top of page
Search

ni Ka Ambo - @Bistado | November 9, 2022


INAASAHANG ibubunyag at kakasuhan ang mga suspected mastermind sa pagpatay sa brodkaster na si Percy Lapid.


Halos lahat ng atensyon sa kriminalidad ay nakapokus ngayon sa Metro Manila.


Paano kaya sa mga liblib na lugar?


◘◘◘


NABABAHALA na ang mga residente sa Zamboanga del Sur dahil naman sa kasong pagpatay sa former municipal administrator na si Richard Butch Camanian Cabilan.


Binaril at napatay si Cabilan sa loob ng compound Department of Agriculture (DA) sa bayan ng Dumingag.


◘◘◘


IKALAWANG kaso ito ng pagpatay sa loob ng government compounds.


Eh, bakit?


◘◘◘


ANG unang pagpatay ay naganap sa loob ng Zamboanga del Sur provincial complex.


Hiniling na ng isang senador kay PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin na bigyang-seguridad ang mga sibilyan sa malalayong lugar.


◘◘◘


SI Cabilan ay Municipal Environment and Natural Resources Officer (MENRO) sa Dumingag, kung saan dadalo sana sa miting sa Agriculture Training Center nang barilin ng dalawang suspek.


Sana ay maproteksyunan ng pulisya ang ordinaryong mamamayan sa Zamboanga.


◘◘◘


ANG ikalawang kaso ng pagpatay ay naganap noong Oktubre 18 sa provincial government complex sa Barangay Dao, Pagadian City.


Biktima ang 25-anyos na si Ronie Agan Naong, ng Betinan, San Miguel, Zamboanga del Sur.


◘◘◘


KAPURI-PURI ang aksyon at mabilis na reaksyon ng kapulisan sa Lapid Murder case ay marami ang nagsasabing sana ay ito rin ang maging larawan ng PNP sa buong bansa.


Kung tutuusin, napakahalagang papel ang ginampanan ng NCRPO police forces sa ikalulutas ng kaso ng brodkaster.


◘◘◘


MULA sa masinop na pagkuha ng malilinaw at kongretong ebidensya ng mga tauhan ni NCRPO chief Jonnel Estomo, partikular ang mga CCTV footages ay bumilis ang pagresolba ng kaso.


Sa alinmang kaso, ang pisikal na ebidensya ang tunay na makapagdidiin sa mga suspek at mastermind.


◘◘◘


KUNG mayroon pang dapat tumanggap ng pinakamalaking kredito sa ikalulutas ng Percy Lapid Murder case, ito ay ang buong puwersa ng NCRPO dahil sa mabilis at epektibo nilang pagkilos.


May malaking papel din ang NBI at DOJ, pero sila ay nakatutok sa maseselang pagsisiyasat at sa prosekusyong nakabatay sa maagang pagkakuha ng mga ebidensya.


◘◘◘


IPAGDASAL natin na kung gaano kaepektibo ang pagkilos ng pulisya sa Metro Manila, sana ay ito rin ang maganap sa buong bansa, lalo na sa mga liblib na pook.


'Yan ay siyang inaasahan ngayon sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.


◘◘◘


INAASAHANG magbababad sa mainstream at social media ang ilang personalidad upang mag-agawan sa kredito.


Pero, madali namang matukoy kung sino talaga ang nagtatrabaho at sino ang sumasakay-sakay lamang sa isyu.


 
 

ni Ka Ambo - @Bistado | October 27, 2022


TUMPAK ang desisyon ng Malacañang na bigyang-prayoridad ang barangay sa implementasyon ng anumang estratehiyang pag-unlad.


Dapat direktang nakikipag-ugnayan ang gobyerno sa Maynila sa kasuluk-sulukang barangay.


◘◘◘


KAILANGAN natin ang organisadong sistema o imprastrukturang hahatak sa partisipasyon ng mamamayan.


'Yan mismo ang estratehiya ni dating Pangulong Marcos, Sr., kaya’t minahal siya ng ordinaryong mamamayan.


◘◘◘


PINASIGLA ni dating Pangulong Marcos ang aktibidad sa mga barangay sa pag-oorganisa ng mga tao.


Sa ngayon, buhay pa rin ang Katarungang Pambarangay na mas kilala bilang “Lupon”, kung saan libu-libong kaso ang inaayos imbes na matambak sa tradisyunal na hukuman.


◘◘◘


NARIYAN din ang dating Kabataang Barangay na ginawang Sangguniang Kabataan, kung saan aktuwal ang partisipasyon ng kabataan.


Dati-rati ay may KB school chapter at KB Out-of-school youth—pero hindi natin alam kung may ganyang bersyon din ang SK.


◘◘◘


MASIGLA rin ang Samahang Nayon na sa ilalim ng Department of Agriculture, kasama ang 4-H Club at Rural Improvement Club (RIC).


Aktibo rin ang ARBA o ang Agrarian Reform Beneficiaries Association na nasa ilalim naman ng Department of Agrarian Reform.


◘◘◘


NASA ilalim naman ng DSWD ang Pagasa Youth Movement na organisasyon din ng kabataan.


Pero, ang pinakamalawak sa lahat ay ang Barangay Brigades program, kung saan may pulutong (28 katao) kada isa sa 110 basic needs, tulad ng water, health, ecology, education, shelter, mobility, livelihood, power, sports and recreation, food at clothing.


◘◘◘


BINUO naman ng dating Ministry of Human Settlements ang Barangay Brigades program na kabalikat ang LGU sa implementasyon, pagsusubaybay at pagpapakaaktibo.


Ibig sabihin, hindi kailangan ang dagdag-pondo para buhayin ang mga community organizations na nakabase sa mga barangay, bagkus ay simpleng executive order lamang.


◘◘◘


MAAARING magkatuwang na buhayin ang mga community-based organization sa pamamagitan ng DILG Community affairs division at ng maging ng training program ng Department of Human Settlements.


Dapat nating maunawaan ang “Human Settlements” program ay hindi lamang sa pagtatayo ng pisikal na tirahan, bagkus ay mas dapat nakapokus ito sa “tao” na nakatira sa loob ng bahay—at sa loob ng komunidad.


◘◘◘


KUMBAGA, 'ika nga ni dating FL Imelda Marcos—HIGIT SA LAHAT TAO.


Puwedeng buhayin ang community organization sa pamamagitan ni FL Liza Marcos Araneta katuwang ang kanyang mga anak sa pangunguna si Rep. Zandro Marcos.

 
 

ni Ka Ambo - @Bistado | October 24, 2022


Tinuldukan ni Senator Francis Tolentino ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa diumano'y mga overpriced at lumang laptop na binili ng DBM para sa DepEd.


Dapat mag-move on na ang mga nangingialam.


◘◘◘


TINAPOS na ang pagdinig nang hindi narinig ang panig at opinyon ng ilang resource persons.

Sa limang hearing ng komite, may nakita umanong irregularidad bago pa magpa-bidding para sa laptop contract.


Ibig sabihin, labas na ang supplier sa naturang isyu dahil natupad din namang lahat ang nakasaad sa in-award sa kanilang kontrata.


◘◘◘


NAGANAP ang proseso ng pagbili sa kasagsagan ng pandemic.

Kinukuwestiyun ngayon ay kung bakit ginamit sa video conferencing app ang Bluejeans apps na may free trial pero may bayad na kinalaunan.

Bakit hindi ginamit ang libreng “Zoom” at “Google Meet”?


Bakit kaya?


◘◘◘


MAS popular at simple ang Zoom at Google Meet kaysa sa Bluejeans, kaya’t nahirapan ang ilang resource persons at may ilang senador din ang hindi nakasali sa usapan.

Kakaunti lang ang personalidad na dumalo sa hearing tulad nina Tolentino, Senate Minority Leader Koko Pimentel at Sen. Sherwin Gatchalian.

Bandang huli ay si Sen. Robin Padilla na lang ang kasama ni Tolentino sa hearing.


Nagpakita lang sandali si Pimentel at nagtanong pero umalis din agad.


◘◘◘


KUNG hindi dumalo si Sen. Jinggoy Estrada ng dalawang beses ay hindi pa mabubuking na tila ba may pinapaboran palang iilang supplier ng mga laptop at iba pang gamit ang DepEd.


Ito palang nag-supply ng mga laptop na naging paksa ng imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee ay first time lang nanalo sa bidding.


◘◘◘


NAPURNADA sa bidding ang supplier na suki ng DepEd. Ilang beses ng nakakuha ng malalaking kontrata ito DepEd.

At ito rin ay palaging present sa hearing at binibigyang-pagkakataon na makapagpaliwanag.

Gustong palabasin na ang naturang “supplier” ang dapat manalo sa bidding pero napurnada.


Alam na this ang agenda.


◘◘◘


TAPOS na ang pagdinig at ang mga nais pang magbigay ng panig ay pinagsusumite na lamang ng memorandum.

Bakit tinapos agad at hindi binusisi ang lahat ng panig?


Maghintay na lang tayo ng “resolusyon” ng Komite.


◘◘◘


MALINAW na walang sinabi ang COA na hindi sumunod ang supplier sa mga nakasaad sa mga requirements ng DepEd at sa laptop contract.

Wala ring sinabi ang COA na ilegal o maling ginawa ng nanalong supplier.

Malinaw na wala sa supplier ang problema, bagkus ay nasa mga opisyal ng PS-DBM at DepEd.


Ganun lang kasimple.


◘◘◘


PINATALSIK sa Communist Party Congress ng China si Hu Jintao, ang dating lider ng Mainland China.


Ngayon, matatag na ang hawak ni Xie Jin Ping sa liderato ng Beijing.


◘◘◘


MAY naniniwala na desidido si Xie na sakmalin ang Taiwan at kopyahin ang ginawa ni Vladimir Putin sa Ukraine.


Hindi naman naidepensa ng US at NATO ang Ukraine at sa loob ng higit na anim na buwan—nasa loob pa rin ng Ukraine ang Russia forces.


◘◘◘


NOON, inaakala ng buong mundo na kung sakaling sakmalin ng Russia ang Ukraine, direktang kokomprontahin at idedepensa ng US at NATO ang naturang bansa, pero hindi ito nagkatotoo.


Sa aktwal, ginawang “battle ground” ang Ukraine sa away ng Russia at US-NATO.


◘◘◘


MADALI nating matutukoy ngayon kung ano ang senaryo kapag sinalakay ng China ang Taiwan.


Mapapasok ng China ang Taiwan at posibleng walang direktang komprontasyon ang dalawang superpower tulad sa nagaganap sa Ukraine.


◘◘◘


WALANG sinasabi ang Washington na direktang sasagupain ng Pentagon forces ang puwersa ng China, maliban sa katagang “depensa”.


'Yan mismo ang sitwasyon sa Ukraine: Tumutulong lang ang US at NATO sa “depensa ng Ukraine”, kaya’t nagtatagal ang giyera.


◘◘◘


DAPAT lantarang sabihin ng US na handa silang makipag-dog fight sa Chinese forces sa himpapawid at sa karagatan.

Dapat direktang salubungin ng US air force ang alinmang jet fighter na papasok sa Taiwan at direktang bobombahin ng US 7-fleet ang mga barko de-giyera ng China sakaling dumikit sa isla ng Taiwan.


Dapat ganyan kalinaw ang pahayag.


◘◘◘


KUNG naghahanda ang Taiwan sa pagkubkob ng China, dapat na rin maghanda ang Pilipinas sa giyera na puwedeng maging mitsa ng Ikatlong digmaang pandaigdig.


Muling masisira ang Metro Manila, kahit wala tayong “pakialam” sa away ng US at China.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page