top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 09, 2021



“Palagi kayong manalangin, at magpasalamat sa Diyos sa lahat ng pagkakataon; sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo sa inyong pakikipag-isa kay HesuKristo.”


Ito ang pakiusap ni Pablo sa mamayan ng Tesalonica (1Tesalonica 15:16-18). Ito rin ang turo ni Hesus sa Ebanghelyo ni San Lucas (Lucas 11:5-13) noong Huwebes, “Sinabi pa rin niya sa kanila, ‘Ipalagay nating isang hatinggabi, isa sa inyo’y nagpunta sa isa ninyong kaibigan at nakiusap,’ ‘Kaibigan, bigyan mo muna ako ng tatlong tinapay. Dumating kasi ang isa kong kaibigang naglalakbay at wala akong maihain sa kanya!’ At ganito ang sagot ng kaibigan mong nasa loob ng bahay, ‘Huwag mo na akong gambalain! Nakatrangka na ang pinto at nakahiga na kami ng aking mga anak. Hindi na ako makababangon para bigyan ka ng iyong kailangan.’ Sinasabi ko sa inyo, hindi man siya bumangon dahil sa kanilang pagiging magkaibigan, babangon siya upang ibigay ang hinihingi ng kaibigan dahil sa pagpupumilit nito. Kaya’t sinasabi ko sa inyo, humingi kayo at kayo’y bibigyan; humanap kayo at kayo’y makakatagpo; kumatok kayo at kayo’y pagbubuksan. Sapagkat ang bawat humihingi ay tatanggap; ang bawat humahanap ay makakatagpo at ang bawat kumakatok ay pagbubuksan. Kayong ama, bibigyan ba ninyo ng ahas ang inyong anak kung ito’y humihingi ng isda? Bibigyan ba ninyo siya ng alakdan kung siya’y humihingi ng itlog? Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit! Ibibigay niya ang Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya!” (MBB05: Magandang Balita Biblia 2005)

Ang walang sawang paghingi, pakiusap sa Diyos na tulungan tayo sa lahat ng panahon sa anumang ginagawa natin upang palaging maayon ito sa Kanyang banal na kalooban. Ito ang tunay na diwa ng panalangin, ang walang sawang, walang tigil, walang katapusang pag-asa, pagtatanong, paghingi ng tulong, pagsangguni, pakikipag-ugnay sa Diyos. Sinikap nating gawin ito sa nakaraang 51 taon ng aking buhay mula 1970 hanggang 2021, mula ng panahon ng Martial Law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos hanggang sa lahat ng mga dating sumunod na Pangulo na sina Cory, Fidel Ramos, Erap, Gloria Macapagal Arroyo, PNoy hanggang P-Digong.


Isinagawa natin ang walang sawa, walang tigil na pagsusuri at pagtutuligsa ng anumang mali o pang-aabuso na kinasangkutan ng nagdaang pitong administrasyon.


Hindi madali ito at hindi rin ligtas, dahil anumang ating matuklasan sa pag-aaral at pagsusuri ng mga nagdaang administrasyon, hindi maaaring manahimik at walang gawin. Palagi tayong namamahayag at kumikilos laban sa anumang abuso o katiwalian ng nagdaang administrasyon.


Nakalulungkot kapag nakakausap natin ang nagsasabing, “Ang galing-galing ng mga Marcos dahil itinuro ng kanilang ama ang “disiplina” sa mamamayan. Ang disiplina ang mahusay na paraan upang umunlad ang lahat sampu ng buong bansa. Sa ganitong pananalita, parang hindi nangyari ang Martial Law, at walang nawala, natortyur at napatay noong panahon ng Martial Law. Nakalulungkot ding marinig na okay si Lacson dahil hindi ito gumamit ng pork barrel, tila nakalimutan o hindi narinig o napag-aralan ang kaso ng pagkamatay nina Corbito at Dacer noong panahon ni Erap at ng pagpatay sa mga miyembro ng Kuratong Baleleng.

Nakalulungkot din na marinig na mabait at may magandang kalooban si Pacquiao, pagkatapos nitong paulit-ulit ipagtanggol ang parusan bitay sa dahilang “binitay si HesuKristo sa krus.” Nakalulungkot ding marinig na okay si Isko pagkatapos nitong sabihing, “Hayaan ang due process ng mga korte na umiral sa kaso ni Sen. Leila de Lima, samantalang, hindi sinunod ng pamahalaan ang due process sa pagkulong at paglilitis ng Senadora.


Nakalulungkot ding marinig na kailangang iboto si Sara para merong “continuity” ang kabutihang sinimulan ng ama nito, samantalang ay hindi nakikita ang continuity din sa panggigipit sa anumang oposisyon, sa maraming namatay sa tokhang, sa patuloy na paghahandog ng palaki nang palaking bahagi ng ating bansa sa mananakop na China, atbp.


Nakalimot kaya tayo o sadyang pinalalabo ang katotohanan upang ang kabaliktaran nito ang umiral sa mga isipan, puso at kaluluwa ng mga tao. Sa totoo lang, hindi pagkalimot o pagiging makalilimutin ng taumbayan ang problema kundi ang sinasadyang pagpapalaganap ng mga kasinungalingan o kabaliktaran ng tunay na nangyari para magmukhang mabuti ang masasama at magmukhang masasama ang mabubuti.


Nagdeklara na sa wakas noong Huwebes si VP Leni Robredo. Nakatutuwang marinig, “Iboboto ko si Leni dahil sa malinis na hangarin nito at dahil sa wagas at walang sawang paglilingkod nito sa lahat, lalo na sa mahihirap. Pag-aralan, suriin, kilatisin, pag-usapan ang buhay ni VP Leni at walang makikitang malaki at nakababahalang depekto, kahinaan o kasiraan.


Gayunman, simulan na natin ang matiyagang panalangin at sabayan ito ng malalim na pag-aaral, pagsusuri, pagtatakayan ng buhay, pagkatao at mga nagawa ng iba’t ibang kandidato. Ito ang buhay na madasalin, ang buhay na palaging kaugnay ang Diyos at ang mundong kinikilusan Niya at ng Kanyang kaaway.

 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 11, 2021



Nagising na ako nang alas-3: 00 ng umaga noong Miyerkules, ika-8 ng Setyembre. Malakas ang buhos ng ulan na tila tumpok ng bato na bumabagsak sa mga yero, imposible na tayong makatulog nang mahimbing. Ganu’n kalakas ang bagsak ng tubig mula sa Bagyong Jolina.


Bakit kaya Jolina? Marahil, wala nang maisip na pangalan ang PAGASA kaya’t lumitaw na lang ang pangalang ito. Nauna sa Bagyong Jolina si “Isang” at natural lang na kasunod ng “I” ay “J” kaya’t okay na rin ang Jolina.


At dahil ang kasunod ng “J” ay “K”, biglang sumulpot ang pangalan ng kasunod na Bagyong Kiko. Meron kayang mahalaga o malalim na dahilan ang pagpili ng PAGASA sa Kiko? Malamang wala.


Kung walang malalim na dahilan sa pagpili ng Bagyong Kiko, malaya naman tayong magbigay ng pansariling kahulugan at kahalagahan para sa pangalang “Kiko”, ng kasunod na bagyo. Kasisimula lang ng mahigit isang buwang pagdiriwang na tinawag ni Papa Francisco ng “Season of Creation” na nagsimula ng ika-1 ng Setyembre hanggang ika-4 ng Oktubre, ang Pista ni San Francisco ng Assisi.


Napakahalagang tutukan ang kalikasan sa buong buwan ng Setyembre hanggang sa Pista ni San Francisco. Napakahalaga ng kalikasan sa kasalukuyang panahon. Kung ipinagdarasal natin araw-araw ang Oratio Imperata, kailangang hanapan natin ng panahon ang sumusunod na dasal ng panahon ng paglikha. Basahin natin ang ilang bahagi ng panalanging ito: Maylikha ng lahat, nagpapasalamat kami na mula sa pagkakaisa ng Inyong pag-ibig ay nilikha N’yo ang aming planeta upang maging tahanan ng tanan.


Sa pamamagitan ng Inyong banal na karunungan, Inyong nilika ang daigdig upang magpasibol ng samu’t saring buhay sa sangkalupaan, sangkatubigan at sangkalawakan. Pinupuri Ka ng bawat bahagi ng sangnilikha at kanilang kinakalinga ang isa’t isa ayon sa kani-kanilang kinatatayuan sa hibla ng buhay. Kaisa ng Salmista, umaawit kami sa Iyo ng papuri na sa Iyong bahay “maging ang maya ay nakasusumpong ng tahanan at ang langay-langayan ng pugad para sa kanya na mapaglalapagan niya ng kanyang inakay.”


Batid namin na tinawag Mo ang sangkatauhan na pangalagaan ang Iyong halamanan nang may paggalang sa dangal ng bawat nilalang at pinananatiling ganap ang buhay sa daigdig para sa tanan. Subalit, batid din naming ang paghahangad ng kapangyarihan ay nagdadala sa aming planetang tahanan sa sukdulang kasiraan.


Ang aming pagkokonsumo ay hindi na ayon sa kakayahan ng daigdig na hilumin ang kanyang sarili. Natitigang at nawawala na ang mga tirahan ng samu’t saring buhay. Marami na ring samu’t saring buhay ang naglaho, gayundin ay ang mga nasirang sistemang ekolohikal. Ang mga bahura ng korales, mga lungga ng mga hayop, kabundukan at karagatan na dating puspos ng buhay at ugnayan, ngayon ay tuyot at tiwang-wang.


Marami ring pamilya ang nawalan ng tirahan duloy ng kawalan ng seguridad at alitan, nagsisilikas sa paghahangad na masumpungan ang kapayapaan. Ang mga hayop ay nagsisipanakbuhan papalayo sa kanilang likas na tirahan sanhi ng mga nagliliyab na apoy, pagkakalbo ng mga gubat at taggutom, at gumagala sa paghahanap ng bagong tahanan para sa kanilang supling at para mabuhay.


Ngayong panahon ng paglikha, idinadalangin naming nawa’y ang hininga ng lyong malikhaing salita ay dumaloy sa aming mga puso tulad ng tubig sa aming pagsilang at binyag. Pagkalooban Mo kami ng pananampalataya upang masundan ang halimbawa ni HesuKristo sa makatarungang pakikipag-ugnayan sa komunidad ng buhay.”


Magtatapos ang Panahon ng Paglikaha sa Pista ni San Francisco ng Assisi. “Kiko” ang palayaw ng Santo — “Papa Kiko” ang tinawag ng mga Pinoy sa kanya. Isinulat ni “Papa Kiko” ang Laudato Si kung saan tinawag niya ang mundo na tahanan ng lahat. Mababasa ito sa panalangin. At mababasa rin ang dahilan ng pagkasira ng mundo mula sa paghina at pagkawala ng pangalan sa dangal ng tao at kalikasan hanggang sa walang habas na pagkonsumo. Kung kailangan nating baguhin ang pagtingin sa kalusugan ng katawan dahil sa pandemya, kailangan din nating baguhin ang pagtingin sa kalusugan ng daigdig.

 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 04, 2021



Gaano kalayo ang Morong, Rizal sa Barangay Pinyahan, Quezon City? Marahil, ito’y sa pagitan ng 40 at 50-kilometro. Bakit natin ito itinatanong? Noong Huwebes, napakiusapan tayo ng parokyano sa dating parokya na magmisa sa kanyang yumaong ina sa pabahay na ipinagkaloob ng pamahalaan sa ilang dating taga-NIA Road sa Barangay Pinyahan, Quezon City.


Dahil sa panganib na nakaamba dahil sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19, hindi madaling kumuha ng pari. Naintindihan natin ito dahil sa kalagayan ng mga parukyanong nagkakasakit, lumulubha at namamatay sa ating kasalukuyang parokya.


Malalim at komplikado ang pagdadalamhati sa panahon ng pandemya para sa mga pumanaw na mahal sa buhay, kaibigan, maging mga kapitbahay at kasama sa trabaho. Kapag naospital ang iyong mahal sa buhay, tiyak na hindi mo basta mababantayan o madadalaw ito. Maging sa paglubha ng kalagayan ng iyong mahal sa buhay hanggang sa tuluyan na itong pumanaw dahil sa COVID-19, hindi malayong hindi mo na rin siya makita dahil sa patakarang dapat idiretso ang mga biktima ng COVID-19 sa crematorium. Paano magdadalamhati sa ganitong sitwasyon?


Mabuti na lang at hindi COVID-19 ang ikinamatay ng magulang ng ating dating parokyano. Maaari ko pa itong puntahan dahil naiburol ito sa kanilang tahanan. Ang problema lang ay nasa Morong, Rizal ang burol ng namatay. Karamihan ng mga na-relocate na mula sa kilalang NIA road sa Barangay Pinyahan ay nasa relocation site rito. Kinailangang magdala kami ng sasakyan papunta roon. Medyo manipis pa rin ang dami ng sasakyan sa daan dahil sa hindi gaanong kakapal na trapiko dahil MECQ na lang at hindi na ECQ. Malungkot lang ang inabutan naming daan papunta sa relocation site. Alun-alon, bitak-bitak at sa ilang lugar parang munting bundok na lumitaw sa gitna ng daan o lawa-lawaan ang hugis ng daan. Sayang at kongkreto pa naman ang daan. Nasabi na laman naming magkakasama na dahil siguro tago at malayo ang lugar at dahil ito naman ay para lamang sa mga naturang relocates (inilipat sa pabahay ng gobyerno) na maralitang taga-lungsod, hindi na ibinigay ang tama at angkop na halo ng graba, buhangin, semento at bakal. Sino naman ang makakakita sa kalyeng ito kundi ang mga maralitang taga-lungsod na galing sa NIA Road?


Ngunit, marami sa mga nailipat na sa Morong ay wala sa kani-kanilang tahanan mula Lunes hanggang Biyernes dahil wala silang natagpuang kabuhayan sa kanilang paglipat doon. Malaking bahagi ng kanilang suweldo ay nauubos sa balikang pamasahe mula Maynila hanggang Morong, Rizal. At marami rin sa kanila ay nanunuluyan sa mga kaibigan at kamag-anak na nakatira pa rin sa NIA road hanggang ngayon.


Kasama ba sa ipinagmamalaking Build, Build, Build Flagship program ng pamahalaan ang pagpapagawa ng matitinong pabahay para sa maralitang taga-lungsod? Mahalaga bang itanong ito sa panahon ng pandemya? Ngayong pinag-aawayan na sa Senado kung saan napunta ang bilyun-bilyong salapi sa overpriced na mga facemask, face shields at PPE? Tiyak na kung palalalimin pa ang imbestigasyon sa kabuuang paggamit sa pondong inilabas para sa Bayanihan I at 2, marami pang lalabas na anomalya.


Kung napabayaan ang pabahay, ang malubhang pagkukulang ngayon ay ang kalusugan at kaligtasan ng lahat sa pandemya. Ang problema ay simple. Malinaw at mali ang prayoridad ng pamahalaan. Una sa lahat, ang sarili. Pangalawa lang kayong lahat. Napakalungkot. Nasaan na ang pangakong pabahay sa mga maralitang taga-lungsod at taga-nayon? Nasaan na ang Lupang Pangako ang magandang kinabukasan na ipinangako nila sa ating lahat?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page