top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 28, 2021



Kaarawan ni Sen. Leila de Lima kahapon. Magandang okasyon ito upang pasalamatan at pagpugayan ang magiting na lider na naging inspirasyon at pinaghuhugutan ng lakas ng marami. Mahirap, masakit at tunay na nakagagalit ang patuloy na inhustisya ng pagkulong sa taong inosente. Sa kaarawan niya, nararapat lang ulit-ulitin ang panawagang: Wakasan ang inhustisya!


Isa sa mahahalagang institusyon ng demokrasya ay ang sistema ng katarungan. Sa anumang mahalagang katanungan na nangangailangan ng pinakamatibay at pinakamataas na kasagutan, tayo ay umaasa sa Korte Suprema. Nasaan na, kumusta ito? Wala pang isang taon sa puwesto ang pangulo, mabilis kumilos ang iba’t ibang sangay ng gobyerno para idiin ang senadora.


Hanggang ngayon, sa kabila ng kawalan ng ebidensiya, iginigiit pa rin ng kasalukuyang administrasyon ang pagkakasangkot ng senadora sa ilegal na droga.


Noong Hunyo, 2018 ay umapela ang senadora sa Korte Suprema, na suriin ang kanyang pagkakakulong batay sa mga alegasyong sangkot siya sa ilegal na droga. Tanging si Justice Caguiao lamang ang tumutol at nagsabing, nalabag ang mga karapatan ng senadora, batay sa Konstitusyon, samantalang, siyam na Justices ang bumoto na walang nalabag sa kaso laban sa kanya, at dapat lang ituloy ang paglilitis dito. Kaya nagsimula at nagpatuloy ang paglilitis. Dinaluhan niya ang lahat ng hearing. Matiyaga itong pinakinggan, gayundin ng kanyang mga abogado, ang pagharap ng mga testigong madalas nagbubulaan. Ano kayang bigat at sakit ng kalooban ang nararamdaman nito tuwing hinaharap sa husgado ang mga bulaang testigo?


Mula arestuhin at ikulong sa Kampo Crame si Sen. De Lima noong ika-24 ng Pebrero, 2017, sinikap nating dalawin ito kada linggo sa kanyang piitan upang ipagdiwang ang banal na misa. Sa kabila ng matagal at hindi makatarungang pagkakakulong ng senadora, hindi nadurog ang pagkatao nito. Kitang-kita ito ng mga dumalo at nakinig sa mga bahaginan sa mga misa sa krame.


Malungkot ang mga panahong ito. Hirap na tayong dumalaw sa senadora. Hindi madaling makaahon sa pagkawala ng sariling ina. Subalit, sapat nang isipin ang kanyang hindi makatarungang pagkakakulong at bigla na lang nating maririnig ang kanyang hindi malunud-lunod na tinig na buong galak at tapang kong sinasabayan:


“Hindi ako titigil. Hanggang sa aking huling hininga, lalaban ako para sa katotohanan at katarungan…para sa Diyos, para sa aking bayan at mga kababayan!”

 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 21, 2021



Hanggang kailan maghahari ang kasinungalingan at inhustisya? Drug Queen, immoral, korup, at iba pa — ‘yan ang mga paratang kay Sen. Leila de Lima.


Napakalaking operasyon ang isinawa laban sa Senadora, patuloy pa rin ang paglilitis na walang pinupuntahan dahil walang maiharap ang presekusyon na matibay na ebidensiya laban sa kanya.


Mahigit apat na taon nang nakakulong ang Senadora sa Kampo Crame mula sa pag-aresto sa kanya noong ika-24 ng Pebrero, 2017. Marami sa apat na taong nagdaan, kahit pandemya, nadadalaw pa rin natin ang butihing Senadora.


Dahil sa pagdami ng kaso ng COVID-19 sa kasalukuyang taon, naging mahirap nang dumalaw sa kanya. Dahil sa papalapit nang pagsasampa ng kandidatura sa darating na ika-1 ng Oktubre 2021, nagpasya na ang Senadora na magpalabas ng pahayag, “Marami ang nagtatanong kung sa kabila ng pagyurak na ginawa mo sa akin ay may lakas pa ako ng loob na muling tumakbo bilang senador sa 2022. Tatakbo akong muli. Hindi ako susuko. Tuloy ang laban.”


Sa kabila ng mahigit apat na taong pagkakakulong ay hindi nadurog, nabale o nabasag ang kalooban ng Senadora. Sa marami naming pag-uusap, nabanggit niya ang grasya ng kulungan. Naririnig kong paulit-ulit sa aking isip ang mahinahon at malinaw, ngunit buong tinig ng matapang na Senadora, “Napakarami kong panahon na magdasal, magnilay, magbasa, magsulat at palalimin ang aking pananampalataya sa Diyos. Hindi ibinibigay sa lahat ang pagkakataong makaharap ang matinding pag-iisa at pawang kalungkutan. Ngunit hindi ako malungkot. Hindi ako bigo. Hindi ako nawalan ng pag-asa at paninindigan. Lalo akong lumakas. Lalong nabubuo ang aking paninindigang lumaban at gawin ang dapat para sa aking bayan at mga kababayan. Lalaban ako. Hindi ako susuko.”


Alam ng mga taga-South Africa ang naging buhay ng kanilang yumaong Presidente na si Nelson Mandela. Bago ito nakulong, nilabanan niya ang polisiya ng “Apartheid” o paghihiwalay ng mga itim sa puti. Dayo ang mga puti na galing England. Bagama’t dayo ang mga ito, sila ang may hawak sa pulitika at ekonomiya ng South Africa. Ang lahat ng maganda at naturang “first class” ay para lamang sa mga puti. At ang lahat ng mas mababa at mahinang klase ay para sa mga itim. Hindi matanggap ni Nelson ang ganitong pagtatangi at paghihiwalay sa kanyang mga kababayan na kung tutuusin sila ang dapat nagpapatakbo ng kanilang bayang tinubuan. At dahil sa kanyang patuloy na pag-oorganisa at paglaban sa pamahalaan ng mga puti at para sa karapatan ng mga itim, nakulong si Nelson sa Roben Island ng 20 taon. At sa kanyang kulungan, hindi nawalan ng pag-asa at pananampalataya ang lider ng South Africans. Habang tinitiis nito ang pagkakakulong, ito ay naging buhay na martir laban sa Apartheid. At sa kanyang paglaya, nagising at tumindi pa ang paglaban ng lahat sa apartheid hanggang sa magkaroon ng pambansang eleksiyon kung saan si Nelson Mandela ang naging pinaka-unang pangulong itim.


Kung si Nelson Mandela ang buhay na martir laban sa apartheid, si Sen. Leila De Lima naman ang maituturing na buhay na martir para sa karapatang-pantao. Hindi ito tumigil sa pamamahayag sa pamamagitan ng pagsusulat ng kanyang posisyon at paninindigan hinggil sa iba’t ibang isyu ng ating bansa.


Sa nagdaang mahigit limang taon na ng kasalukuyang administrasyon, naging malinaw at matinding ilaw ng katotohanan, katinuan, katarungan, katapangan at paninindigan ang senadora.


Isa lang ang dapat mangyari sa lalong madaling panahon. Dapat lang palayain na si Senadora Leila de Lima!

 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 14, 2021



Noong muling nagbalik ang “lockdown” sa National Capital Region mula ika-6 hanggang ika-20 ng Agosto, 2021, hindi na nagulat ang karamihan dahil sa naranasang unang lockdown last year. Madaling sumunod ang karamihan sa mga institusyon, kasama na ang mga simbahan. Maraming simbahan ang tuluyan nang isinara ang kanilang pintuan at hindi na nagpapasok ng mga parukyano, kung saan online mass ang naging sentro ng lahat ng mga pagdiriwang ng simbahan. Wala nang ibang pagtitipong nagaganap kundi ang naturang virtual o digital experience ng banal na misa. Subalit, hindi kasama sa pinagbabawal ang pag-iikot sa kabahayan upang dalawin ang mga may sakit, matatanda at may kapansanan.


Ganun kahalaga ang pagbaba, pag-iikot at pagdalaw ng pari sa kanilang mga parukyano. Kung mawawala ang mga gawaing ito, at tuluyan na ring magsara ng simbahan at kumbento dala ng malubhang pag-iingat, tuluyan na ring mawawalan ng koneksiyon ang nakararami sa kanilang simbahan. At kung merong sektor na higit na may kaugnayan sa kanilang simbahan, ito na ang sektor ng mga may edad na at umu-edad. At kung meron ding napakalaking nagawa para sa simbahan, ito na ang sektor ng matanda at tumatandang parukyano. Kaya’t nararapat lang na pagtuunan ng partikular at espesyal na atensiyon ang mga “elderly” o “senior”.


Dahil dito merong kambal na obligasyon kaming mga pari, pastor at imam. Kailangang alagaan at alalayan ang sektor ng matanda at kasabay nito ay ang sektor ng kabataan.


Ngunit, paano ito gagawin ngayong panahon ng pandemya, panahon ng pabalik-balik na lockdown, ngayong kakaunti ang dami ng nagsisimba o nangangahas ng lumabas ng kanilang bahay upang pumasok ng simbahan.


Napakaraming nagkakasakit at namamatay sa sektor ng matatanda. Hindi tayo makapamili o makahindi kapag nakiusap na ang pamilya ng yumaong matanda na basbasan at misahan ang kanilang magulang. Kung obligasyon naming sadyain ang mga tahanan ng nasawing matatanda, higit na makabuluhan na dalawin, basbasan, pakomunyunin at bigyan ng kaunting ayuda ang buhay pa at lumalaban na matatanda at tumatanda. At ganon na lang ang kapansin-pansing galak ng matatanda, “Salamat na hindi ninyo kami nakalimutan. Binigyan pa ninyo kami ng pagkain, bakuna, gamot, bitamina at iba pa.”


Ito ang tunay at matinding hamon ng pandemya: hanapin, dalawin, kilalanin at pagpahalagahan ang napakahalagang sektor na ito, bago mahuli at pagsisihan na lang natin ang lahat.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page