- BULGAR
- Aug 28, 2022
ni Ka Ambo - @Bistado | August 28, 2022
MATAGAL na nating isinusulong ang malawakang paglulunsad ng tinatawag na industrial farming.
Ito lang ang sagot upang magkaroon ng sapat na suplay ng produktong agrikultural.
◘◘◘
KUNG mayroon tayong agrarian act, dapat magkakaroon ng industrial farming act.
Kung ang agraryo ay nakapokus sa magsasaka, ang industrial farm act ay nakapokus naman sa mismong kapitalista.
◘◘◘
BIBIGYAN ng kaukulang insentibo—dayuhan man o Pinoy investors sa sinumang mangangapital sa industrial farming.
Masasakop nito hindi lang ang pagtatanim ng palay, bagkus ay isasama ang mais, sibuyas, cocoa, kape, papaya, pinya o kahit pa ang coconut, palm at iba pang produktong agrikultural, tulad ng gulay na aalagaan sa mga dambuhalang “green houses”.
◘◘◘
ANG malalaking korporasyon tulad ng SMC at Robina ay may investment sa piggery at poultry, bakit—hindi sila magkusang magtanim din ng palay at magbungkal ng mga panot na gubat at bundok sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Napakalawak ng bakanteng lupain o idle land sa Pilipinas, pero hindi ito pinakikinabangan.
◘◘◘
SA gitna ng bagyo, ulan at baha, mas maganda pa rin ang klima ng Pilipinas, kaya’t puwedeng magtayo ng dambuhalang “greenhouse complex”, kung saan kontrolado ang temperatura at daloy ng tubig.
Bakit walang ganyang programa o proyekto ang gobyerno at malalaking korporasyon?
◘◘◘
KASABAY nito, hindi dapat nakapasan o nasa balikat lamang ng central government o Malacañang ang pagsusulong ng industrial farming.
Bigyan ng wagas na awtonomiya ang mga LGUs na maghikayat, mag-organisa at makipagnegosyon sa pribadong sektor upang maisulong ang industrial farming.
◘◘◘
MAKIKITA natin na ang sapat na suplay ay kasingkahulugan ng industrial farming.
Walang industrial farming, kaya’t kapos ng suplay.
◘◘◘
TIGILAN na ang paggamit ng dispalinghadong terminong “supply shortage”.
Ang kapos ay ang kapitalista na pumapasok sa industrial farming.
◘◘◘
ANG inobasyon sa agrikultura ay ang mismong industrial farming dahil kasama na rito ang inobasyon, teknolohiya at pagpapabuti ng kakayahan ng mga magsasaka na isasailalim sa maselang pagsasanay kasama na ang paggamit ng mga heavy equipment at modernong farm implement.
Sana ay maunawaan ito ng mga kinauukulan.




