top of page
Search

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | December 01, 2021



Sa pagbaba ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa buong bansa, partikular sa Metro Manila kung saan malaking porsiyento ng populasyon ay nakatanggap ng bakuna, ang mga paghihigpit ay lalong lumuwag. Sa ngayon ay nasa Alert Level 2 na ang NCR, kaya naman nakikita natin ngayon ang napakaraming tao, kabilang ang mga bata, na dumaragsa sa mall at iba pang komersiyal na lugar.


Gayundin, kapansin-pansin na ang pagbabalik ng mas mabigat na daloy ng mga sasakyan. Mas nadagdagan na rin ang mga pampublikong sasakyan, tila’y unti-unti na talagang bumabalik sa normal ang buhay ng marami sa atin habang papalapit ang Kapaskuhan — mukhang magiging mas masaya ang Pasko ngayong taon.


Sa kabila nito, may bagong variant ng COVID-19 na nadiskubre sa South Africa — ang Omicron, na siya namang ikinababahala ng World Health Organization (WHO). Sa kasalukuyan ay nadiskubre na ang Omicron variant sa ibang bansa. Kaugnay nito, may mga bansa na rin ang muling nagpatupad ng travel ban mula sa mga bansang may kaso ng Omicron variant.


Pero ayon kay Dr. Peter Hotez, Propesor at Dean ng Tropical Medicine, Baylor College of Medicine, ang mas mahalaga kaysa sa mga travel ban ay mabakunahan ang mga tao.


Ang tinatablan ng bagong variant ay ang mga taong hindi pa nababakunahan.


Hindi pa alam kung ano ang epekto ng Omicron variant sa mga kasalukuyang bakuna. Ngunit binibigyang-diin ni Dr. Hotez na kailangang madala ang mga bakuna sa mga bansang may mababang bilang ng nabakunahan.


Samantala, Delta variant pa rin ang kailangang tugunan, lalo na’t tila bumagal na ang pagbabakuna, baka ang mga naiwan ay ang mga labis na kontra sa bakuna tulad ng nakikita natin sa Amerika. Ang datos mula sa ourworldindata.org/covid-vaccinations ay 66% pa lang ang bakunado sa Amerika. Kabalintunaan nga at sa Amerika pa galing ang dalawang magandang bakuna, samantala, ang Europa ay nakararanas ng pagtaas sa mga kaso kung saan pinag-iisipang maging mahigpit muli ang ilang bansa na nagbubunsod ng mga protesta.


Ang gobyerno ay nagpataw ng pansamantalang pagsususpinde ng mga flights mula sa pitong bansa sa Africa hanggang Disyembre 15. May mga panawagan ding isama ang Hong Kong at Israel na makaaapekto sa paglalakbay ng mga overseas worker.


Hinihimok ang mas mahigpit na kontrol sa pagpasok ng mga tao para hindi maulit ang nangyari noong nagsisimula pa lang ang pandemya. Kung sa mga pag-aaral ay ipinapakita na ang Omicron variant ay nakamamatay tulad ng Delta, kasama ang mga pag-aaral ng epekto sa mga kasalukuyang bakuna, malaking problema ito para sa mundo, tila hindi pinapayagan ng COVID na maging normal ang mga buhay natin.


 
 

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | November 13, 2021



Nakapili na si Pangulong Rodrigo Duterte ng ipapalit kay PNP chief Gen. Guillermo Eleazar kapag nagretiro na ito ngayong Nobyembre. Nanghihinayang tayo sa pagreretiro ni Eleazar sa Philippine National Police (PNP). Sa ating palagay, siya ang maraming nagawang mabuti para sa PNP kahit sa maikling panahon lang nanilbihan. Maganda sana, kung pinahaba na lang ang kanyang termino bilang PNP chief. Kung bibigyan naman siya ng ibang posisyon sa gobyerno na madalas ginagawa ni P-Duterte, sana ay sa kagawaran o ahensiya kung saan siya makakatulong nang husto.


Alam na ng lahat ang pagbawi ni Sara Duterte ng kanyang certificate of candidacy (COC) para tumakbong alkalde ng Davao City, at inanunsiyo na ang kanyang kapatid ang papalit sa kanya.


Hindi na bago ang estilong ito. Bagama’t wala pa siyang anunsiyo kung ano na ang sunod na gagawin, hindi na nagtataka ang tao at ganyan din naman ang estilong ginawa ng kanyang ama noong 2016. Hindi raw ganito, hindi raw ganyan, pero ganun din pala.


May apat na araw pa siyang magdesisyon.


Samantala, may panukala na si Deputy speaker at Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na lubusang ipagbawal ang substitution of candidates, tila nagiging lokohan na lang ang eleksiyon dahil sa patakarang ito ng Comelec. May pinahahawak muna sa iba ang posisyon hanggang sa mapalitan ng tunay na kandidato. Balidong dahilan na lang ang dapat tanggapin ng Comelec kung sakaling bawiin ng kandidato ang kanyang COC.


Inanunsiyo na rin ng Comelec na may 205 kandidato para sa pagka-pangulo, VP at senador ang maaaring matanggal dahil sa pagiging nuisance candidates. Ginagawang lokohan lang ang eleksiyon, wala namang intensiyong tumakbo at magdudulot lamang ng kalituhan sa mga botante. Sa Disyembre ilalabas ng Comelec ang huling listahan ng mga kandidato.


Okupado na nga sa darating na halalan ang mamamayan — nagsimula na ang bangayan sa social media. Umiikot na rin ang mga kandidato kahit hindi pa opisyal na pangangampanya, tila nagpapakilala lang muna. May advertisement na sa TV at radio, kahit hindi sinasabing iboto sila.


Wala namang magawa ang Comelec at hindi ito labag sa kanilang mga patakaran sa ngayon.


Panahon na para makilala ang mga kandidato, at kung sino ang dapat manungkulan ng susunod na anim na taon.


 
 

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | November 9, 2021



Tila nakawala sa hawla. Ito ang eksena sa unang araw ng Alert Level 2 sa NCR. Ayon sa PNP, nakapagtala sila ng 9,461 na lumabag sa quarantine. Hindi naman sinabi kung ano ang mga paglalabag, pero kapansin-pansin ang pagdagsa ng mga tao, partikular sa mall.


Naging matindi rin ang trapik sa ilang lugar.


Ayon sa OCTA Research, bumalik na ang sitwasyon bago pq sumipa ang mga kaso ng Delta variant sa NCR at ilang lugar sa bansa. Dagdag pa nila, tila bumalik na nga ang buong bansa sa sitwasyon noong Marso nitong taon. Ito ay marahil sa dami ng bilang ng mga nabakunahan.

Ayon sa website ng DOH, higit 29 milyon ang kumpleto na ang bakuna habang higit 34 milyon naman ang nakatanggap na ng unang bakuna. At dito makikita na bagama’t marami na nga ang kumpleto ang bakuna, malayo pa ito sa 40 milyong target ng DOH.


Bakuna pa rin talaga ang sagot sa pandemyang ito. Kung mapabibilis lang sana ang pagbigay ng bakuna sa marami, mas maganda ang magiging sitwasyon ng bansa. May mga nangangamba nga na sa pagluwag ng NCR, kung hindi mag-iingat ang tao at iisiping wala na ang COVID, baka sumipa na naman ang mga kaso. Sa UK, kung saan lumuwag na rin dahil sa mababang bilang ng mga kaso noon, nakararanas sila ngayon ng pagsipa ng mga kaso. Sana ay hindi ito mangyari sa atin at masayang lang ang magandang sitwasyon.


Pero papalapit na ang Pasko. Pinayagan na ng MMDA ang extended mall hours mula Nobyembre 15, sahod pa iyon kaya nakikita na natin ang pagkakasabik ng mga tao na muling makapag-shopping. Pero kahit Alert Level 2 na tayo, ganun pa rin dapat ang pag-iingat. Dapat mag-facemask at face shield kung kinakailangan sa patutunguhan at madalas na paglinis o paghuhugas ng mga kamay. Hangga't maaari ay mag-take-out na lang muna o kumain sa labas kung may probisyon ang kainan. Huwag tumagal sa mga malls. Gawin lamang ang isinadya at umalis na. Sa tingin natin ay hindi pa rin ligtas ang manatili nang matagal sa loob, lalo na kung maraming tao. Alert Level 2 na nga, pero dapat Alert level 4 pa rin ang pagkilos at pag-iingat.


Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page