa lotto ticket ang malinaw na senyales ng tampering kabilang ang handwritten entries gamit ang ballpen.
Agad pinosasan ang suspek na isinailalim muna sa medical examination bago i-turnover sa mga imbestigador para sa case buildup.
Sasalang sa inquest proceedings sa Mandaluyong City Prosecutor’s Office ang suspek para sa kasong falsification of public document.
Ani NCRPO Director Major Gen. Anthony Aberin, resulta ito ng Enhanced Managing Police Operations (EMPO) na mabilis makatukoy at makapigil ng anumang panloloko’t ilegal na gawain.









