- BULGAR
- Apr 21, 2022
ni Ka Ambo - @Bistado | April 21, 2022
HINILING ni Mayor Isko kay VP Leni na mag-withdraw.
Sinabi ito ni Moreno habang kasama ang isa pang presidential candidate na si Ping Lacson.
◘◘◘
AYON sa kanyang mga handler, tama ang ginawa ni Moreno dahil kailangan nitong manatiling pinag-uusapan sa social media.
Umani ng atensyon si Isko.
Sapat na iyon.
◘◘◘
MAY mga nagsasabi na nakasira kay VP Leni ang pautot ni Yorme samantalang nakatulong ito sa frontrunner na si BBM.
Iisa ang indikasyon, nagkakagulo ang mga kalaban ni Marcos.
Malinaw na malinaw 'yan.
◘◘◘
SA totoo lang, si VP Leni ay simpleng dekorasyon lang dahil mayroon siyang secret group na nagpapatakbo ng maniobra.
Iyan ang dapat iniisip ni Yorme.
Hindi nagmumula sa kumpas ni VP Leni ang maniobra.
◘◘◘
TALIWAS kina VP Leni at BBM, hands-on naman sina Yorme, Lacson at Pacquiao na tila ang mismong kandidato ang mismong “konduktor” sa orchestra ng kampanya.
Maselang sitwasyon na dapat pag-aralan ng bawat kampo.
◘◘◘
SA mga lokal na kandidato, ang mga nangunguna sa bakbakan ay mayroon kanya-kanyang inner group.
Imbes ang kandidato ang magdikta sa inner group,dapat ay pakinggan ng mismong kandidato ang sinasabi, plano at desisyon ng kanyang itinalagang inner group.
Ipaubaya sa tactician ang “taktika at estratehiya”.
◘◘◘
MASELAN ang kampanyahan ngayon, dahil bukod sa hindi makontrol ang social media, halos lahat ng kampo ay nagsasagawa ng iba’t ibang porma ng “vote buying”.
Ang vote buying, ay mistulang “gabi ng lagim” dahil may iba’t ibang balatkayo ang “anak ng kadiliman”.
◘◘◘
AMINADO ang siyensiya na mahirap patunayan kung mayroon mang “aswang” o wala.
Ganyan mismo ang pahayag ng Comelec, imposibleng masugpo o masawata ang vote buying, dahil mahirap makakuha ng matibay na ebidensiya na magpapatunay na lumalabag sa election code.
◘◘◘
ANG mga incumbent ay guilty sa iba’t ibang porma ng vote buying gamit ang mismong pondo ng gobyerno.
Kahit ang office of the vice president ay humingi pa ng pahintulot sa Comelec upang makapagbigay ng ayuda.
◘◘◘
NAKAKAIMPLUWENSIYA sa mga botante ang pagbibigay ng anuman sa mga botante — 'yan ang esensiya ng probisyon sa vote buying.
Kahit ang Comelec ay lumalabag dito.
Walang sinasabi sa batas na kapag may krisis ay exempted sa paglabag sa election code.
◘◘◘
MILYONG piso ang inilalabas ng mga LGUs upang impluwensiyahan ang mga botante sa iba’t ibang porma.
Kabilang dito ang social subsidy, TUPAD, at ayuda.
Lantarang isinasagawa ‘yan nang may bendisyon ang Comelec.




