top of page
LET’S SEE - MIKA AT WILL, BUKING NA LUMIPAD PA-HK_Reddit.png
Search

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | October 2, 2020


Ayon sa DOH, bumababa na ang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa bansa.


Ito ang kanilang pahayag kahit halos malampasan na natin ang Italy sa dami ng kaso. Noong Marso, napilitang mag-lockdown ang Italy dahil sa bilis at dami ng kaso.


Ito ang mga unang buwan kung saan kumalat nang husto ang virus sa buong mundo. Ginaya natin ang pag-lockdown ng Italy kahit hindi pa ganu’n karami ang bilang ng mga kaso.


Sa tingin naman natin ay nakatulong ito, kung saan tatlong buwang naka-lockdown ang Luzon at nitong Hunyo ay muli itong mas niluwagan.


Matatandaang humigit-kumulang 20, 000 kaso ang bilang noong Hunyo. Pero bigla itong sumipa sa mga sumunod na linggo at pagsapit ng Hulyo ay halos dumoble na ang bilang.


Sa kabila ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19, inihayag ng DOH na karamihan sa mga ito ay “mild o asymptomatic”, at marami na rin ang gumaling.


Kaya raw dumarami ang bilang nito ay dahil sa tinatawag na “clustering” sa komunidad at dahil din sa malawak na testing na nagagawa ngayon.


Puwedeng sabihing karamihan ay “mild o asymptomatic”, pero nakakahawa pa rin ito. May mahahawaan na may sakit o matatanda. Hangga’t walang bakuna ay patuloy na magiging peligro ang COVID-19 sa buong mundo.


Samantala, mananatili sa ilalim ng GCQ ang Metro Manila hanggang sa katapusan ng Oktubre. Hindi pa rin kampante ang mga alkalde na puwede nang buksan nang husto ang mga siyudad at sang-ayon tayo riyan.


Pero nasusunod nga ba talaga ang mga patakaran sa ilalim ng GCQ? May mga negosyo ngayon na nagpupumilit magbukas kahit bawal pa. Marami na rin ang lumalabas kahit hindi naman kailangan, pero ang pakonsuwelo—lahat ay nagsusuot ng face mask.

 
 

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | September 19, 2020


Pumasok na tayo sa “ber months”. Sikat na sikat na naman ang mga kanta ni Jose Mari Chan. May nakikita na tayong mga nagbebenta ng parol—may mga Christmas lights na rin.


Paniguradong may mga nagbabalak na ring magtayo ng kani-kanilang Christmas tree. May mga kaibigan nga tayong nagsasabing dapat magtayo na ng mga Christmas tress para makaramdam ng kasiyahan—bagay na kailangan nating lahat sa panahong ito.


Pero siguradong kakaiba ang pagdiriwang ng kapaskuhan ngayong taon. Hindi pa nawawala ang COVID-19. Hindi natin alam kung papayagan ng gobyerno ang mga mall na magpapasok ng maraming tao para mamili tulad ng mga nakaraang taon.


Paniguradong mapipilitan na lang bumili online ang marami para sa kanilang mga reregaluhan. Hindi pa rin normal ang ekonomiya na siguradong malabo pang bumalik sa ayos ngayong taon. Nakalulungkot mang isipin, marami ang mahihirapang magsaya dahil sa kani-kanyang sitwasyon.


Papayagan din ba ng gobyerno ang mga pamilya na magtipun-tipon sa Bisperas ng Pasko?


Sa ngayon ay bawal ang pagtitipon ng hihigit sa sampung katao. Hindi ba’t, maging ang mga sementeryo ay pansamantala munang isasara ngayong undas dahil iniiwasan ang mass gathering?


Ayon sa tagapagsalita ng Palasyo, nalampasan na raw natin ang krisis ng COVID-19. Hindi nating alam kung paano niya masasabi ‘yan gayung libo-libo pa rin ang nagpopositibo araw-araw.


At wala pa rin ang bakuna na siyang sagot sa pandemyang ito. May kilalang kumpanya nga na itinigil muna ang kanilang clinical trial nang may lumabas na “neurologic symptoms” sa isang binigyan ng ginawang bakuna. Hindi talaga madali ang lumikha ng bakuna para sa bagong sakit. Taon ang pinag-uusapan pero ayon sa Russia, may bakuna na raw sila na handang subukan na umano sa Pilipinas. Handa na ba kayo?

 
 

SCTEX, CAVITEX at CALAX, pag-aralan muna bago ipatupad

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | September 18, 2020


Paano kung madalang ako bumiyahe palabas ng Metro Manila? Ito ang tanong ng mga netizens sa panukalang pagsapit ng Nobyembre 2, ang sistemang RFID na lang ang tatanggapin bilang bayad sa paggamit sa NLEX, SCTEX, CAVITEX at CALAX na pinatatakbo ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC).


Nagsimula na ang cashless payment noong Agosto. Pero kailangang bumili ng RFID at lagyan ng laman na parang cellphone load. Kapag napadaan sa mga tollgate, babasahin lamang ang RFID at ibabawas na ang halagang dapat singilin sa paggamit ng tollway, depende sa layo ng destinasyon.


Ganitong sistema ng bayaran ang gustong mangyari ng Department of Transportation (DOTr) sa lahat ng tollways. Ayon sa DOTr, mababawasan ang hawaan ng COVID-19 kung wala nang palitan ng pera sa tollway. Pero kung ipatutupad ang sistema, marami naman ang mawawalan ng trabaho bilang tollway collector, hindi ba?


Isa pa, hindi lahat ng tollway ay pinatatakbo ng kumpanya. Sa madaling salita, ang RFID na mabibili mo ay maaaring magamit sa ilang tollway tulad nga ng NLEX at SCTEX. Kung babaybay tayo sa SLEX, baka hindi na umubra ang RFID ng NLEX at SCTEX.


Kung parang ATM sana ‘yan, kung saan kahit anong bangko ay puwedeng maglabas ng pera ay maganda ang sistema. Pero kung ganyang magkakaiba ang nagpapatakbo, ilang RFID ang dapat nakakabit sa sasakyan ng mga motorista?


Baka kailangang bigyan pa ng sapat na panahon para isang RFID na lang ang kakailanganin ng sasakyan para sa lahat ng tollways.


Pero may panahon pa naman para ayusin ang lahat bago mag-Nobyembre. Naiintindihan natin ang nais makamit sa mga sistemang ito. Kailangan lang tanggalin ang anumang gusot na lalabas,


para wala ring kalituhan o kaguluhan sa mga tollways kapag pinatupad na nang husto.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page