ni Julie Bonifacio @Winner | May 25, 2025
Photo: Marian Rivera-Dantes - IG
Dawit ang pangalang Marian Rivera sa listahan ng mga tumanggap sa confidential funds ni Vice-President Sara Duterte.
Ayon sa imbestigasyon ng House prosecution panel sa confidential funds ni VP Sara, mayroon daw natagpuang acknowledgment receipts kung saan ang nakalagda ay kapangalan ng aktres na si Marian Rivera at ni Akbayan Representative-elect Chel Diokno.
Nakalagay daw sa resibo na taga-San Fernando, Pampanga ang kapangalan ni Marian na tumanggap ng P100,000. Samantalang ang kapangalan naman ni Diokno ay tumanggap ng P120,000 confidential funds.
Sa X (dating Twitter) ay nakita namin ang reaksiyon ni Akbayan Representative-elect Chel Diokno sa mga nakalkal na acknowledgment receipts ng confidential funds ni VP Sara kung saan kabilang ang kapangalan niya.
Reaksiyon ni Atty. Chel, “Lahat na ba nasa listahan ng confidential funds? Pati ba naman pangalan namin ni Ma’am Marian, idinamay nila! Grabe ang kawalang-hiyaan!”
May reaksiyon din siyempre ang mga netizens d’yan.
“Ay, pot*. Lahat na lang. Mana talaga sa ama. Hindi ako magtataka kung si Hidilyn Diaz ay nasa listahan din niya. Susme.”
“Ipapatawag sa impeachment trial sina Marian Rivera and Chel Diokno? (laughing emoji).”
Bongga! Hahaha!
SA true lang, fake news ang balitang naungusan na ng katapat na programa ang FPJ’s Batang Quiapo (BQ) ni Coco Martin.
Katunayan, muling gumawa ng bagong record ang BQ bilang most-watched teleserye on-air at online sa Pilipinas.
May “resibo” ang programa para patunayan na gabi-gabi pa ring sinusubaybayan ng mga Pilipino ang maaaksiyong bakbakan ni Tanggol (Coco) sa BQ pagkatapos magtala ng 24.78% average na pinagsamang national TV rating noong Mayo 1 to 20 para manatiling most-watched teleserye sa bansa.
Ang Kapamilya teleserye pa rin ang nangungunang programa sa primetime with double national TV rating kumpara sa 12.64% fused TV rating ng katapat na serye mula sa parehong urban at rural homes ayon sa datos ng Kantar Media.
Patuloy ang pamamayagpag ng BQ sa national viewership charts mula noong umere ito noong 2023 sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5.
Bukod sa telebisyon, namamayagpag din ang serye sa online viewership. Para sa Mayo 1 hanggang Mayo 18, nakapagtala ito ng higit 100 million views para sa pinagsama-samang full episodes at highlights nito sa YouTube (YT). Kumpara ito sa 4 million views na nakuha ng katapat na serye para sa parehong panahon.
Lagi ngang trending sa social media ang mga eksena at karakter nito kung saan patok na patok sa mga manonood ang halu-halong emosyon, drama, at aksiyon.
Kaya naman taos-puso ang pasasalamat ng lahat ng bumubuo sa BQ para sa walang-sawang suporta ng mga manonood na gabi–gabing sinusubaybayan ang buhay ni Tanggol sa TV at online.
So, alam na, ha?
Mas marami pang maaaksiyong kaganapan sa BQ na huwag palampasin gabi-gabi, 8 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC, at Kapamilya Online Live.












