top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | November 12, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Nasa bisinidad na ng Taiwan ang Super Typhoon Uwan.

Pero, siya ay mag-a-ala Douglas MacArthur na nagsabi: “I shall return”.


----$$$--


Humina na ang Bagyong Uwan, pero siya ay iikot na mala-trumpo at magyo-yoyo pabalik sa bisinidad ng North Luzon — anumang oras sa araw na ito, Miyerkules.

Ito ay bunga ng mainit na temperatura at epekto ng klima ng mga kabundukan sa Taiwan.


-----$$$--


Kung paano binasag ng Sierra Madre, Caraballo at Cordillera ang enerhiya at lawak ng Super Typhoon Uwan, itinutulak naman siya ngayon ng mga bulubundukin ng Taiwan pabalik ng Pilipinas.

Ibig sabihin, ipini-ping pong ang Bagyong Uwan ng Taiwan at Pilipinas.


----$$$--


MALINAW na posibleng magkaroon ng malalakas na pag-ulan hangga’t hindi natutunaw si “Uwan”.

Manatiling mag-ingat.


----$$$--


TULAD sa Bagyong Uwan, magbabalik sa eksena ang imbestigasyon sa flood control projects na sasabayan ng isyu sa “warrant of arrest” ng ICC kay Sen. Bato.

Hindi nauubusan ng “content” ang mga tsismoso’t tsismosa sa social media.


----$$$--


SA totoo lang, lihim na naghahanda ang mga pro-Marcos at anti-Marcos sa isang malawakang protest sa mga huling araw ng Nobyembre.

Itinatapat ang demonstrasyon sa kaarawan ni Gat. Andres Bonifacio.


----$$$--


SIMBOLO si Bonifacio, hindi lang ng pagrerebelde o pagrerebolusyon, inilalarawan siyang “inaapi” at mainitin ang ulo o may marubdob na emosyon.

Taliwas siya sa kalmante at praktikal na si Dr. Jose Rizal.


-----$$$--


NASASAPAWAN naman nina Bonifacio at Rizal ang maselang papel ng diyarista o mamamahayag na si Gat. Marcelo del Pilar.

Namatay si Bonifacio sa kamay ng kapwa-Pinoy sa bulubundukin ng Maragondon.

Namatay nang “grande” si Rizal bilang isang martir sa Luneta.

Kaawa-awa ang sinapit ng tisikong si Plaridel — namatay nang pulubi, kumakalam ang sikmura — sa isang banyagang lugar sa Espanya — walang nag-aaruga, walang nagmamahal!


-----$$$---


ANG mga anak-pawis, vendor, at ordinaryong Pinoy ang umiidolo kay Bonifacio.

Pumapalag siya sa naghaharing uri na siyang kumitil ng kanyang buhay.


-----$$$--


SA totoo lang, si Bonifacio ay sumisimbolo sa marahas at dagliang pagbabago, sampu na ibuwis na ang kanyang buhay.

Nagbunga ang pagiging martir ni Ka Andres.

 

----$$$--


SA ngayon, wala na tayong maituturing na “bagong Bonifacio, bagong Rizal, o bagong Del Pilar.

Magtitiis tayo ngayon sa mga “magnanakaw, mandarambong, bolero at magkakutsaba sa pagbaluktot ng batas”.

Wala tayong nakikitang solusyon, kundi ang magdasal nang walang patid.



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | November 11, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Humina na at lumabas na nang bansa ang Super Typhoon Uwan.

Napahiya sa pagtaya ang mga batikang weather forecasters na sinabayan ng mga “porkaster kuno” sa social media.


----$$$--


NAPANIWALA ng mga Pilipino at international forecaster na mananalasa nang todo ang Super Typhoon Uwan.

Lumitaw na mas grabe ang perhuwisyo na ipinatikim ng ordinaryong Bagyong Tino — na hindi rin naiabiso ng mga forecasters — ang sobra-sobrang ulan na dinala nito sa Kabisayaan.


-----$$$--


WALANG mali ang mga forecaster dahil sila ay nakasandal sa “aklat” o “teorya” na kanilang pinag-aralan sa matagal na panahon — pero hindi akma sa mga aktuwal na sitwasyon.

Kumbaga, masyadong “bookish” o “theoretical” ang mga pagtaya.


-----$$$--


TINANGGAP ng mainstream media, social media at mga government at private sector sa “face value” ang weather forecast — imbes sa “aktuwalidad” o aktuwal na sitwasyon sa kapaligiran.

Wala nang pinakabihasang “weather forecaster” kundi ang mga sinaunang magsasaka, mangingisda at manlalayag.


----$$$--


MAY nakita ba tayo na kinonsulta o may consultant ba ang DOST-PAGASA na batikang magsasaka, mangingisda at manlalayag -- upang ma-balido ang kanilang mga pagtaya?

Ibig sabihin, upang makapagbigay ng mas epektibong babala, abiso o payo — dapat ay kinokonsulta ang mga sinaunang “paham” na bihasa sa pagtaya ng panahon.

Kumbaga, naka-TEMPLATE sila, as in “DE-KAHON”.


----$$$--


SA totoo lang, ang mga sinaunang “ALMANAC” ang tradisyonal at pinakaepektibong gamit sa pagtaya ng panahon.

Kinonsepto ito, binubuo at ginamit sa aktuwal na pagtaya ng panahon.

Isa itong aktuwal na kalendaryo — na ginagamit ng mga sinaunang magsasaka, mangingisda, manlalayag o sailor —dahil epektibo ito!


----$$$--


ERE ang tanong: Bakit walang “almanac” ang DOST-PAGASA?

Kahit iskolar pa ang mga iyan o mga akademisyan, naliligaw sila sa kasangkapan sa pagtaya ng panahon.


-----$$$--


SA pagdating ng artificial intelligence, lalong malilihis, magkakamali ang pagtaya ng panahon — dahil sasandal lamang sila sa “datos” na nai-encode sa “world wide web”?

Wala kasing kakayahan ang pobreng magsasaka, mangingisda at bangkero — sa paggamit ng internet kaya ang kanilang “karunungan, karanasan at pagiging paham” — ay hindi maipapasok sa modernong teknolohiya.



----$$$--


MINOMONOPOLYO ng edukasyong nag-ugat sa Europe ang kamalayan ng ordinaryong tao kaya’t nakakaranas ng kapalpakan ang ating henerasyon sa pagtaya ng panahon.

Sino ba ng nakakabasa o nakakaalam ng “ALMANAC NG DIARIONG TAGALOG” ng rebolusyunaryong si Don Honorio Lopez ng Maynila na naglalaman ng “PAGTAYA SA LAGAY NG PANAHON”?


Bakit walang nangahas na magtataas ng kamay?

Lahat nakatalungko!




Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | November 7, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Paano na ang Pasko ng mga taga-VisMin?

Maraming post sa social media, pero kakaunti rito na may eksena na tumutulong ang gobyerno.

Nasaan ang emergency response?

-----$$$--

KAHIT may warehouse ng relief goods sa mga naturang lugar, tiyak na lulubog at masisira ang suplay sa naturang lugar ng kalamidad.

Hindi ito simpleng palpak na flood control projects.

Ito ay epekto ng mababaw at lipas nang estilo ng pamamalakad sa kapaligiran at lipunan.

-----$$$--

HANGGANG ngayon ay talamak pa rin ang illegal logging at dispalinghado na ingatan ang mga kabundukan.

Maging ang reforestation ay ‘inutil’.

----$$$--

SA isang demokratikong gobyerno, ang lahat ng kontrol sa gobyerno, kapaligiran at lipunan ay nakasandal sa ehekutibo.

Suporta lamang ang lehislatura at hudikatura.

----$$$--

Kapag pumalpak ang tatlong pundasyong ito ng demokratikong gobyerno — ehekutibo, lehislatura at hudikatura, sasaklolo dapat ang mga constitutional bodies tulad ng COA, Civil Service Commission, Comelec at Ombudsman.

----$$$--

RESPONSIBILIDAD ng ehekutibo na matiyak na kumikilos, maayos at aktibo ang mga nasa ilalim ng direktang hurisdiksyon niya tulad ng mga departamento at LGU.

Halimbawa, alter-ego ng Pangulo ang lahat ng sekretaryo ng departamento, at direktang nasa ilalim ng kanyang superbisyon ang lahat ng LGU — gamit ang DILG.

----$$$--

SA palpak na flood control project at iba pang proyekto — kakastiguhin dapat ng Malacañang ang DPWH; sa palpak na illegal logging at reforestation — ang DENR; at sa kabulastugan ng LGU — ang DILG ang magbabantay.

Lahat ng iyan ay direktang nasa ilalim ng Malacañang.

-----$$$--

NAWAWALAN na ng tiwala ang ordinaryong tao na makakarekober pa ang burukrasya.

Malinaw kasi na hindi lamang nag-ugat ang lahat ng ito -- sa panahon ng administrasyong Marcos Jr., bagkus ay kakambal na ito ng Republika ng Pilipinas.

----$$$--

Kung tayo ang tatanungin, malaki ang papel ng pribadong sektor, ordinaryong tao at mga botante upang makarekober sa kabulukan ng lipunan at gobyerno.

Sa demokratikong gobyerno, mauugat ang lahat sa mismong mga botante na “walang masulingan” kundi ang bumoto pabor sa kung sino ang popular na may badyet sa propaganda.

-----$$$--

ANG mga oligarko at negosyante ay nagkakaloob ng campaign fund, hindi upang mabago ang gobyerno at lipunan — bagkus ay kung sino ang makakakutsaba nila sa “pandarambong”.

Ang mga elected officials — ang ilan ay mga aktuwal na mandarambong — ismagler, gambling lord, drug lord, at criminal pero hindi nakakasuhan at nagkakamal ng salapi.

----$$$--

SA demokratikong proseso, mahirap matalo ang may “unlimited campaign fund” na hindi kayang pigilin mismo ng Comelec.

Ang mga hindi kuwalipikadong elected officials na ito ay naatasang gumawa ng batas — hindi rin pabor sa lipunan at ordinaryong tao, bagkus ay pabor sa malalaking korporasyon.

Mahirap tanggapin, ang mga oligarko pa rin ang may kontrol ng gobyerno — imbes ang ordinaryong botante.

-----$$$--

ANG pilosopiya, esensiya at sustansiya ng demokratikong gobyerno — dapat ay ang mayorya ng botante o ordinaryong tao ang makapangyarihan.

Sa ayaw o sa gusto mo, hindi iyan ang natutupad — pero iyan mismo ang ugat ng krisis at bulok na lipunan.

----$$$--

KUNG kakalam ang sikmura ng mga nagdarahop ngayong Pasko, sino ang dapat sisihin?Malinaw ang sagot: hindi lamang ang gobyerno, bagkus ay maging ang mga ordinaryong tao — lalo na ang mga botante.




Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page