top of page
BIDA - CUP OF JOE, IPINABOBOYKOT SA DAVAO, BABATUHIN NG DURIAN NG MGA DDS-FB Cup of Joe.jp
Search

ni Jenny Rose Albason @World News | May 18, 2026



Islamic State Militia ISIS


Napatay sa pinagsamang operasyon ng puwersa ng US at Nigeria ang isang senior leader ng Islamic State.


Kinilala ang napatay na si Abu-Bilal al-Minuki na itinuring ni US President Donald Trump bilang pangalawang pinakamataas na lider ng IS sa buong mundo.


Isinagawa ang operasyon sa isang compound sa Lake Chad Basin, isang malawak na rehiyon na napapaligiran ng mga katubigan na pinaghahatian ng Nigeria, Chad, Niger at Cameroon.


Ayon sa ulat, si Al-Minuki rin umano ang isa sa pinaka-aktibong terorista sa mundo.

Lumilitaw na binago ng Islamic State ang pokus ng kanilang operasyon at ginawang prayoridad ang sub-Saharan Africa, kung saan pinaka-aktibo ang kanilang sangay sa Nigeria.


Kinumpirma naman ni Nigerian President Bola Tinubu ang pinagsamang operasyon ng kanilang bansa at ng US.


Noong 2023, idineklara ng US si Al-Minuki bilang isang Specially Designated Global Terrorist.





TREN VS. BUS, 8 TODAS, 32 PA SUGATAN


NASAWI ang walong katao habang 32 naman ang sugatan matapos araruhin ng isang freight train ang pampasaherong bus sa isang rail crossing sa Bangkok, Thailand nitong Sabado.


Ayon sa mga otoridad, agad na nagliyab ang bus matapos ang banggaan. Nadamay rin sa insidente ang ilang kotse at motorsiklo malapit sa Makkasan station ng Airport Rail Link.


Sa paunang imbestigasyon, nakahinto umano ang bus sa riles dahil sa red light kaya’t hindi tuluyang bumaba ang mga harang sa rail crossing. Dahil dito, hindi na nakapagpreno sa oras ang tren na may kargang mga container.


Lahat ng walong nasawi ay sakay ng bus habang ang mga sugatan ay isinugod sa iba’t ibang ospital.


Sa mga kumalat na video sa social media, makikitang sinalpok ng tren ang bus at nakaladkad pa ang ilang sasakyan sa riles.


Patuloy namang iniimbestigahan ng mga otoridad ang sanhi ng insidente. Kilala ang Thailand bilang isa sa mga bansang may pinakamapanganib na kalsada sa mundo dahil sa mahinang pagpapatupad ng road safety standards.





3 iskul, inatake

50 BATA DINUKOT NG MGA ARMADO


MAHIGIT 50 bata ang dinukot ng mga armadong lalaki mula sa tatlong paaralan sa bayan ng Mussa sa Borno state, hilagang-silangang Nigeria.

Karamihan sa mga nawawalang bata ay nasa edad dalawa hanggang limang taong gulang.


Ayon sa mga testigo, dumating ang mga suspek sakay ng motorsiklo noong Biyernes ng umaga at ginamit pa umano bilang human shield ang mga bata habang tumatakas kaya’t hindi agad makapagpaputok ang mga security forces.


Wala pang grupong umaako sa pag-atake ngunit may mga ulat na posibleng kagagawan ito ng Boko Haram, ang extremist group na matagal nang naghahasik ng karahasan sa rehiyon.


Nangyari ang pagdukot sa Government Day Secondary School, Mussa Central Primary School, at SUBEB Secondary School.


Ayon kay Abdu Dunama, punong-guro ng Mussa Central Primary School, nakarinig muna sila ng putok ng baril bago sapilitang pasukin ng mga armadong lalaki ang paaralan at tipunin ang mga bata.


Sinabi niyang 34 na bata, karamihan ay mga nursery pupil na limang taong gulang pababa, ang kinuha mula sa kanilang mga silid-aralan.


Ayon naman sa mga residente, isinagawa ang pag-atake ilang sandali lamang matapos umalis ang mga sundalong nagpapatrolya sa lugar.


Dahil sa insidente, ilang residente ang napilitang lumikas habang nananawagan naman ang mga magulang at lokal na komunidad sa pamahalaan na matiyak ang ligtas na pagbabalik ng mga dinukot na bata.


Patuloy naman ang operasyon ng mga sundalo upang matunton ang mga dumukot.

 
 

ni Carlos S. Corpuz (OST) | April 11, 2023




AFGHANISTAN — Todas ang dalawa at arestado naman ang ikatlong mandirigmang Islamic state, ng mga Afghanistan special forces matapos ang isang operasyon sa kanlurang parte ng bansa.


Sinalakay ng special forces ang hideout sa distrito ng Sayed Abad sa lalawigan ng Nimroz na nagdulot ng labanan at umabot ng kalahating oras.


Ayon ito kay Mufti Habibullah Ilham, direktor ng impormasyon at kultura ng lalawigan.


Dagdag niya wala namang namatay sa mga tropa o sibilyan.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 27, 2021



Labing-tatlong miyembro ng American troops ang nasawi sa suicide bombings sa Kabul airport kamakailan habang 18 ang sugatan, ayon sa US Defense Department.


Saad ni Central Command Spokesman Captain Bill Urban, "A thirteenth US service member has died from his wounds suffered as a result of the attack on Abbey Gate.”


Kabilang sa mga nasawi at sugatan ay miyembro ng US Marines, ayon kay Marine Corps Spokesman Major Jim Stenger.


Saad naman ni Stenger, "We mourn the loss of these Marines and pray for their families.


"Our Marines will continue the mission, carrying on our Corps' legacy of always standing ready to meet the challenges of every extraordinary task our Nation requires.”


Samantala, hindi pa inilalabas ang detalye tungkol sa naganap na pag-atake sa Kabul airport ngunit pinaniniwalaang ang Afghanistan branch ng Islamic State jihadist group ang nasa likod nito.


Ang Afghanistan ay kasalukuyang nasa ilalim ng pangunguna ng grupong Taliban at mahigpit na binabantayan ng mga awtoridad ang airport upang mailikas ang mga nais umalis ng bansa.


Ayon kay Commander of the US Central Command General Kenneth McKenzie, kailangan nilang higpitan ang pagbabantay sa airport upang ma-examine muna ang mga evacuees at malaman kung mayroon silang sapat na mga dokumento katulad ng travel papers bago mailikas.


Saad pa ni McKenzie, "We have to check people before they get onto the airfield.


"We can't do that with standoff. You ultimately have to get very close to that person.”


 
 
RECOMMENDED
bottom of page