top of page
BIDA - AGOT KAY SEN. ROBIN SA HINA NG ULO MONG ‘YAN, SA TINGIN MO, MAUUTO MO KAMI-FB Agot
Search

ni PAO Deputy Chief Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | April 7, 2026



Sabi ni Doc - Lagundi


Dear Doc Erwin,


Isa po ako sa mga masugid na tagasubaybay ng Sabi ni Doc column sa BULGAR newspaper. Maraming salamat sa inyong patuloy na pagbabahagi ng mga makabagong pag-aaral at praktikal na kaalaman tungkol sa kalusugan na malaking tulong sa aming mga mambabasa.


Ako po ay matagal nang may hika at sumusumpong po ito kapag nagkakaroon ako ng ubo at sipon dahil sa pabago-bagong panahon. Naririnig ko po mula sa mga nakatatanda ang tungkol sa halamang gamot na Lagundi. Nais ko sanang malaman, ano po ba ang Lagundi at paano ito nakakatulong sa ubo at hika?


May bisa ba ito laban sa impeksyon at nakakatulong ba ito sa paglabas ng plema? Ano ang tamang paraan at karaniwang dose ng pag-inom nito? Ligtas ba itong gamitin nang regular at anu-ano ang posibleng side effects?


Umaasa po ako na inyong mabibigyan ng linaw ang aking mga katanungan. Maraming salamat po at higit pang magpatuloy ang inyong pagbabahagi ng kaalaman. — Mara





Ang Lagundi o Vitex negundo ay isang halamang gamot na matagal nang ginagamit sa Pilipinas para sa mga karaniwang sakit sa baga. Kilala rin ito sa pangalang five-leaved chaste tree o Chinese chaste tree. Kinikilala ng Department of Health (DOH) sa Pilipinas ang Lagundi bilang halamang gamot para sa ubo at hika. Ang dahon ng Lagundi ay karaniwang ginagamit sa tsaa, kapsula, syrup, o tableta. Naglalaman ang halamang ito ng mga sangkap para sa pamamaga, ubo, at kalusugan ng baga.


Sa mga pag-aaral dito sa Pilipinas, sinuri ng mga mananaliksik ang epekto ng Lagundi sa mga pasyente na may ubo dulot ng acute respiratory infection o mga panandaliang sakit sa baga. Nagpakita ito ng pagbawas sa dalas ng pag-ubo matapos ang ilang araw ng paggamit. Sa mga pag-aaral tungkol sa asthma o hika, nakita ang bronchodilating effect o pagluwag ng mga daluyan ng hangin sa baga mula sa ilang sangkap sa dahon ng Lagundi. Kapag lumuwag ang mga daluyan ng hangin, gumagaan ang paghinga ng pasyente na may hika.


Sa isang pag-aaral na inilathala sa Acta Medica Philippina, sinuri ang bisa ng Lagundi sa mga pasyenteng may mild hanggang moderate na hika. Matapos ang ilang linggo ng paggamit, nagpakita ng pagbabawas sa sintomas tulad ng ubo sa gabi at hirap sa paghinga. Ipinakita ng pag-aaral na ang Lagundi ay nagsisilbing suportang halamang gamot sa hika.


Bukod sa epekto sa paghinga, pinag-aaralan din ang epekto ng Lagundi sa inflammation o pamamaga. Sa isang pag-aaral na inilathala sa Journal of Ethnopharmacology, nagpakita ang Lagundi extract ng pagbawas ng pamamaga at sakit sa katawan. Ang ganitong epekto ang nagbigay ng interes sa mga siyentista na pag-aralan ang Lagundi sa pananakit ng ulo at pananakit ng mga kasukasuan.


Ang mga sangkap ng Lagundi ay pinag-aaralan din laban sa bakterya at virus. Sa isang pag-aaral na inilathala sa Asian Pacific Journal of Tropical Biomedicine, nakita ang epekto ng Lagundi laban sa ilang bakterya at virus na nagdudulot ng impeksyon sa baga. Kabilang dito ang mga mikrobyo na konektado sa impeksyon sa lalamunan at baga.


Sa mga pag-aaral tungkol sa plema, nakita ang benepisyo ng Lagundi sa paglabas ng plema mula sa baga. Kapag nailabas ang plema, gumagaan ang paghinga ng taong may ubo o bronchitis. Sa ilang obserbasyon at ulat ng mga pasyente nagpapakita na matapos ang pag-inom ng Lagundi, mas nakakabawas ito sa dalas ng pag-uubo, mas madaling paglabas ng plema, at sa mas maayos na tulog sa gabi dahil sa mas kaunting pag-ubo.


Sa usapin ng kaligtasan, iniulat na mababa ang bilang ng side effects ng Lagundi kapag ginamit sa tamang dosis. Sa mga produktong kapsula o tableta, karaniwang ginagamit ang dose na 300 hanggang 600 milligrams ng Lagundi leaf extract. Sa syrup preparations, ginagamit ang Lagundi extract ayon sa label ng produkto o payo ng doktor.


Ang Lagundi ay suportang halamang gamot. Hindi kapalit ng pangunahing gamutan para sa matinding hika, pulmonya, o ibang sakit sa baga. Kung ikaw ay may mga sintomas tulad ng hirap sa paghinga, mataas na lagnat, dugo sa plema, at ubo na lampas dalawang linggo, magpatingin agad sa doktor. Ang tamang impormasyon at tamang paggamit ng halamang gamot ay gabay sa pangangalaga ng kalusugan. Ang konsultasyon sa doktor ang nananatiling mahalagang hakbang bago uminom ng anumang herbal supplement. (Dr. Gabriel Mark P. Mercado, RN, MD, CFP)



Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni Lolet Abania | August 29, 2020




Inaprubahan na ng Food and Drug Administration (FDA) ng Pilipinas, ang clinical trials ng Lagundi bilang supplemental treatment para sa bawat indibidwal na infected ng coronavirus o COVID-19, ayon kay Department of Science and Technology (DOST) Secretary Fortunato dela Peña.


"'Yun pong sa lagundi, ang good news po ay naaprubahan na ng FDA ang clinical trials. Ito lang early this week naaprubahan," sabi ni Dela Peña sa public briefing ng Laging Handa.


Isasagawa ang clinical trials ng lagundi ng mga Philippine General Hospital (PGH) personnel, sa quarantine center ng Quezon Institute sa Santa Ana Hospital, at sa Philippine National Police-NCR community quarantine center.


Ayon kay Dela Peña, ang trials ay ia-administer sa mga pasyenteng may mild cases.


"Ang hangad natin diyan ay ma-address 'yung symptoms na katulad ng ubo, lagnat at mga sore throat. Kasi malaking bagay kung giginhawa ang ating pasyente na may cases diyan sa symptoms na 'yan," sabi ni Dela Peña.


"At titingnan din natin kung bababa ba 'yung probability na mag-progress sila into moderate and severe cases kung bibigyan ng gamot na lagundi," dagdag pa niya.


Samantala, naghihintay rin ng approval para sa clinical trials ang tawa-tawa mula sa FDA.


Gayundin, ayon kay Dela Peña, ang in vitro trials ng bansa na lauric acid, kung saan nagmula sa virgin coconut oil at iba pang katulad nito, gaya ng Monolaurin, ay sinusuri na sa abroad.


"So far po ang finding, merong modest, shall we say reduction ng infectivity ng ating SARS-CoV-2 with the use of lauric acid and Monolaurin," ani Dela Peña.


"Dahil po doon, kahit modest lang 'yung reduction, it still justifies our experiments or clinical trials involving VCO against COVID-19. Kasi kahit na modest, nakaka-reduce pa rin sila ng infectivity," ayon kay Dela Peña.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page