ni Leonida Sison @Boses | September 20, 2025

Kung tutuusin, matagal nang dapat hinigpitan ang pagbabantay sa malalaking cash withdrawals ng mga kumpanya. Sa gitna ng usapin ng anomalya sa flood control projects, tama lang ang hakbang ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na limitahan sa P500,000 ang cash na maaaring ma-withdraw sa isang transaksyon.
Hindi lang ito simpleng polisiya patungkol sa pera, kundi malinaw na pader laban sa mga nasasangkot na kumpanya, contractors, at opisyal na mahilig magpalusot ng “kickbacks” mula sa nasabing mga proyekto sa mga bangko.
Sa inilabas na Circular No. 1218, series of 2025, inatasan ni BSP Governor Eli Remolona, Jr. ang lahat ng financial institutions na magpatupad ng enhanced due diligence (EDD) para sa malalaking cash transactions. Saklaw nito ang masusing pagsusuri sa mga nagwi-withdraw ng higit sa kalahating milyon. Kung lalampas sa limitasyon, dapat sumailalim sa EDD measures bago maaaring payagan ng mga bangko ang payout ng cash. Maaari rin aniyang maka-withdraw ng lagpas sa itinatakdang halaga sa pamamagitan ng tseke, fund transfer, direct credit, o digital payment platforms — hindi basta-basta cash na mabilis maitago sa sobre.
Malinaw ang layunin na hadlangan ang paggamit ng pera sa ilegal na gawain gaya ng money laundering o counter terrorism. Ayon pa sa panuntunan, papayagan lang ang cash withdrawals na lagpas sa threshold kung makakapagsumite ng dagdag na pagkakakilanlan at lehitimong dahilan ang kliyente. Kung hindi, obligado ang bangko na magsumite ng suspicious transaction report at bantayan nang husto ang account nito.
Matatandaang, naglabas ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) ng freeze order sa 135 bank accounts at 27 insurance policies na may kinalaman umano sa mga contractor na sangkot sa flood control projects scam. Sa koordinasyon ng Ombudsman, BIR, at NBI, iniimbestigahan na kung paano ginamit ang mga pondong ito na sinasabing napunta sa personal na bulsa ng ilang tiwaling opisyal.
Ang bagong cap na ito ay hindi dapat tingnan bilang hadlang sa lehitimong negosyo o personal na pangangailangan. Sa halip, isiping isa itong proteksyon sa lahat laban sa mga magnanakaw sa kaban ng bayan.
Ang pera para sa proyekto ng bayan ay dapat mapunta sa kalsada at depensa kontra-baha, hindi sa mga mansyon o mamahaling kotse ng mga korup.
Ang limitasyon sa withdrawal ay paalala na tapos na ang panahon ng pagiging maluwag kaya nakakalusot ang mga mandarambong. Ngayon, bawat galaw ay may bantay, at bawat transaksyon ay may bakas na puwedeng sumabit sa bitag ng batas.
Hindi rin marahil sapat na limitahan lang ang paglabas ng pera na mula rin sa ating mga pinagpaguran at negosyo, dapat tuluyang habulin ang mga itinuturing na nating magnanakaw, na lumulustay sa kaban ng bayan.
Ang perang kinulimbat ng mga ito ay nagmula sa dugo’t pawis ng bawat mamamayan na nagbabayad ng buwis, kaya’t nararapat lamang na ito’y ibalik, at hindi manatili sa bulsa ng iilan.
Higit sa lahat, makakamit natin ang tunay na hustisya kung maipapakulong natin ang mga tiwali at mga kurakot.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




