- BULGAR
- Feb 13, 2023
ni Ka Ambo @Bistado | February 13, 2023
Bubuhayin ang produksyon ng Toyota Tamaraw sa Pilipinas.
Ito ay isa lamang sa economic agenda na nabuo sa pagdalaw ni P-BBM sa Japan.
◘◘◘
MAS mainam kung diretsong makipagnegosasyon ang gobyerno upang magkaroon ng malawakang produksyon ng Toyota Tamaraw, kung saan direkta itong iaayuda sa mga tsuper.
Ibig sabihin, makakatulong ang Toyota Tamaraw sa pagbibigay ng hanapbuhay sa mga pobreng tsuper sa mga lalawigan.
◘◘◘
ANG aktuwal na oportunidad na magkaroon ng pagkakakitaan ang isang ordinaryong tao ay mas epektibo, kaysa sa kinokorup na financial assistance.
Kumbaga, pamingwit at sima ang kailangan ng mga tao, at hindi ang “isda”.
Trabaho o munting negosyo at hindi cash ang epektibong pagtulong sa mga mamamayan.
◘◘◘
PUWEDENG makatuwang ng Pilipinas ang gobyerno ng Japan sa pagbibigay ng tulong sa mga ordinaryong Pinoy.
Siyempre, piliin ang mga benepisaryo na masisipag, matitiyaga at masisinop.
◘◘◘
MAHALAGA ring magkaroon ng kooperasyon o kasunduan ang Pilipinas sa larangan ng modernong agrikultura sa Japan.
Ibig sabihin, direktang makikipagnegosasyon ang bawat LGU sa mga kinauukulang pribadong grupo sa Japan para sa exchange program, training at kultura.
◘◘◘
MODERNO na ang panahon, dapat ay mabilis ang desisyon at aksyon.
Kailangang maramdaman ang epekto ng kasunduan sa lalong madaling panahon.
Nasa teknolohiya at modernong panahon na ang ating henerasyon.




