top of page
Search

ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | February 11, 2021


Matapos umani ng iba’t ibang reaksiyon at opinyon ang polisiya ng Land Transportation Office (LTO) na mandatory na pagsusuot ng facemask ng mga motorista sa pribadong sasakyan, pinal na itong ipatutupad sa bansa bilang hakbang umano sa lalo pang pagkalat ng COVID-19.


Matatandaang maraming tumutol na motorista at maging ang ilang mambabatas ay nagpahayag din ng kani-kanilang opinyon hinggil sa polisiya.


Ayon sa ilang motorista, dagdag-gastos lang sa facemask, lalo na kung magkakasama naman sa bahay ang mga pasahero.


Samantala, kinuwestiyon ng ilang kongresista ang naturang polisiya at giit ng isang mambabatas, magiging pagkakataon lamang ito sa mga tiwaling traffic officers para mangotong sa mga motorista.


Bukod pa rito, pinuna rin ng mambabatas ang violation na ipapataw sa mga motorista na hindi susunod sa naturang polisiya, bagay na sinagot naman ng opisyal ng LTO at sinabing maituturing na reckless driving ang hindi pagsuot ng facemask.


Bagama’t iginigiit ng mambabatas na hindi nakasaad sa batas na reckless driving ang hindi pagsusuot ng facemask, naninindigan ang opisyal na nailalagay sa alanganin ang kalusugan ng mga pasahero kung hindi magsusuot ng facemask ang drayber at iba pang kasama nito.


Sa totoo lang, may punto naman ang mambabatas dahil malamang, may ilang tiwaling enforcer na mananamantala sa kautusang ito.


Kung noon nga, napakaraming nagkalat na nangongotong sa kalsada, ngayon pa kaya na marami silang rason para manghuli?


‘Ika nga, ang polisiyang ito ay hakbang kontra pandemya at hindi paraan upang magkaroon kayo ng bagong raket.


Kaya para maiwasan ang kotongan, pakiusap sa mga kinauukulan, tiyaking matitinong enforcer ang magbabantay sa mga kalsada at motorista. ‘Wag hayaang magkalat sa kalye ang mga buwaya!


May pandemya na nga at hirap makaraos sa araw-araw ang ating mga kababayan, peperahan n’yo pa. Tandaan, ang pandemya ay dapat tugunan upang matuldukan at hindi dapat gawing paraan para maghanap ng pagkakaperahan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | February 10, 2021


Malapit na malapit nang magkaroon ng bakuna kontra COVID-19.


At kasabay nito, tiniyak ng Malacañang na nakahanda na ang gobyerno sa gagawing pagbabakuna laban sa COVID-19 sa susunod na linggo.


Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang unang batch ng bakuna mula sa COVAX facility ay darating sa kalagitnaan ng Pebrero.


Dagdag pa ng tagapagsalita, maisasagawa agad ang pagbabakuna, isa o dalawang araw pagkatapos dumating ng suplay sa bansa.


Matatandaang, aabot sa 10 milyong doses ng COVID-19 vaccine ang makukuha ng Pilipinas sa COVAX facility sa unang quarter ng taon kabilang na ang 117,000 doses ng Pfizer vaccine, kung saan mauunahang mabakunahan ang mga health workers.


Ngayong alam na nating handa ang nasyonal na pamahalaan sa vaccination program, ang tanong, handa na ba ang mga babakunahan?


Habang tukoy na ng ilang lokal na pamahalaan kung sinu-sino ang mga prayoridad na maturukan sa kanilang nasasakupan, kumusta naman ang taumbayan? Lahat ba ng prayoridad maturukan ay handang magpaturok?


Sa ngayon, kailangan nating paigtingin pa ang malawakang pagbibigay ng impormasyon tungkol sa bakuna. Sa ganitong paraan kasi, mas makukuha natin ang tiwala ng publiko para mas maraming magpapaturok.


‘Ika nga, sa panahon ngayon, iwas-fake news tayo dahil hindi ito makatutulong.

Ang prayoridad natin ay matiyak na ligtas ang ating mga kababayan laban sa nakamamatay at hindi nakikitang kalaban.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | February 9, 2021


Mula nang kumalat ang pekeng COVID-19 swab test result, hindi na natapos ang mga ulat tungkol dito. Ito kasi ang requirement para makabalik sa trabaho o makapasok sa mga pasyalan.


At kamakailan, anim na residente ng Metro Manila ang hindi nakapasok sa Boracay matapos magpakita ng pekeng RT-PCR test certification at napag-alamang tatlo rito ang nagpositibo sa COVID-19.


Bago pa ito, dalawang turista ang inaresto rin sa Boracay matapos mapag-alamang peke ang ipinakitang resulta.


Dahil dito, inatasan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang Philippine National Police (PNP) na maging agresibo sa paghahanap sa mga indibidwal o grupo na namemeke ng COVID-19 swab test result.


Nais din ng ahensiya na arestuhin at kasuhan ng PNP ang mga gumagawa, maging ang mga may hawak ng pekeng swab test result.


Matatandaang sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Disease and Health Events of Public Health Concern Act, maaaring pagmultahin ng P50,000 at makulong ng hindi bababa sa isang buwan at hindi lalampas ng anim na buwan ang lalabag.


Bilang mamamayan, tayo ay may obligasyon din para matigil ang pamemeke ng dokumento.


Oras na para maging responsable ang bawat isa sa atin dahil akala n’yo nakakalusot kayo, pero sa totoo lang, malaking problema ang dala n’yo, hindi lang sa inyong mga sarili kundi pati sa ibang tao.


Totoong mahal magpa-test, pero at least, alam n’yong negatibo kayo sa sakit.


Panawagan naman sa mga awtoridad, pakibilis-bilisan ang pagkilos dahil hangga’t may mga namemeke, hindi matitigil ang gawaing ito.


Kapag may naiulat na nameke ng dokumento, aksiyunan agad. ‘Wag nating hintayin na lalo pang dumami ang gumagawa nito bago tayo maghigpit.


At kayong mga namemeke, kayo ang isa sa mga dahilan kaya napakaraming pasaway. Wala na kayong nagawang maganda kontra pandemya, dinagdagan n’yo pa ang problema.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page