- BULGAR
- Feb 24, 2022
ni Ka Ambo - @Bistado | February 24, 2022
PINASOK na ng Russia ang Ukraine.
Matagal nang napasok ‘yan!
◘◘◘
MAY dalawang malaking rehiyon sa loob ng Ukraine ay nagdeklara ng awtonomiya na matagal nang sinusuportahan ng Russia.
Tulad ng Crimea na dating bahagi ng Ukraine, isasapormal lang ng Russia ang pagkontrol sa dalawang rehiyon.
‘Yun lang ang totoong isyu riyan!
◘◘◘
KAPAG tinangka ng Ukraine government na bombahin ang dalawang rehiyong ito, riyan na papasok ang ground Russian Troops na siyang hinihintay ng US at Europe.
Ibig sabihin, ang panghihimasok ng US at European Union ang magpapalala ng sitwasyon!
◘◘◘
HALOS kalahati ng populasyon ng Ukraine ay maka-Russia at kalahati ay maka-US-Europe.
Ang “divided citizens” dito — ay siyang ginagamit ng US at Europe para makapanghimasok!
◘◘◘
ANG nangyayari sa Ukraine ay puwede ring maranasan ng Pilipinas.
‘Yan ay kapag nahati ang populasyon ng Pilipinas — kalahati ay maka-US-EU at kalahati ay maka-China.
Walang maka-Pilipinas!
◘◘◘
MAHALAGA ang foreign policy o plataporma pang-dayuhan sa nagaganap na presidential election.
Ang media sa Pilipinas na siyang nagsasagawa ng “mga panayam” ay may mahihinang kukote.
Hindi pinagtutuunan ng mga “moderator” ang maselang foreign policy ng mga kandidato!
◘◘◘
DAPAT linawin sa panayam kung ano ang foreign policy ng presidentiable.
Halimbawa, sino sa mga kandidato ay may malinaw na pagkiling, paghapay at kaalyado ng US?
Maselan ‘yan?
◘◘◘
BATAY sa kasaysayan, palaging nanghihimasok ang US sa presidential election sa Pilipinas.
Sa aktwal, palaging may “manok” ang US sa presidential election!
◘◘◘
MAHIHINA ang kukote ng mga moderator sapagkat wala sa mga ito — ay nakapokus upang matukoy kung sino ang kaalyado ng US.
Mahalaga ang “American factor” sa presidential election.
Ito ay maaaring makatulong sa “kapayapaan”, pero maaari ring magbunsod ng kaguluhan, tulad sa Ukraine!
◘◘◘
SOBRANG taas ng presyo ng petrolyo.
Isang dahilan dito ay ang giyera ng Russia at Ukraine!
◘◘◘
KAHIT naglaho na ang COVID-19, maaaring mas grabe ang maging krisis dahil sa digmaan.
Pero, walang presidentiable na tumatalakay sa maselang isyung ito.
Engot naman ang media sa pagbungal ng isyung ito, kung saan nakataya ang hinaharap ng ating bansa!




