top of page
SHOWBIZ SPECIAL - ROMNICK- 54-ANYOS NA AKO, NAGBI-VIDEO GAMES PA RIN, WALA PA AKONG NASAKT
Search

ni Melba R. Llanera @Insider | June 19, 2026



Cast ng Home Along Da Riles - Boy 2 Quizon IG

Photo: Cast ng Home Along Da Riles - Boy 2 Quizon IG



Aminado si Boy2 Quizon na noong una ay gusto niyang si Eric Quizon ang magdirek ng Home Along Da Riles: Da Reunion (HADRDR), pero dahil abala ito, kinumbinse siya nina Vandolph Quizon at Maybelyn dela Cruz na siya na lang ang magdirek ng pelikula.

Ang rason ni Boy2, mahirap kasi na producer na siya, gumaganap pa bilang Estong sa movie, tapos magdidirek pa.


Aminado si Boy2 na nahilo siya habang nagsu-shooting dahil habang nagdidirek ay kailangan din niyang umarte kapag may eksenang kasama siya.


Hindi rin biro ang pinagdaanan nila bago nabuo ang pelikula, kung saan mahigit dalawang taon ang binuno nila para matapos ito. 


Ang una nilang balak ay itago ito sa publiko at palabasing simpleng reunion lang ang pagsasama-sama nila. Dapat sana ay ipapalabas ito ng December at balak isali sa Metro Manila Film Festival noon, pero kahit hindi ito natuloy ay hindi naging big deal dahil napanatili nilang secret na nagawa na nila ang pelikula.


Samantala, hiningan din namin ng reaksiyon si Boy2 sa apela ngayon ng marami na itanghal na ngayong taon bilang National Artist si Dolphy sa pangunguna na rin ni Manila 3rd District Representative Joel Chua, kung saan ipinasa nito ang House Resolution No. 41 para isulong ang pagkilala sa Comedy King bilang National Artist dahil sa hindi matatawarang kontribusyon nito sa showbiz industry.


Masaya si Boy2 sa panawagan na ito ng marami dahil para sa kanya ay karapat-dapat na ipagkaloob ito sa kanyang Lolo Dolphy. Pahayag nga ng aktor, kahit noong buhay pa ang lolo niya ay lagi nitong sinasabi sa kanila na kung hindi para talaga sa kanya ay hindi para sa kanya ang award.


Alam ni Boy2 na may mga nagsasabi na komedya lang kasi ang ginagawa ng kanyang Lolo Dolphy, pero depensa ng aktor-direktor ay napakahirap magpatawa at alam niya na napakaraming napaligaya ng Comedy King.


Ang Home Along Da Riles: Da Reunion ay tribute hindi lamang para sa kanyang lolo kundi sa lahat ng naging bahagi ng show na nawala na’t namaalam. 


Sa ngayon ay showing na ang pelikula sa mga sinehan sa ilalim ng Riles Productions at TJAV Productions, Inc. sa direksiyon din ni Boy2 Quizon.





INAMIN ni Isha Ponti na ginawa niyang inspirasyon ang mga kasawian niya sa pag-ibig para makalikha ng sariling komposisyon. 


Sa kanyang debut self-produced album na may titulong Likas, binubuo ito ng sampung original compositions gaya ng Darating, Numero, Hinga, Kabanata, Halika, Warmth, Gulong, Bakas, Riversky, at Mismo.


Nang tanungin kung bakit isang salita lang ang bawat titulo ng kanyang mga kanta, paliwanag ni Isha, ganu’n talaga ang istilo niya sa mga komposisyon dahil mas gusto niya ang simple at sapat na ito para mailarawan kung tungkol saan ang kanta.


Nabanggit naman niya sina Sarah Geronimo, Yeng Constantino, Maki, at SB19 sa mga gusto niyang maka-collaborate.


Nagmula sa isang may kayang pamilya, kasalukuyang nag-aaral si Isha sa Enderun Colleges at kumukuha ng kursong Multimedia Arts. Labis din ang pasasalamat ni Isha sa suportang ibinibigay ng kanyang mga magulang pagdating sa kanyang singing career. Ang kantang You Loved Me First ay handog niya sa inang si Emeelette Pontanares, at ang kantang Proud To Say ay surprise birthday at Father’s Day gift naman niya sa amang si Alvin Pontanares.


Sa kabila ng talento at husay sa pagko-compose at pagkanta, kung susuwertehin na makabuo ng pangalan sa industriya, gusto pa ring panatilihin at pangalagaan ni Isha Ponti ang kanyang privacy bilang pribadong tao, na ginagawa rin ng iba pang singers.


 
 

ni Melba R. Llanera @Insider | June 5, 2026



INSIDER - PAGKAIN AT PAGTULOG NI CLAUDINE, APEKTADO NG PAGKAMATAY NG MADIR-IG _claubarretto

Photo: IG _claubarretto



Aminado si Claudine Barretto na hanggang ngayon ay hindi pa rin niya lubusang matanggap ang pagkawala ng kanyang inang si Inday Barretto. 

Bilang bunso sa pamilya at isa sa pinakamalalapit sa kanilang ina, malaki pa rin ang epekto nito sa aktres.


Matapos ang advanced special screening ng Home Along Da Riles: Da Reunion (HADRDR) na ginanap sa Metropolitan Theater noong June 1, nakausap namin si Claudine. Inamin niyang ngayon niya mas nararamdaman ang matinding pangungulila sa ina kaya naapektuhan maging ang kanyang tulog at pagkain.


Matapos ang kanyang pagganap sa seryeng Totoy Bato (TB) ng TV5, nagpahinga muna siya sa trabaho dahil sa nararanasang kalungkutan. 


Kamakailan ay bumisita siya sa Thailand upang makasama ang kanyang best friend, na nakatulong upang kahit paano ay mabawasan ang pangungulila niya.


Naging emosyonal din si Claudine sa special screening ng HADRDR. Ikinuwento niyang habang nanonood sila ng pelikula ay magkahawak-kamay sila ni Nova Villa na gumaganap bilang Tita Nanay Azon sa istorya.


Ayon kay Claudine, ramdam na ramdam nila ang presensiya ni the late Comedy King Dolphy, na nagsilbing ama-amahan nila noong ginagawa nila ang sikat na sitcom. 

Aniya, kapag may problema sila noon ay kay Dolphy sila lumalapit, at madalas pa silang yayain nito, kasama si Vandolph, na mag-dinner sa isang restaurant malapit sa ABS-CBN.


Hindi rin itinago ng aktres na kinabahan siya bago pa man makarating sa venue at lalo nang tawagin siya sa entablado upang magbigay ng maikling mensahe. 


Sa kauna-unahang pagkakataon ay napanood din niya ang pelikula at buong-pagmamalaking pinuri ang direktor nitong si Boy2 Quizon.


Masasabi naming matagumpay nitong napatawa at napaiyak ang mga manonood sa maraming mahahalagang eksena.


Dumalo rin sa espesyal na screening si Vandolph, ang asawa nitong si Jenny, anak na si Vitto, at sina Gio Alvarez, Boy2 Quizon, Maybelyn dela Cruz, Cita Astals, Dang Cruz at Nova Villa.


Mapapanood ang Home Along Da Riles Da Reunion simula June 17 sa mga sinehan nationwide sa ilalim ng Riles Productions, katuwang ang TJay Productions at Rebisco, sa direksiyon ni Boy2 Quizon.





SA nakaraang panayam ng Philippine Movie Press Club members kay Mayor Christian Natividad ng Malolos, Bulacan, naikuwento niyang naging chairman siya ng Optical Media Board (OMB) noong 2020 matapos italaga ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.


Nang tanungin kung sino ang nais niyang gumanap sa kanya sakaling maisapelikula ang kanyang buhay, agad niyang binanggit sina Joko Diaz at Jomari Yllana. Sa personal ay malaki ang pagkakahawig niya kay Jomari.


Ayon pa sa alkalde, makulay ang kanyang buhay dahil sa maraming pagsubok na kanyang pinagdaanan bago narating ang kanyang kasalukuyang katayuan. 

Bata pa lamang siya ay interesado na sa pag-arte at minsan ding sumubok sa teatro.


Naranasan din niyang umarte sa pelikula kung saan gumanap siya bilang National Bureau of Investigation (NBI) agent at pulis sa ilang proyekto, kabilang ang BuyBust.


Ikinuwento rin niya ang pagtatatag ng Sine Republika sa Bulacan, isang proyektong nakagawa ng ilang pelikula, kabilang ang isang naisama sa Cannes Film Festival. Tumagal ito nang anim na taon at naipalabas pa sa mga sinehan ng SM at Robinsons bago pansamantalang nahinto dahil sa pandemya.


Sa kasalukuyan ay gumagawa sila ng mga short films para sa mga high school students na tumatalakay sa mga isyung may kinalaman sa early teen pregnancy.


 
 

ni Melba R. Llanera @Insider | May 20, 2026



Meryll Soriano at Joem - Instagram

Photo: Meryll Soriano at Joem - Instagram



Naging bukas si Meryll Soriano kung kailan siya na-diagnose ng bipolar disorder, kung paano ito nakaapekto sa kanya at kung paano niya ito nilabanan at patuloy na nilalabanan. 


Ayon sa aktres, nagsimula ito noong 2007 nang isilang niya ang panganay na anak nila ni Bernard Palanca, at nang maghiwalay sila habang nilalabanan niya ang sakit. 

Nakatulong nang malaki ang patuloy na propesyonal na tulong para sa kalusugang pangkaisipan, mga taong tumanggap at nagmahal sa kanya kabilang ang current partner na si Joem Bascon.


Sa panayam namin sa Kapamilya actor sa nakaraang exclusive sneak peek at presscon ng Drug War: A Conspiracy of Silence (DWACOS), ikinuwento ni Joem na kabisado na niya kung kailan umaatake ang bipolar disorder ng partner. 


Kapag sumisingkit na ang mata nito ay alam na niyang bumibigat na ang pakiramdam nito at kapag masayang-masaya naman ito ay pinapaalalahanan niya ito na maghinay-hinay lang. 


Ayon kay Joem, hindi siya nagbibigay ng payo kay Meryll kundi ipinaparamdam lang niya ang presensiya niya at assurance na hindi niya ito iiwan.


Sa ngayon ay masaya siya at kuntento sa tinatakbo ng relasyon nila ni Meryll, kung saan sabay nilang pinapalaki ang anak nilang si Gideon o Gido. 


Nang tanungin namin kung napag-uusapan na ba nila ang pagpapakasal, ayaw nang magbigay ng detalye tungkol dito ni Joem at gagawin na lang niya ito nang pribado at silang dalawa lamang. 


Tinanong namin kung ano sa palagay niya ang sikreto sa masaya at matatag na pagsasama nila ni Meryll.


Ani ng aktor, wala, pero sa bahay ay nagkukulitan lang sila at inirerespeto nila kung ano ang gustong gawin ng bawat isa. 


Siniguro rin sa amin ni Joem na wala na siyang hahanapin pang iba, wala na siyang nakikita at masaya na siya sa buhay niya kasama si Meryll.


Isa si Joem sa cast ng DWACOS, a six-part mini-series sa ilalim ng Rein Entertainment in collaboration with KC Global Media at sa ilalim ng direksiyon ni Shugo Praico. Kasama rito sina Ian Veneracion, Lotlot de Leon, Ryan Eigenmann, at Jane Oineza. 


Ang naturang sneak peek ay ang kauna-unahang beses na napanood din ni Joem ang first episode at tama nga ang sinabi ng Kapamilya actor na napaka-immersive nito, kung saan ramdam mo na parte ka sa bawat eksena.


Tinanong din namin si Joem kung ano ang pakiramdam niya noong kasagsagan ng war on drugs noong nakaraang administrasyon at nabalita na may mga kapatid sa industriya na kasama sa listahan. 


Aminado si Joem na nakaramdam siya ng takot lalo’t may mga kaibigan siya sa labas ng showbiz na nawala na lang at hindi na nakita. 


Noong mga panahong iyon ay walang ginawa si Joem kundi magtrabaho nang magtrabaho sa kabila ng maraming tanong kung ano ba talaga ang protocols at bakit umabot sa ganitong desisyon. 


Hiling ni Joem Bascon, sana sa pamamagitan ng series na ito ay magkaroon ng kalinawan ang mga nangyari noong panahong iyon.





SA presscon naman ng Project Baby (PB) na pinagbibidahan nina Sue Ramirez at Rico Blanco sa ilalim ng produksiyon ng Regal Entertainment at idinirek ni Erik Quizon, napapanahon ang tema ng pelikula dahil maraming kababaihan na ngayon ang bukas sa pagkakaroon ng anak kaysa magpakasal at bumuo ng sariling pamilya.


Tulad ng bida ng pelikula na si Sue Ramirez, aminado ang aktres na naramdaman niya dati na gusto niyang magkaanak dahil pakiramdam niya ay kaya niya ang responsibilidad at kaya niyang magpalaki at magtaguyod mag-isa ng isang bata.


Sa parte naman ni Rico, ibinahagi ng PB lead actor na nakaramdam siya ng pagdadalawang-isip at alinlangan dahil marami siyang kaibigang lalaki na nakita niyang nasaktan at nadurog ang puso nang hindi pinayagan ng mga ina ng kanilang mga anak na makita at makasama ang kanilang mga anak. 


Sa kabila nito ay naniniwala naman si Rico na alam niyang magiging isa siyang mabuting ama dahil sa ngayon pa nga lang ay isa na siyang cool tito sa kanyang mga pamangkin.


May chemistry sina Rico at Sue on the big screen kung saan may kilig kapag pinapanood mo silang dalawa. Ito’y sa kabila na open naman si Sue na masaya sa kanyang relasyon kay Dominic Roque at paulit-ulit na pinupuri ang kabutihan ng loob at kabaitan ng kasintahan.


Ang Project Baby ay mapapanood na sa darating na June 10 sa mga sinehan kung saan makakasama nina Sue Ramirez at Rico Blanco sina Matt Lozano, Arra San Agustin, Yasser Marta, Charuth, Jazzil Sarinas, Jonathan Perez at Alex Calleja.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page