ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | January 23, 2021
May pagsusuring ginawa ang mga propesor ng University of Cambridge, kung saan ang pag-uusap “indoor” o sa mga lugar na halos walang bentilasyon ay nagdadala ng katumbas na panganib sa pag-ubo sa pagkalat ng COVID-19.
Kaya hangga’t maaari ay iwasan ang mga lugar, tulad ng restoran, malls at iba pang lugar — na halos walang bentilasyon o paikut-ikot lang ang hangin sa loob — mas ligtas ang mga lugar na nasa labas.
Kung talagang gustong kumain sa restoran, piliin ang puwesto sa labas imbes na sa loob kung meron man. Iwasan ang lugar na maraming tao. Kung may tindahan namang nais puntahan sa mall, hintayin munang mabawasan ang tao sa loob kung hindi sila mahigpit sa dami ng taong pinapapasok.
Sa ngayon, mahigit sampung libo na ang namatay dahil sa COVID-19. Mahigit na rin sa kalahating milyon ang nagpositibo, kaya’t napakahalagang magsuot ng face mask kapag lumalabas ng bahay kahit pa panandalian o saglit lamang.
Hindi natin maintindihan ang ibang bansa. Marami na ang kaso ng COVID-19 sa kanila pero tila hindi sila obligadong magsuot ng face mask o ayaw lang talaga.
Sa Europe, malaking problema na naman ang dumaraming kaso. May mga babalik na sa lockdown at may mga siyudad na nagtatalaga ng curfew. Samantala sa Amerika, numero-uno pa rin sa dami ng kaso at namatay.
Manunumpa na si Joe Biden bilang bagong pangulo, kaya tingnan natin kung mas maayos ang kanyang paghawak sa krisis ng COVID-19 sa kanilang bansa.
Gayunman, epektibong bakuna pa rin ang tanging solusyon sa krisis na kasalukuyang nangyayari sa halos lahat ng panig ng mundo. Pero naaantala sa kung anu-anong mga isyu at kontrobersiya — kasama na ang kaunting patawa.
Sana nga at makuha ng mga LGUs ang kanilang mga suplay ng bakuna mula sa iba’t ibang kumpanya — mga bakunang pinili nila dahil sa mataas na epektibo.

