- BULGAR
- Jul 27, 2021
ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | July 27, 2021
Ayon sa pag-aaral na inilathala sa New England Journal of Medicine ay nagpahayag na ang tig-dalawang dose ng bakunang Pfizer at AstraZeneca ay epektibo laban sa Delta variant ng COVID-19, ang variant na sinasabing nagdudulot ng labis na pag-aalala sa buong mundo dahil sa mas nakahahawa ito.
Samantala, ang bakuna ng Moderna ay epektibo rin laban sa Delta variant. Ang tatlong bakunang nabanggit ay sumasailalim ngayon sa mga pagsusuri upang matukoy kung kinakailangan ng pangatlo o booster shot para sa karagdagang proteksiyon. Sa ngayon sinasabi ng gobyerno na hindi pa kailangan.
Ikinalulungkot naman ng mga dalubhasa ang kakulangan ng datos mula sa bakunang Sinovac upang makapaglabas ng tapat na pahayag. Maraming bansa sa ASEAN ang gumagamit ngayon ng tinatawag na “mix and match” ng mga bakuna kung saan magkaibang tatak ang una at pangalawang dose. Para umano mas mapabilis ang pagbigay-proteksiyon. Karamihan sa mga bansa sa ASEAN ay nagpasimula ng pagbabakuna gamit ang Sinovac na ibinigay ng gobyerno ng China.
Ang mga bakuna ng Pfizer at Moderna ay ngayong pa lang dumarating sa bansa sa pamamagitan ng mga donasyon at pagbili ng mga pribadong kompanya. Maaaring sumunod na rin ang gobyerno sa ginagawang “mix and match” ngayong may ibang bakuna na. May mga positibo na para sa Delta variant sa bansa kaya higit na mahalaga ang mabakunahan sa lalong madaling panahon. Ginagawa ng gobyerno ang lahat upang mapigilan ang pagkalat lalo na sa babala ni Pangulong Rodrigo Duterte na maaaring ipatupad ang mahigpit na lockdown kung magsimulang kumalat ang mga kaso. Bumabagsak na nga ang stock market sa babalang ito.
Higit isang buwan na lang at maririnig muli natin ang walang kamatayang awit ni Jose Marie Chan. Magkakaroon ba tayo ng mas masayang Pasko ngayong taon? Hindi pa masabi. Ang Delta variant ay tila balakid sa plano ng lahat. Ang mga bansa na nagpasyang luwagan ang paghihigpit ay nakararanas ng pagtaas ng mga impeksiyon, karamihan sa mga ito ay dahil sa Delta variant at karamihan ay mga hindi bakunado.
Ginagawa ng mga pamahalaan ang lahat para kumbensihin ang mga tao na magpabakuna. Ngunit kahit nagkakaroon ng pagsipa ng bilang ng mga kaso may mga mas naniniwala pa rin sa napakamaling impormasyon na ikinakalat ng mga nagpapahayag ng maling opinyon.
Sana ay hindi nila bayaran ng kanilang buhay ang mga maling paniniwala at dapat panagutan din ang nagkakalat ng maling impormasyon.




