ni Ka Ambo - @Bistado | March 8, 2022
MARAMI ang nababahala kung paano babayaran ang milyun-milyong utang ng City of Manila kapag wala na sa city hall si Mayor Isko.
Ninenerbiyos kasi ang mga Manilenyo na maaaring palobohin ang buwis para lang makabayad sa naturang utang.
◘◘◘
NAHIMASMASAN naman ang mga taga-Maynila sa malinaw na sagot ni Mayoralty candidate Alex Lopez.
Kung sakaling maupong mayor, ibabasura o ive-veto niya ang anumang panukalang batas na magtatakda ng dagdag-buwis sa Maynila.
◘◘◘
SUPORTADO naman ng kumakandidatong bise-alkalde na si Raymond Bagatsing at kagrupong konsehal ang posisyon at platapormang ito ni Lopez.
Kailangan ang panukalang batas sa dagdag-buwis at ito ay dapat mapagtibay ng konseho ng Maynila na binubuo ng bise-alkalde at mga konsehal.
◘◘◘
NILINAW din ni Lopez na tatanggalin niya ang red tape at korupsiyon sa pagkuha ng building permit.
Imbes na ipagbawal ang high rise building, sisingilin na lamang ng kaukulang halaga ang mga nagkukusang magtayo ng matataas na gusali sa kapitolyo ng Pilipinas.
◘◘◘
AYON sa Zero-Waste Coalition, hihigit sa 40 porsiyento ang madadagdag na bolyum ng basura dahil sa mga tarpaulin at iba pang propaganda materials sa kampanya.
Ikinatuwa nila ang eco-friendly campaign na ginagawa ni ex-speaker Alan Peter Cayetano dahil hindi siya gagamit ng anumang propaganda materials.
◘◘◘
NAGDESISYON din si Cayetano na hindi magsasagawa ng anumang motorcade upang makabawas sa polyusyon at matinding trapik.
Pinuri ni Jove Benosa ng Zero-Waste Coalition ang pagkalinga ni Cayetano sa kalikasan.
◘◘◘
HINIKAYAT ng Ecowaste Coalition ang ibang kandidato na tularan ang ginawa ni Cayetano at maghayag ng plataporma para sa kapaligiran.
Hindi ba puwedeng ipagbawal ng Comelec ang paggamit ng materyales na hindi nabubulok sa propaganda, tulad ng plastik o tarpaulin?
◘◘◘
PINALILIKAS na mula sa Russia ang mga dayuhan palabas ng naturang bansa.
Indikasyon ito na maaaring magkagulo rin mismo sa loob ng Moscow.
◘◘◘
UNTI-UNTING nauunawaan ng ordinaryong tao ang tunay na ipinaglalaban ni Vladimir Putin.
Taliwas sa ikinakalat ng international press, special operation lamang ang ginawang pagsalakay ng Russian Forces sa Ukraine.
◘◘◘
NAPAGTANTO naman ng Ukraine na binobola lang sila ng US at NATO na umiiwas na sagupain ang Russian troops.
Kumbaga, napeke sila.




