ni Ka Ambo @Bistado | February 3, 2023
Tumpak din na gamiting iskema ang Constitutional Convention (ConCon) imbes na ang Constituent Assembly.
Dahil sa demokrasya, dapat ay inihahalal nang direkta ng mga tao ang babago sa fundamental law.
◘◘◘
MALAKI rin ang tama na magpokus sa probisyon na magpapaunlad o magpapasigla ng ekonomiya.
Numero-uno dito ay ang pagpapahintulot sa “100% foreign ownership” sa mga negosyo.
◘◘◘
DAPAT nating aminin na walang sapat na capital ang mga negosyanteng Pinoy upang mapasigla ang ekonomiya.
Siyempre, ilalagay sa probisyon ng Konstitusyon ang proteksiyon o “safeguard” upang hindi mabastos ang soberanya ng bansa.
‘Yan mismo ang trabaho ng mga delegado sa ConCon.
◘◘◘
MAGIGING susi sa pag-unlad ng bansa ang foreign ownership upang dumagsa ang direct foreign investment na siyang susi sa pag-unlad ng malalaking bansa.
Lilikha kasi ito ng maraming trabaho at hindi na kailangan pang mangibang-bansa ang mga Filipino.
◘◘◘
WALANG duda na makakatulong din ang isinusulong na Maharlika Investment Fund (MIF) na siyang magbibigay ng kinakailangang puwersa para sa 2028 vision ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr.
Ibig sabihin, ang Maharlika Fund ay magiging lehitimong probisyon sa Konstitusyon.
◘◘◘
NAIS ni P-BBM na kumbinsihin ang mga investors sa World Economic Forum na makilahok sa target na potential sustained at dynamic growth ng bansa.
Si Pangulong Marcos lamang ang nag-iisang ASEAN leader, at isa sa dalawang lider mula sa Asya na inanyayahan sa WEF na idinaos sa Davos, Switzerland.
◘◘◘
KATUWANG ang House of Representatives sa pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na maisusulong ang economic agenda sa Konstitusyon.
Ayon mismo kay House Ways and Means Committee chair Joey Salceda, ang MIF ay magiging private sector-driven at ang seed money ay magmumula sa mga GOCCs.
◘◘◘
ANG mga dibidendo ng GOCC ay “real surpluses” at dapat gamitin bilang paunang pondo para sa MIF, na magiging isang listed company sa Philippine stock market.
Kinumpirma rin ni Finance Secretary Benjamin Diokno na mahihigop ng Maharlika Fund ang mga foreign investors.
◘◘◘
MALINAW na ang paninindigan ni P-BBM na ang “friend to all, enemy to none” ay maipapasok sa Konstitusyon.
Epektibo ang naturang motto, hindi lang sa international policy, kundi maging sa larangan ng ekonomiya.
◘◘◘
KUNG ang mga dayuhan ay pahihintulutang magkaroon ng 100% na pagmamay-ari, tiyak na dadagsa ang kapital sa bansa.
Noong 2021, ang Singapore ay may investments na tinatayang nasa PHP80.2 bilyon—pinakamalaki mula sa mga dayuhang kapitalista.
Inaasahang lolobo pa ang capital mula sa Singapore na susundan ng ibang bansa na magiging gulugod sa pag-angat ng Pilipinas.




