- BULGAR
- May 4, 2022
ni Ka Ambo - @Bistado | May 4, 2022
NAUNGUSAN ni Sen. Manny Pacquiao si Meyor Isko bilang ikatlo sa huling resulta ng presidential survey.
Ibig sabihin, si Pacquiao ang dark horse?
◘◘◘
MALINAW na hinahanap ng mga observers kung sino ang dark horse na may posibilidad na makasilat kaninuman kina BBM at VP Leni.
Ayon sa kampo ni Pacquiao, last chance ng mga Pinoy na maipanalo ang isang seryosong kandidato na sasaklolo sa hanay ng nagdarahop.
◘◘◘
NAKATUTURETE kasi ang mga plataporma dahil pare-pareho lang lahat ng kandidato, pero si Pacquiao ay aktuwal niyang naipatupad nang walang pondo na nagmula sa gobyerno ang kanyang “housing project” sa Mindanao.
Aktuwal din siyang namimigay ng salapi kahit walang eleksyon.
◘◘◘
LUBOG ang bansa sa 13 trilyong pisong utang sa World Bank.
Sino raw ang tunay na nakakaramdam ng sitwasyon ng mga nagdarahop?
◘◘◘
HINDI dapat kutyain si Pacquiao dahil si dating Pangulong Ramon Magsaysay ay isang pobreng mekaniko lang.
Pero, si Magsaysay ay minahal ng mga Pinoy.
◘◘◘
AYON mismo kay Pacquiao, siya ang huling tumatayong pag-asa ng mga Pinoy.
Siya umano ang “last man standing” sa mga huling arangkadahan bago mag-eleksyon sa Lunes.
◘◘◘
WALANG nakikitang solusyon sa giyera ng Russia at Ukraine.
Imbes na humupa, gumagrabe pa ito nang todo.
◘◘◘
KAPAG hindi nagkaroon ng ceasefire o peace talk bago mag-Pasko, walang duda, lalawak ang digmaan.
Maaaring magkaroon na ng direct confrontation ang Russia kontra US-NATO tandem.
At alam na ninyo ang kasunod: Ikatlong digmaang pandaigdig.
◘◘◘
KAKAMBAL ng giyera-mundial ay krisis sa ekonomiya.
Ang lahat ng eksperto ay nagkakaisa: Babagsak ang world economy sa susunod na taon, 2023.
Ang lahat ng digmaang pandaigdig ay pinasisiklab ng krisis sa ekonomiya.
◘◘◘
SA Pilipinas, hindi pinag-uusapan ang krisis sa ekonomiya.
Bakit?
Sapagkat kapag pinag-usapan, magreresulta ito ng pagpapataw ng dagdag na buwis.
◘◘◘
BUWIS ng ordinaryong tao ang nagpapatatag sa gobyerno.
Direkta kasing susustentuhan ng ordinaryong mamamayan ang sariling gobyerno upang manatiling nakatindig.
Ganyan, kasimple ang pulitika.




