top of page
Search

ni Ka Ambo - @Bistado | April 26, 2022


TAPOS na ang eleksyon.

May nanalo na raw po.


Ito ang kantiyaw ng mga llamadista.


◘◘◘


SA sabong, hindi lahat ng llamado ay nagwawagi.

Sa e-sabong, maraming llamado ang natalo pero tumabo o sumahog nang todo ang mga dehadista.

Ang resulta, pinagtutumba ang ilang sabungero.


Naramdaman kasi nila na ang “llamado” ay tiniyope.


◘◘◘


ANO ang tiyope?

Ang tiyope ay halos kasing kahulugan ng “perder” sa karera ng kabayo — rito ay natatalo rin ang mga llamado.


Sa sabong, ang manok na mahusay ay ikinakambal sa “bigating farm” at sa postura at porma ng manok kasama na ang breed.


◘◘◘


POSTURA lang ng manok ang ginagamit na batayan ng mga mananaya kaya’t pinahihina o sinasaktan o dinidiskartehan ng “taga-alaga o tagabitaw” ang llamadong manok upang matalo.


Matagal nang sindikato o mafia sa sabong ang “maniniyope” pero sila ay itinutumba matapos ang sultada.


◘◘◘


SA kabila ng “krimen sa sugal” at marahas na tradisyonal na hatol sa mga maniniyope, hindi pa rin ito nawawala sa mga sultada partikular sa “tupada” o unregulated cockfighting.


Ang horseracing ay nanghina o nalugi dahil sa isyu ng “perder” kung saan pinatatalo ng hinete o sota (taga-alaga ng kabayo) ang mga mahuhusay na kabayo.


◘◘◘


SA ngayon, tinatalo ng e-sabong ang horseracing bilang sugal ng ordinaryong tao.


Sa eleksyon, mahirap ihambing o ikumpara ang magiging resulta ng eleksyon kaugnay ng “tiyope o perder” sapagkat ang lahat ng kampo ay nagtatangkang magwagi.


◘◘◘


ANG premyo sa sabong at horseracing ay dambuhalang cash, pero sa eleksyon ang premyo ay unlimited cash, resources, power, popularidad, emosyon, kasaysayan at isang buong burukrasya, teritoryo at mamamayan ng isang bansa.


Ang eleksyon ay isang sugal, marami ring llamado ang nasisilat, pero marami ring llamado ang dumiretso sa pagwawagi patungo sa Malacañang.


◘◘◘


LIKAS na sugarol ang mga Pinoy — 'yan ang dahilan kung bakit patok sa social media ang content tungkol sa kampanyahan.


Kung may tiyope man sa eleksyon o perderan, ito ay hindi makikita sa mga paboritong kandidato, mas lumilitaw ito kapag kinaliskisan mo ang pagkilos ng mga naiiwanan sa resulta ng mga survey.

 
 

ni Ka Ambo - @Bistado | April 24, 2022


AYUDA, ayuda, ayuda pa rin ang pinag-uusapan.


Senyales ba ito ng pagdarahop sa katindihan ng kampanyahan?


◘◘◘


SA Marikina City, sinisingil ng mga mamamayan ang kanilang mayor dahil umano sa kulang ang ibinibigay na ayuda.


Batay sa pag-aanalisa ng UP Political Science professor na si Maria Ela Atienza, nasukat ng COVID-19 ang kwalipikasyon ng mga LGU executives kung may kakayahan ba itong umaksiyon sa gitna ng krisis?


◘◘◘


IBIG sabihin, ang pandemic response ng mga incumbent officials ang magiging panukat ng mga botante.


Kinukwestiyon si Marikina Mayor Marcy Teodoro kung bakit mas marami umano ang nakatanggap ng P1,000 kaysa sa itinakdang P4,000 na Special Amelioration Program (SAP) na ibinigay ng national government?


◘◘◘


SA kabuuan umano ay P384M ang SAP na ibinigay sa lungsod para magpamahagi ng P4,000 ayuda para sa 96,000 pamilya ngunit may mga walang natanggap?

May iilan na nakakuha ng P3,000 habang mas marami umano ang tig-P1,000 lang.


Linawin sana ito ni Mayor Marcy.


◘◘◘


SA siyudad naman ng Maynila, dumaraing naman ang mga residente dahil wala umano silang natatanggap na ayuda gayung kaylaki ng inutang ng lungsod.

Hindi pa rin umano natatanggap ng mga senior citizens ang kanilang monthly social assistance.


◘◘◘


KINUKWESTIYON naman ni Mayoralty candidate Atty. Alex Lopez ang food packs na inilalaan sa mga mamamayan dahil may overpricing umano, sinasabing P850 ang kabuuang halaga nito pero nang siyasatin nila ang suggested retail prices ay papalo lang daw sa halos P450.


Nakatengga pa rin daw ang food packs kaya’t nakatanghod ang pobreng, Manilenyo.


◘◘◘


HANGGANG ngayon ay malaking isyu pa rin ang bentahan sa patrimonial property ng lungsod na Divisoria Public Market na ibinenta sa pribadong korporasyon sa murang halaga.


Hindi rin malinaw kung saan ipupuwesto ang mga pobreng vendors na deka-dekada nang nagtitinda rito.


◘◘◘

IBINABALA ni Lopez na sasampahan nila ng kaso ang mga sangkot sa pinaniniwalaan nilang may anomalya dahil sa hindi maayos na proseso ng pagbebenta at kawalan ng public hearing.


Kinukwestiyon ang paggastos ng bilyong piso sa Manila Zoo para sa maayos na tirahan ng mga hayop pero ipinagkibit-balikat ng city hall ang kasasadlakan ng pobreng vendors na apektado sa bentahan ng public market.


◘◘◘


NAGKAKASA ang mga eksperto na magkakaroon ng world economic crisis sa susunod na 4 hanggang 12 buwan — bago matapos ang taon at sa buong 2023.


Kahit ang US ay daranas umano ng resesyon o pagdarahop.


◘◘◘


APEKTADO ang Europe at Asia ng nakaraang pandemic at ng umiigting pang giyera ng Russia at Ukraine.


Walang nakikitang solusyon ang mga eksperto.


 
 

ni Ka Ambo - @Bistado | April 22, 2022


TAPOS na ang laban.

Ibinasura na ng Comelec ang huling kaso ng disqualification laban kay dating senador Bongbong Marcos, Jr.


Ibig sabihin, wala nang aalalahanin ang kanyang mga taga-suporta.


◘◘◘


Sa kabila ng mataas na grading 55 hanggang 62 percent sa resulta ng mga opinion survey, malinaw na hindi pa rin nagpi-peak ang graph line ng suporta kay Marcos sa nalalabing 20 araw ng kampanya.


Inaasahang lalong aangat ito hanggang sa tumuntong ang buwan ng Mayo.


◘◘◘


Sa totoo lang, ang resulta ng exit poll sa overseas voting ay pumapalo sa higit 90 porsyento na isang paniwalaan-dili.


Pero, batay sa mga sitwasyon partikular ang pagbabasura ng Comelec sa lahat ng disqualification cases ay nagpapahiwatig na magkakatotoo nang aktuwal ang resulta sa absentee voting sa iba’t ibang bansa.


◘◘◘


Nauna rito, ang katawa-tawang press conference ng mga nakukulelat sa surveys na sina Isko Moreno, Ping Lacson, Manny Pacquiao at Norberto Gonzales ay nagpapatunay din sa pag-angat ng graph line ni Marcos.


Kasi’y ang naging impresyon sa naturang press conference ay pag-atake kay VP Leni Robredo at pag-amin ng pagkatalo ng mga “dumalo sa press conference”.


◘◘◘


Imbes na madagdagan, mababawasan ang boto nina Moreno, Lacson, Pacquiao at Gonzales — at ito ay mahihigop ng boto ni Marcos.


Walang duda, maaabot ang pambihirang 80-90 percent suporta ni Marcos mula sa mga botante.


◘◘◘


SA totoo lang, ang pinag-uusapan na ngayon ay kung paano ‘pag nakaupo na si Marcos sa Malacañang, imbes sa kung sino ang magwawagi sa eleksyon.


Nahaharap si Marcos sa isang malaking problema, at ito ay ang bagsak na ekonomiya.


◘◘◘


PAANO maibaba ang presyo ng mga produkto at singil sa konsumo ng mga utilities tulad ng tubig, kuryente, matrikula, pasahe at iba pa.

Malaking sakit ito ng ulo.


◘◘◘


PAANO maitaas ang suweldo nang hindi magrereklamo ang mga may-ari ng negosyo na posibleng mabangkarote?


Paano, ireresolba ang isyu sa work-from-home na magpapahina ng galaw ng ekonomiya dahil diskaril ang mobilisasyon?


◘◘◘


PAANO na ang raket ng mga telecom na hindi rin naman napagbuti ang serbisyo gayong mayroon nang tatlong malalaking korporasyon?


Paano na ang magiging trato sa social media na kinokontrol ng mga dayuhan imbes na mga Pinoy?


◘◘◘


PAANO ang magiging relasyon ng Pilipinas sa US, Europe, China, Russia at iba pang bansa na sangkot sa digmaan?


Paano na ang mag-e-expire na COVID vaccines at pagtanggi ng mga tao na magpabakuna dahil sa kawalan ng tiwala sa mga awtoridad tulad ng WHO at DOH?


◘◘◘


MASELAN ang mga susunod na buwan matapos ang eleksyon.


Nakasandal ang pag-asa ng 100 milyong Pinoy kay Marcos na magagawan niya ng solusyon ang sangkaterbang krisis.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page