top of page
Search

ni Melba Llanera @Insider | Nov. 8, 2024






Nakakatuwa na pagkatapos makipaglaban sa depresyon sa loob ng mahabang panahon, ay mukhang nalagpasan at mas kaya nang i-handle ni Ice Seguerra ang matagal na rin niyang pinaglabanang mental health problem. 


Sa panayam namin sa singer sa nakaraang intimate presscon para sa Ice Seguerra Videoke Hits: OPM Edition Isa Pa! na magaganap ngayong gabi sa Music Museum, inamin sa amin ni Ice na ngayon niya masasabi na masaya siya. 


Ayon pa sa singer, hindi niya ma-pinpoint ang dahilan kung bakit siya masaya, pero ito ang nararamdaman niya sa ngayon, lalo't noon ay hindi niya ito masabi sa sarili. 


Kahit nga sa pag-uusap nila ng asawang si Liza Diño-Seguerra, nabanggit niya ito at kahit ang ilang malalapit na mga kaibigan ay nakakapansin at nagsasabing mukhang masaya siya ngayon. 


Sa tanong kung nakatulong ba sa kanya ang sunud-sunod niyang trabaho para hindi niya maramdaman ang depresyon, agad na kinlaro sa amin ng singer na laging may lugar ang depresyon, kahit na marami siyang ginagawa, lalo na kapag umuuwi na siya, mag-iisa at aatakehin nito.


Sa kabilang banda, excited naman siya sa repeat ng Ice Seguerra Videoke Hits: OPM Edition Isa Pa!. Halos kapareho lang ang mga kanta na mapapakinggan sa unang Videoke Hits OPM Edition, pero ngayon ay mas magkakaroon ng mas malaking participation ang mga manonood sa bawat kantang aawitin ni Ice. 


Nang tanungin kung ano ba sa mga naka-line-up na kakantahin niya ang paborito niya, sagot ni Ice ay ang Anak ni Freddie Aguilar. 


Ayon kay Ice, ibang rendition ang mapapanood kung saan kombinasyon ito ng bersiyon ni Freddie at ni Alanis Morissette. 


Bukod dito, isa rin sa mga nilu-look forward ni Ice ay ang repeat ng Choosing, ang play na pinagsamahan nila ni Liza, sa darating na June, 2025 para sa pagdiriwang ng Pride Month.


Sa ngayon, wala na sa isip at hindi na rin nila napag-uusapan ni Liza ang plano sana nila noon na magkaroon ng baby. Ang pokus nila ngayon ay paunlarin at patatagin ang Fire & Ice Entertainment kung saan pinasok na rin nila ang talent management.


Aktres, tagalinis, tagahugas, tagaluto, etc. sa Tate… LOVI AT MISTER, KANI-KANYA PAGDATING SA PERA 



Sa eksklusibong panayam namin kay Lovi Poe sa launching ng kanyang makeup line, ang Love, You BY Lovi kamakailan, inamin ng Kapamilya actress na mahirap ang long-distance relationship, katulad ng sa kanila ng asawang si Monty Blencowe. Pero nagpapasalamat siya na nagkaroon siya ng isang supportive at secure na asawa. 


Kuwento ni Lovi, tahimik at ibang-iba ang buhay niya sa tuwing umuuwi siya sa bahay nila sa LA, USA. Dito ay naranasan niyang kung paano mag-slow down, taliwas sa buhay niya rito na laging mabilis o fast-paced, lalo na 'pag araw-araw ang taping at shooting. 


‘Pag nasa Amerika rin pala, si Lovi mismo ang naglilinis ng bahay, naglalaba, naghuhugas ng pinggan, nagluluto. Ginagawa man niya ito paminsan-minsan nu’ng dalaga pa siya, may mga kasambahay naman na makakatulong, lalo na’t 'pag may trabaho siya. 


Pero sa Amerika, personal ding naggo-grocery ang aktres para sa mga kailangan nila ng asawa. 


Nang mapag-usapan ang pagba-budget, ani Lovi, kani-kanya pala silang pera ng asawa at maayos naman ang setup na ito sa kanila. 


Kilala si Lovi na independent, may sariling kita at kayang tumayo sa sariling paa, at pinahahalagahan ang kalayaan o freedom, at pasok ang setup nila rito ng asawa.


Masaya at kuntento si Lovi sa piling ni Monty, kung saan suportado rin nito ang bagong negosyong pinasok niya, ang Love You BY Lovi. Kahit nasa malayong lugar ang asawa, bukas ang komunikasyon nila at alam nito ang mga kaganapan sa kanyang makeup line. 


Sa ngayon, nasa LA na si Lovi kasama ang ina para makapiling si Monty at ang kapatid na naninirahan din sa LA. Dito na magpa-Pasko ang aktres at babalik ito ng bansa 'pag magsisimula na uling mag-taping at mag-shooting, kung saan may nakalinya siyang pelikula at serye.


Sa speech ni Lovi Poe, inaalay nito ang bagong business sa namayapang manager na si Leo Dominguez, na nakasama niya mula sa simula ng kanyang career at mga kaganapan sa buhay.

 
 

ni Melba Llanera @Insider | August 22, 2024



Showbiz News
Photo: Chavit Singson / Carlos Yulo

Tulad ng naging pahayag sa amin ni Congw. Richelle Singson, representative ng Ilokano party-list at anak ni ex-Gov. Chavit Singson, ang kahalagahan ng pagmamahal at pag-unawa sa isang pamilya ay paulit-ulit na ipinapayo at ipinapaalala sa kanila ng ama. 


Kaya’t hindi na dapat pagtakhan na ang hininging kondisyon ng dating pulitiko ay ang pagkakabati-bati muna ng pamilya Yulo bago niya ipagkaloob ang ipinangako niyang limang milyong pisong pabuya. 


Ayon pa kay Chavit, kung anuman ang nagawang pagkakamali ng pamilya ni Caloy,

dapat ay patawarin na ito ng two-time gold Olympic medalist at ayusin kung anuman ang nagiging problema. 


Ibinahagi pa ni Chavit na tanging ang pamilya ni Caloy ang nakausap niya at ikinuwento sa kanya na hindi pa sila kinokontak ng anak. 


Hiling ni Chavit na magkaayos na ang pamilya Yulo, lalo’t hindi rin maganda sa imahe ni Caloy, lalo’t sa kultura nating mga Pilipino ay labis na pinahahalagahan ang pagmamahalan ng isang pamilya.


Nahingan din namin ng reaksiyon si Chavit sa nag-trending na video sa social media, kung saan pinipilit na gisingin ang isang leon sa Baluarte Zoo sa Vigan para makapagpa-picture ang mga turista. 

Ayon kay Chavit, inalis na nila sa trabaho ang naturang zookeeper. Ipinaliwanag din ng businessman na hindi naman daw sinampal ng zookeeper ang leon kundi ginising lang dahil natural sa mga leon ang gising sa gabi at tulog sa umaga. 


Pero sa kabila ng paliwanag na ito, minabuti na lang nilang alisin ito sa trabaho.

Sa ngayon, bukod sa iba't ibang negosyo ni Chavit, palago nang palago rin ang BBQ Chicken na may 12 branches na sa bansa. Ang pinakabago ngang branch ay nasa Festival Mall sa Alabang. 


Masarap at authentic talaga ang lasa, nag-originate pala ang BBQ Chicken sa Korea. 

Tuluy-tuloy din ang training ng mga tauhan nila kaya masasabi na kopyang-kopya nila ang bawat putahe na inihahain nila rito sa atin.



SA kabila ng kanyang katayuan sa showbiz bilang Star for All Seasons, kuwento sa amin ni Vilma Santos na isa pa rin siyang maybahay pagdating sa kanilang tahanan. 


Proud na sabi ng aktres na ibinibigay pa rin sa kanya ng asawang si Sec. Ralph Recto ang budget para sa mga bayarin at gastusin sa bahay nila at hands-on siya sa pagpapalakad ng kanilang tahanan. 


Ayon nga sa Star for All Seasons, alam niya kapag wala na ang mga supplies nila sa bahay gaya ng sabon, pang-mop, at alam niya kung sino ang mga dapat maglinis sa bahay, ang mga papasuwelduhin, pati na rin ang groceries. Alam din niya kapag tumataas ang mga bilihin, kuryente at tubig at sinasabi niya sa asawa na kailangang dagdagan nito ang budget nila. 


Pagdating naman sa pamilya niya, gaya ng mga kapatid, hindi niya ito ipinapaako sa asawa at kung anumang kailanganin ng mga ito ay nanggagaling sa sarili niyang bulsa.


Nasulat dati na isa sa mga nakaugalian ni Vilma ay maglinis tuwing madaling-araw kung kailan tulog na ang lahat ng tao sa bahay nila. 


Pag-amin ni Ate Vi, hindi na niya nagagawa ito ngayon pero pagmamalaki niya na pinalaki silang magkakapatid ng mga magulang nila na marunong sa mga gawaing bahay tulad ng paghuhugas ng pinggan, pagwawalis, at iba pa.


Sa kabilang banda, masayang-masaya naman si Vilma sa Vilma Night na ginanap sa Archivo 1984 kung saan naka-display ang mga memorabilia, posters, at mga larawan ng lahat ng mga pelikulang ginawa niya sa loob ng animnapung taon niya sa showbiz. 


Labis ang pasasalamat ni Vilma kay Dr. Martin Magsanoc in partnership with SOPHIA sa sama-samang effort para maging matagumpay ang nasabing exhibit na tumagal ng dalawang linggo.



 
 

ni Melba Llanera @Insider | July 11, 2024



Showbiz News

Nakapanayan din namin sa 7th EDDYS Awards Night si Enchong Dee, ang itinanghal naman bilang Best Supporting Actor para sa pelikulang Gomburza


Inamin ng Kapamilya actor sa kanyang acceptance speech na pakiramdam niya ay kulang ang ibinigay niya para sa kanyang role bilang Padre Mariano Zamora sa pelikula, kaya’t overwhelmed at hindi siya makapaniwala na tinalo niya ang mga katunggali gaya ni JC Santos at iba pa sa napanalunang kategorya. 


Pahayag ni Enchong, pakiramdam niya kasi ay hindi sapat ang nai-deliver niya sa role pero lagi niyang nakakalimutan na iba’t iba ang persepsiyon at opinyon ng bawat tao sa nakikita at napapanood nila. 


Para nga kay Enchong, ang pagkapanalo niyang ito ay nagsisilbing inspirasyon para mas gumawa pa siya ng mas maraming proyekto at kabilang nga rito ay ang serye na sisimulan niyang gawin sa Kapamilya Network. 


Very proud din si Enchong na nasama siya sa pelikulang Gomburza na ngayon ay educational reference na ng mga kabataan kapag tatalakayin ang kasaysayan ng Pilipinas.


Well, wala mang love life ay naniniwala si Enchong na darating ito sa tamang oras. 


Maganda ang itinatakbo ng kanyang career sa ngayon at kita naman na ito ang top priority niya lalo’t nakilala ang kanyang talento bilang isang aktor sa Gomburza.



KUNG dati ay iwas at tipid 'pag tinanong si Julia Montes tungkol kay Coco Martin, sa nakaraang 7th EDDYS Awards Night kung saan itinanghal ang Kapamilya actress bilang Best Actress para sa pelikulang Five Break-ups and A Romance, naging bukas nang magkuwento si Julia nang kumustahin namin ang bakasyon nila ni Coco sa Spain. 


Kinilig ang mga CocoJuls (Coco at Julia) fans at nagpahayag naman ang ilang mga showbiz personalities gaya nina Vhong Navarro, Isabel Oli-Prats, Iza Calzado, Jake Cuenca at iba pa nang mag-post si Coco ng sweet pictures nila sa harapan ng Casa Batllo sa Spain. 


Ayon kay Julia, sa sobrang busy sa trabaho ni Coco ay deserve naman nitong makapagpahinga at ine-enjoy nila sa lahat ang makapagsimba na rin. Naniniwala rin siya na kapag nagta-travel ang magkarelasyon mapa-out of town man o out of the country ay mas nagiging solid ang relasyon ng mga ito lalo’t nakikilala nila lalo ang isa’t isa.


Samantala, naging isyu na hindi pinasalamatan ni Julia si Coco sa kanyang acceptance speech. Sa tingin namin ay sinadya rin talaga ni Julia na hindi banggitin ang pangalan ng rumored boyfriend para iwas na rin sa panunukso at isyu. 

Sa interview kasi kay Julia ay sinabi naman nito na laging supportive sa kanya si Coco at kung anuman ang narating niya ngayon sa showbiz bilang aktres ay parte si Coco.


Para kay Julia, ang pagkapanalo niya ang nagbigay sa kanya ng drive para gumawa pa ng mas maraming pelikula at ibahagi sa mga manonood ang kanyang talento. 

Bukas naman at nandu’n din ang dasal ni Julia na sana ay magkaroon ng isang proyekto na pagsasamahan nila ni Kathryn Bernardo kung saan huli silang nagkasama sa pelikulang Way Back Home nu’ng 2008.


Aminado si Julia na takot siyang sumubok at lagi niyang naaalala ang payo sa kanya ng yumaong Dreamscape head na si Sir Deo Endrinal na huwag ikahon ang sarili sa tuwing may mga pagsubok na dumarating sa kanya at laging maging bukas at matapang.

Isa ring serye ang pinaghahandaan sa ngayon ni Julia Montes. Hindi pa siya makapagbigay ng detalye tungkol dito pero siniguro niya na espesyal ito at kaabang-abang.



Sa seryeng Maria Clara at Ibarra pa lang ay nakita na namin ang chemistry ng tambalang Barbie Forteza at David Licauco kaya 'di kataka-taka na muli itong sinugalan ng GMA-7 sa Pulang Araw. At ngayon nga, ang Pocket Media Productions Inc. naman ang tumaya sa BarDa love team sa pelikulang That Kind of Love


Isa kami sa mga naimbitahan para manood sa premiere night ng pelikula at masasabi namin na iba talaga ang chemistry at kilig na dala ng BarDa love team. Mahusay umarte at malinaw magbitaw ng mga dialogues niya si Barbie at napakahusay magpakilig kahit sa tingin niya lang si David. 


Napuno ng tilian ang buong sinehan sa mga nakakakilig na eksena ng dalawa. Tulad nina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo na walang relasyon pero mainit na tinanggap ng publiko ang tambalan, ganito rin ang nakikita namin na puwedeng mangyari sa BarDa tandem, na kahit may kani-kanyang karelasyon ay mainit pa ring tinanggap ng publiko.


Sa kabila nito ay hindi naman nawawalan ng pag-asa ang mga BarDa fans at para sa kanila ay mahaba pa ang tatakbuhin ng mga pangyayari lalo’t bata pa naman ang dalawa at marami pang puwedeng mangyari. 


Nakikita naman kasi ng dalawa na girlfriend-boyfriend material ang isa’t isa. Para kay Barbie, ang pagiging malalim, mapagmahal, magandang upbringing at ang pagpapahalaga nito sa kanya ang nakikita niyang magagandang katangian ni David. 


Para naman kay David, ang pagiging masipag at alam kung ano ang gusto nitong makuha at gawin sa buhay ang mga katangian ni Barbie para masabi niyang girlfriend material ito.


Nagsimula nang mapanood kahapon, July 10, sa mga sinehan ang That Kind of Love sa ilalim ng direksiyon ni Direk Catherine "CC" Camarillo.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page