ni Leonida Sison @Boses | September 23, 2025

Kapag ang taumbayan ay naninindigan at nagpoprotesta kontra-katiwalian, ang ibig sabihin lamang niyan ay sobra na ang tiwala na sinayang ng mga nasa kapangyarihan.
Ang anti-corruption rally nitong Setyembre 21 ay hindi simpleng pagtitipon, isa itong panawagan ng mga Pinoy para sa hustisya at pagbabago. Pero ang mga kaguluhan na naganap, lalo na sa Ayala Bridge at Mendiola, ay sumira sa diwa ng mapayapang kilos-protesta.
Kaya naman ang Manila Police District (MPD) ay nananatiling nasa full alert status at minomonitor ang mga lugar sa lungsod matapos ang riot na nangyari sa gitna ng rally, nitong Linggo.
Sinabi ni MPD spokesperson Police Major Philip Ines, na bagama’t naging maayos ang sitwasyon sa Luneta Park, hindi maikakaila ang gulong naganap sa ilang lugar.
Ibinunyag ng MPD na posibleng isang grupo ng “hip-hop gangsters,” na umano’y naimpluwensyahan ng isang rapper, ang nasa likod ng kaguluhan. Sa kabuuan, 76 sibilyan at 129 pulis ang nasaktan sa insidente, anila.
Matatandaan na itinaas ang full alert status ng National Capital Region Police Office (NCRPO) noong Setyembre 20, alinsunod sa direktiba ng Pangulo, upang tiyakin ang seguridad ng protesta.
Binigyang-diin din ng Manila police na hindi sila magpapabaya at patuloy nilang babantayan ang Lungsod ng Maynila upang hindi na maulit ang nangyaring kaguluhan.
Sa kabila ng tensyon, nanatiling tahimik ang malaking bahagi ng rally sa Luneta, patunay na karamihan pa rin sa mga Pinoy ay handang magprotesta sa mapayapang paraan. Pero, gaya ng madalas mangyari, ilang pasaway ang sumisira sa imahe at tunay na mensahe ng pagkilos.
Ang totoong laban kontra-korupsiyon ay hindi dapat nauuwi sa suntukan, sigawan at sakitan, kundi sa paniningil sa mga tiwaling opisyal.
Kapag nagiging marahas ang protesta, nawawala ang nilalaman ng mensahe at mas napupunta sa kaguluhan ang atensyon kaysa sa isyu ng korupsiyon.
Kung talagang nais ng bayan na tapusin ang katiwalian, kailangan ng pagkakaisa at disiplina sa mapayapang pagkilos.
Kaya panawagan sa mga kapwa Pinoy, dapat alam ang ipinaglalaban at kailangang nasa tama ang paraan ng paniningil, maging wasto sa pag-iisip at gawin natin ang mas nararapat para sa kapakanan ng taumbayan.
Sa ating kapulisan, ipagpatuloy lamang ang ginagawang pagbabantay sa mga komunidad, pagiging tapat sa serbisyo at huwag mapagod na unawain ang mga kababayan.
.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




