top of page
Search

ni Ka Ambo - @Bistado | April 11, 2022



IKINAMBAL na ni Vladimir Putin ang Russian currency na rubles sa gold.


Ibig sabihin, mas matatag ang rubles kaysa sa dolyar.


◘◘◘


SANREKWA ang ginto ng Pilipinas, puwedeng ipambili ito ng petrolyo sa Russia at iba pang produkto.


Pero, tiyak na magseselos ang Kano.


◘◘◘


MAPUPUWERSA ngayon ang ilang bansa sa Europe na gumamit ng ruble na nakakambal sa gold bilang pambili ng gas.


Pero, iyan ay tiyak na iiwasan nila.

Bakit? Makakarekober kasi ang Russia at babagsak ang euro.


◘◘◘


PERO, hindi kayang takutin ng US at NATO ang China kaya’t puwedeng tuloy ang transaksiyon ng Russia at Beijing gamit ang ruble at gold.


Ibig sabihin, hindi basta-basta guguho ang Russia dahil nag-imbak ng tone-toneladang gold si Putin bago giyerahin ang Ukraine.


◘◘◘


IISA ang malinaw, sa ayaw o sa gusto mo — may bago nang anyo ang lahat ng aspekto sa modernong daigdig.


Sa kasaysayan, masasapawan na ang marka sa kalendaryong “before Christ" at "after Christ” ng “before COVID" at "after COVID” period of time.


◘◘◘


ANG COVID ay nakambalan ng giyera ng Russia na gagarantiya ng bagumbagong political, economic at cultural order sa daigdig.


Maging ang kaisipan ng ordinaryong tao ay nagbago na.


◘◘◘


ANG mainstream media ay nagbagong anyo na rin dahil tayo ay nabubuhay na sa digital multi-media.


May bago nang anyo ang newsprint media, radio at TV dahil nakapasok na sa kaloob-looban ang internet.


◘◘◘


ANG mga kabataan ay nagkakasya na lamang sa loob ng kanilang silid-tulugan tulad ng mga ermitanyo sa sinaunang panahon na nagsusuri sa loob ng munting kuweba.


Pero, taliwas sa ermitanyo, ang mga kabataan ay nakikipag-ugnayan sa pinakamalalayo at kasuluk-sulukang bahagi ng daigdig gamit ang kompyuter at mga gadgets.


◘◘◘


KAHIT ang proseso sa relihiyon ay nagbago na rin, mayroon na kasing online mass at online preaching.


Hindi na kailangan pang pakainin ng “2 isda at limang tinapay” ang mga tao na makikinig ng sermon, bagkus ang lecture ng “bagong kristo” ay mapapanood na sa selpon habang nasa loob ng banyo at kusina ang mananampalataya.


◘◘◘


BAGUMBAGO na ang lahat.


Pero, ang gobyerno at iskul bukol ay nakasandal pa rin sa lipas nang aklat at mga modules na nakapundasyon sa sinaunang panahon.

 
 

ni Ka Ambo - @Bistado | April 10, 2022



ISINUSULONG ng Bangko Sentral ang digital payment system.


Target na maabot ang 50 percent digital payment operation sa ekonomiya ng bansa sa taong 2023.


◘◘◘


PAG-ARALAN sanang mabuti ng Bangko Sentral ang sobrang taas na singil sa simpleng paglilipat lang ng cash.


Hindi dapat maging abusado ang mga korporasyong nagsasagawa ng digital payment system.


◘◘◘


KAHIT naman ang credit card system ay masyadong inaabuso ng mga bangko.


Dapat ay magkaroon muna ng limitasyon sa pagpapataw ng interest at charges sa mga lumampas sa due date o nagkaaberya sa pagbabayad.


◘◘◘


DAPAT ay magbukas ng isang sangay o opisina ang Bangko Sentral na aaksiyon nang mabilis sa mga reklamo laban sa mga bangko na nangha-harass at nagpapataw ng sobra-sobrang interest at charges.

Ang interest at charges at halos 100 times ang laki sa kakarampot na principal loan.


Hindi tama ang ganyang klase ng pagpapataw ng multa sa mga purchases na hindi nabayaran.


◘◘◘


KUNG ang credit card system ay hindi naman naiaayos nang mabuti ng Bangko Sentral pabor sa mga credit card holders, paano nila mapoproteksiyunan ang consumer na ibinubuyo sa paggagamit ng digital payment system?


Esep-esep sana ang mga nangangasiwa rito.


◘◘◘


BIGO ang Kongreso at mga pribadong grupo na nagmamalasakit kuno na proteksiyunan ang mga konsyumer.


Ang mga batas ay palaging pabor sa korporasyon kaysa sa ordinaryong konsyumers.


◘◘◘


MARAMI ang natutuwa sa pagkakalikha ng Department of Migrant Workers o kilala rin bilang Department of OFW.


Kasi naman ang gulugod ng ekonomiya ng bansa ay nakapundasyon sa higit na $2 billion remittances kada buwan ng mga overseas Pinoy.


◘◘◘


KAILANGANG proteksiyunan ng gobyerno ang mga overseas Pinoy na itinuturing na buhay na bayani, may pandemic man o wala.


Pero sa ngayon, wala pa ring kongkretong programa ang gobyerno upang saklolohan at asistehan ang mga nagretirong OFWs.


◘◘◘


PAANO naman kaya ang mga Filipino workers na nananatili sa loob ng Pilipinas, sino ang magmamalasakit sa kanila tulad sa pagbibigay ng prayoridad sa mga OFWs?


Iyan mismo ang tututukan ng OFW Partylist na pinangungunahan ng chairman na si Jerenato Alfante.


◘◘◘


AYON kay Alfante, ang katumbas ng OFW sa kanilang partylist ay “One Filipino Worldwide”.


Ibig sabihin, sakop ng kanilang depinisyon hindi lang ang mga Filipino na nasa iba’t ibang bansa, bagkus ay maging ang mga Pinoy na nagtatrabaho sa loob ng Pilipinas.


◘◘◘


ISINUSULONG ng OFW Partylist ang pagtatayo ng libreng technical schools sa lahat ng munisipalidad at siyudad sa Pilipinas.


Ang programang ito ay may kakambal na “on-the-job training and job placement”.


◘◘◘


AKTIBO si Alfante sa mga negosyo na nasa loob ng mga special economic zone kung saan, makikipagkasundo ang gobyerno sa pribadong korporasyon upang maitayo ang technical schools nang walang gastos ang pamahalaan.


Sa ilalim ng programa, direktang sasanayin sa aktuwal na trabaho at iha-hire ang mga mahuhusay na graduates at kung kailangan ay matulungan din sila na magtrabaho sa ibang bansa.


◘◘◘


KAKAIBA ang inobasyon at plataporma ng OFW Partylist na orihinal ang konsepto at may inobasyon.


Walang korupsiyon sa programa sapagkat, hindi gagamit ng pondo ng gobyerno bagkus ay palalakasin nito ang balikatan ng gobyerno at pribadong sektor.

 
 

ni Ka Ambo - @Bistado | April 9, 2022


MATAPOS ang "RoSa", "IsSa", ngayon naman ay may lumutang na bago.

Ito ay "MarSo", Marcos-Sotto.


Enjoy ang Pinoy tuwing eleksyon.


◘◘◘


“COMBO panalo” raw ang pinakabagong gimik sa social media na “MarSo” o pinagsamang apelyidong Marcos at Sotto.


Isinusulong ng iba’t ibang sektor ang tandem nina Bongbong Marcos at Senate President Tito Sotto.


◘◘◘


NAKABUNTOT si Sotto sa likod ni Davao City Mayor Inday Sara Duterte sa lahat ng survey sa pagka-vice president.

Naniniwala ang mga promotor na papaimbulog ang tambalang MarSo sa mga susunod na araw.


May islogan sila: “Sa MarSo, MaSa Panalo.”


◘◘◘


NAGMULA si Sotto sa partidong Nationalist People’s Coalition at tandem ni presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson.


Sinasabing suportado ang MarSo ng mayorya ng lider ng NPC .


◘◘◘


NAGING pangulo si Tito Sen ng Senado mula 2018 hanggang kasalukuyan, ikaapat na termino nang nagsilbi bilang senador.


Bago naging senador, nagsilbi si Sotto bilang bise-alkalde ng Lungsod ng Quezon mula 1988 hanggang 1992.


◘◘◘


SA pinakahuling resulta ng survey ng Pulse Asia, hindi pa rin natitinag si BBM tulad din sa resultang survey ng SWS, Octa Research at iba pang poll surveys.


May nagsasabi na llamado na si Marcos, pero sa vice presidential race ay mainit ang bakbakan partikular sa balance Luzon at Visayas.


◘◘◘


NILINAW ni Digong na nananatiling magkaibigan sila ni Xi Jinping.


Kinumpirma niya na magkaibigan ang Pilipinas at China. Entiendes?


◘◘◘


MARAMI kasi ang nagtatanong: Sino sa mga presidentiables ang kakampi ng US at sino ang kapanalig ng China?


May manok din ba ang Malaysia at Vatican City?


◘◘◘


RAMDAM na ramdam ang pagdarahop.


Matapos ang eleksyon, asahan ang higit na matinding krisis.


◘◘◘


MAGTATRABAHO agad nang todo ang susunod na mauupo sa Malacañang.

Makaya kaya nito ang problema?


Paano babayaran ang P13 trilyong utang?


◘◘◘


PAANO niya mareresolba ang krisis sa ekonomiya?

Paano niya mapipigil ang panghihimasok ng mga dayuhan?

Paano niya makokontra ang fake news sa social media?


Maselan ang mga susunod na buwan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page