ni Leonida Sison @Boses | October 19, 2025

Panahon na naman ng taglamig na kung saan maraming sakit ang puwedeng kumalat at dumapo sa ating katawan. Pero, mas nakakabahala ang mabilis pang pagkalat ng fake news kaysa sa virus, lalo na kapag ubo’t sipon na ang nasasangkot.
Kaya tama lang ang ginawa ng Department of Health (DOH) na tanggalin o pawiin agad ang takot ng taumbayan na walang mangyayaring lockdown.
Hindi lahat ng may trangkaso ay dapat katakutan, at hindi rin lahat ng nakikita online ay dapat paniwalaan. Sa halip na matakot, kalmahin muna ang sarili at alamin ang katotohanan. Mismong si DOH Secretary Ted Herbosa na ang nagsabing fake news ang kumakalat na lockdown announcement.
Paliwanag niya, hindi ito flu outbreak kundi bahagi lamang ng karaniwang Influenza-like illness (ILI) season, ang panahong dumarami ang mga may ubo, sipon, at trangkaso tuwing tag-ulan. Giit ni Herbosa, wala tayong ‘outbreak from a single virus’, kaya walang dahilan para magdeklara ng lockdown.
Batay sa datos ng DOH, umabot sa 133,000 ang kaso ng ILI nitong Setyembre ngayong taon, mas mababa pa sa 155,000 kaso sa parehong buwan noong 2024. Ibig sabihin, wala namang hindi pangkaraniwan sa sitwasyon, at kontrolado pa rin ito ng mga health authorities.
Gayunman, dahil mabilis pa ring makahawa ang mga sakit na ito, pinaalalahanan ni Herbosa ang publiko na magsuot ng mask at manatili sa bahay sakaling may nararamdamang sintomas.
Maraming paaralan na rin ang nagsuspinde ng face-to-face classes bilang pag-iingat, lalo na’t sinabayan pa ito ng banta ng lindol sa ilang bahagi ng Metro Manila.
Sa ganitong sitwasyon, mahalaga na makiisa ang publiko sa mga health advisories upang maiwasan ang mas malaking problema. Sa halip na matakot, dapat ay maging responsable at maalam.
Ang lockdown mindset ay dapat na ring iwan sa kasaysayan ng COVID-19 pandemic. Hindi lahat ng lagnat ay ituturing na delubyo, at hindi lahat ng balitang kumakalat online ay totoo. Minsan, mas mabilis pang makahawa ang takot kaysa sa mismong virus.
Kung tutuusin, maganda ang ginagawa ng kagawaran na pagpapaalala na maging kalmado lamang ang publiko. Sa panahon ng tag-ulan kasunod ay sakit, disiplina at malasakit pa rin ang pinakamabisang bakuna o antidote.
Kung matututo tayong makinig sa tamang impormasyon, makikiisa sa mga alituntunin para sa kalusugan, at hindi basta-basta maniniwala sa social media, mas madali nating malalampasan ang mabibigat na hamon o sitwasyon.
Gayundin, kapag may sapat na kaalaman, kooperasyon, at kumpiyansa sa sistema ng kalusugan, hinding-hindi tayo malilinlang at lalong hindi magpa-panic.
Sa ganitong panahon, hindi tamang pairalin ang takot, bagkus maging kalmado, linawan ang pag-iisip at magtiwala tayo sa Maykapal.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




