- BULGAR
- Oct 5
ni Leonida Sison @Boses | October 5, 2025

Kung tutuusin, ang pinakamalaking puhunan ng bayan sa pag-asenso ay hindi ginto, langis, o lupa — kundi ang dugo’t pawis o hirap at sakripisyo ng ating mga overseas Filipino workers (OFWs). Sila ang tinaguriang bagong bayani na deka-dekada nang bumubuhay sa ekonomiya ng bansa, kaya’t tama lamang na kapag sila ay nakauwi na sa ‘Pinas maramdaman nila ang kalinga ng pamahalaan.
Hindi dapat matapos ang pag-aruga sa sandaling huminto man sila sa pagtatrabaho sa ibang bansa, dapat itong magpatuloy sa pamamagitan ng mga serbisyong tunay na kapaki-pakinabang para sa kanila. Ito ang layunin ng bagong inilunsad na Alagang OWWA Botika ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Pasay City, na pinangunahan ni Administrator Patricia Yvonne Caunan. Sa ilalim ng programang ito, may libreng medikal na konsultasyon tuwing Biyernes at libreng gamot mula Lunes hanggang Biyernes.
Maaari ring makakuha ng hanggang P20,000 halaga ng gamot bawat taon mula sa mga accredited pharmacies, kabilang ang maintenance medicines, sa ilalim ng partnership ng OWWA, PhilHealth (sa programang YAKAP), at VidaCure Pharmacy. Hindi lamang sa Metro Manila umiikot ang nasabing inisyatibo, may mga access points din sa Gateway Mall sa Quezon City at Festival Mall sa Alabang, Muntinlupa.
Sa pilot stage pa lang, tiniyak na ni Caunan na ang serbisyo ay palalawakin sa buong bansa. May dagdag pang plano, ito ay ang pag-deploy ng LAB for ALL mobile medical truck na mayroong X-ray, ultrasound, at blood test facilities upang mas maraming probinsya ang matulungan.
Sa naging testimonya ng mga pamilya ng OFWs, ramdam na agad nila ang ginhawa.
Ayon sa isang asawa ng dating OFW sa Saudi, malaking kaginhawaan ang pagkakaroon ng libreng check up at gamot dahil aniya noon malaking parte ng kanilang kita ay nauubos lamang sa mga reseta. Ang pagbubukas ng Alagang OWWA Botika ay patunay na may mga serbisyong totoong kapaki-pakinabang.
Ang magandang kalusugan ay hindi dapat maging luho para sa ating mga OFWs at kanilang pamilya, dahil ito ay karapatan hindi lang ng mga itinuturing na mga bayani kundi nating lahat.
At ang pagbibigay-halaga sa kanila ay pagkilala sa kanilang sakripisyo, at pamumuhunan din sa kinabukasan ng bansa. Kung kaya’t nararapat lamang na ipagpatuloy, palawakin, at gawing abot-kamay ang ganitong uri ng programa sa bawat sulok ng ‘Pinas.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




