- BULGAR
- Jun 3, 2022
ni Ka Ambo - @Bistado | June 3, 2022
MARAMI ang bumibilib sa mga naunang pangalan na nais italaga ni President-elect Ferdinand
“Bongbong” Marcos, Jr.
Sana raw ay hindi mahaluan ng bulok ang gabinete sa mga puwesto na hindi pa nalalagyan ng kalihim.
◘◘◘
KABILANG sa mga tinukoy nang makakasangga ni P-BBM sa Palasyo sina Benjamin Diokno sa Department of Finance (DOF), Felipe Medalla sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), at Alfredo Pascual sa Department of Trade and Industry (DTI).
Gayundin sina Arsenio Balisacan sa National Economic Development Authority (NEDA), Bienvenido Laguesma sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Susan Ople sa Department of Migrant Workers (DMW).
◘◘◘
PERO, may tsismis na iginigiit ng isang grupo na isiksik kay P-BBM ang “bida” sa barberya at parlor na si Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta.
Isa si Marcoleta kaya’t nadiskaril ang mga baklita na mapanood tuwing tanghaling tapat si Vice Ganda.
Nabokya na ang kanyang pangalan.
◘◘◘
TOTOO kaya na kaya’t naiwanan sa senatorial survey si Marcoleta ay dahil sa kanyang panukalang batas na tanggalin ang “krus” sa mga ospital?
“Pag-asa” lang ang nagpapahaba ng buhay ng mga pasyente, aalisin pa?
◘◘◘
NOBENTA-PORSIYENTO ng populasyon ng ‘Pinas ay Kristiyano, kaya’t nasira ang kanyang diskarte sa eleksiyon.
Isinusulong din ni Marcoleta na bigyan lamang ng P1,000 annual budget ang CHR.
Huh, simpleng pagsisepsep ‘yan kay P-Digong.
◘◘◘
WALANG landmark bill si Marcoleta sa Kamara kaya’t marami ang naiimbiyerna nang matsismis na kasama siya sa nangangarap na maging kalihim ng Department of Energy (DOE).
Diyusnamabaginglangit, ano ang maitutulong ni Marcoleta sa enerhiya?
◘◘◘
MALAKI ang tsansa na magkaroon na ng face-to-face classes sa next school year.
Klap-klap-klap!
◘◘◘
INAAMIN ng mga eksperto na kakarampot ang natutuhan ng mga estudyante sa online class.
Walang sapat na panahon at diskarte ang mga titser at estudyante na magpalitan ng kuro-kuro.
◘◘◘
NAGKAKAMAL naman ng salapi ang mga school owner dahil naniningil ng matrikula pero hindi naman ginagamit ang pasilidad.
Hindi rin nila itinataas ang suweldo ng mga guro na nagpapaluwal, hindi lang ng oras, bagkus ng sariling resources gamit ang sariling tahanan.




