- BULGAR
- Jun 12, 2022
ni Ka Ambo - @Bistado | June 12, 2022
KAYRAMI nang kinumpirma na itatalaga sa gabinete si President–elect BBM.
Kasama sa sumisingaw na pangalan ay si Rep. Rodante Marcoleta na sinasabing target ang maging hepe ng Department of Energy (DoE).
'Yun nga lang, dedma pa rin ang kampo ni Marcos.
◘◘◘
NAGLABAS naman ng emosyon si Marcoleta na tipong nagpapakipot at hindi interesado.
Tila ba kampante at walang makahihigit sa kanyang kuwalipikasyon.
Huh, 'di nga?
◘◘◘
PERO, may tsismis na ang orihinal na natitipuhan ni Marcoleta ay ang pagiging DOJ secretary.
Ang problema, nasapawan agad siya ni Rep. Boying Remulla.
◘◘◘
GAYUNMAN, higit na malalaking pangalan ang babanggain ni Marcoleta bago niya makopo ang DoE.
Kasi’y aspirante rin sa naturang posisyon ang anak ni ex-P-GMA na si Rep. Mikey Arroyo.
◘◘◘
HINDI lang ang ex-presidential son ang namumuro bilang DoE chief kundi maging ang hepe ng ERC, dalawa pang dating gabinete at isang teknokrat na walang padrino na si Benito Ranque.
Kumbaga, magdaraan pa sa butas ng karayom si Marcoleta bago niyang makuha ang premyo sa pag-atras bilang kandidatong senador.
At bakit naman siya pepremyuhan sa simpleng pagtanggap niya sa napipintong kabiguan, aber?
◘◘◘
PERO, in fairness, nilinaw naman ni Marcoleta, na hindi siya interesado sa puwesto sa DoE.
Hindi rin niya ipagpipilitan umano ang kanyang sarili sa naturang posisyon.
Huh, madrama kahit tapos na ang pilian sa “national artist” award.
◘◘◘
SA totoo lang, nagtatagal ang pagpili sa hepe ng DoE, dahil may pamantayan rin si P-BBM para sa mga taong itatalaga niya sa puwesto.
Dapat siyempre may sinseridad, paninindigan at kakayahang isakatuparan ang mga ipinangako niya noong panahong ng kampanya.
◘◘◘
NAIPANGAKO kasi ni P-BBM na maibaba ang singil sa konsumo ng elektrisidad na hindi nagawa ni ERC chief Agnes Devanadera.
Nais din ni Marcos na mapababa ang presyo ng petrolyo, kung saan tanging eksperto lamang o may karanasan at kaalaman sa pasikut-sikot sa DoE ang makagagawa nito.
◘◘◘
NAGBANTA na ang China sa Taiwan.
Sakaling magdeklara ng independensiya ang Taipei ay hindi silang mangingiming kubkubin ito kahit pa nagpa-bodyguard ang US at mga kaalyado nito.
◘◘◘
AYON sa mga eksperto, ang Taiwan ay ikinukumpara sa Ukraine na biglang sinakmal ng Russia.
Kapag ganyan, delikado ang Pilipinas, sapagkat “strategic territory” ang Maynila kaya’t hindi malayong kasama ang ating bansa sa sorpresang bobombahin.
◘◘◘
WALANG duda na dedepensahan naman ng US ang Taiwan ang unang estratehiya ay makontrol ang puwersa mula sa Pilipinas.
Mauulit ang sinapit na kapalaran ng Maynila sa panahon ng World War II, mawawasak ang Pilipinas—sa isang digmaang wala tayong pakialam dapat.




