top of page
SHOWBIZ SPECIAL - ROMNICK- 54-ANYOS NA AKO, NAGBI-VIDEO GAMES PA RIN, WALA PA AKONG NASAKT
Search

ni Jeff Tumbado @News | August 6, 2026



Tass-presyo, bumagal sa 6.2%

Photo: File



Bumagal sa 6.2 porsiyento ang inflation rate o pagtaas ng presyo sa mga pangunahing bilihin sa bansa noong Hulyo mula sa 6.4 porsiyento nitong Hunyo, dulot ng pagbagal sa pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo na nagpababa rin sa gastos sa transportasyon, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Miyerkules.


Mas mababa ang naitalang inflation noong Hulyo kumpara sa 6.4 porsiyentong inaasahan ng mga ekonomista at pasok din ito sa 5.6 hanggang 6.6 porsiyentong forecast ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).


Ito na ang ikatlong sunod na buwan ng pagbagal ng inflation matapos itong umabot sa pinakamataas na antas noong Abril kasunod ng tensyon sa Gitnang Silangan.


Gayunman, umabot pa rin sa 5 porsiyento ang average inflation sa unang pitong buwan ng 2026, na mas mataas sa 3 porsiyentong target ng BSP.


Ayon sa PSA, pangunahing dahilan ng pagbagal ng inflation ang paghina ng pagtaas ng gastos sa transportasyon, na bumaba sa 11.9 porsiyento noong Hulyo mula sa 12.8 porsiyento noong Hunyo.


Malaki ang naging epekto rito ng mas mabagal na pagtaas ng presyo ng gasolina, na bumaba ang inflation rate sa 34.1 porsiyento mula sa 39.2 porsiyento noong nakaraang buwan.


Nakatulong din sa pagbagal ng inflation ang mas mababang pagtaas ng gastos sa edukasyon.


Bumaba sa 1.9 porsiyento ang inflation sa education services mula sa 4 porsiyento noong Hunyo.


Kabilang dito ang tertiary education na bumagal sa 1.8 porsiyento mula 3.8 porsiyento, primary education sa 1.8 porsiyento mula 4.6 porsiyento, at secondary education sa 1.6 porsiyento mula 3.6 porsiyento.


 
 

by BRT @News | April 30, 2026



Forex / Inflation

Photo: File


Muling sumadsad sa bagong historic low na P61.567 ang halaga ng piso kontra dolyar kahapon, Abril 29.


Nahigitan nito ang record low na P61.300 na naitala kamakalawa.

Ayon sa mga ekonomista, ang patuloy na paghina ng piso ay maaaring dulot ng kombinasyon ng global economic pressures, lakas ng US Dollar, at mga salik sa lokal na ekonomiya.


Ilan sa nakikitang epekto ng pagsadsad ng piso ang posibleng pagtaas ng presyo ng imported na produkto gaya ng langis at pagkain at dagdag-gastos sa mga negosyo na umaasa sa imported goods.


Habang may benepisyo naman sa mga OFW families dahil mas mataas ang palitan ng dolyar.


Patuloy na binabantayan ng mga eksperto ang galaw ng palitan sa mga susunod na araw dahil maaari itong makaapekto sa inflation at kabuuang ekonomiya ng bansa.


 
 

ni Mylene Alfonso @News | October 6, 2023




Kumpiyansa ang mga mambabatas na huhupa na ang mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa mga darating na buwan.


Ayon kay House Ways and Means Chair Joey Sarte Salceda, ang naitalang 6.1% inflation rate sa buwan ng Setyembre ay epekto ng mataas na presyo ng produktong petrolyo at bigas.


Ani Salceda, inaasahang huhupa na ang inflation rate ngayong Oktubre dahil sa pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang pamilihan at pagsunod sa rice price ceiling na ipinatupad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.


Sinabi rin ni Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio 'Dong' Gonzales, Jr. na inaasahan ang pagbaba ng inflation rate sa nalalabing bahagi ng taon.


Ipinaliwanag ni Gonzales na bagama't nagawang kontrolin ng gobyerno ang presyo ng bigas, masyadong maliit ang magagawa nito sa presyo ng produktong petrolyo na inaangkat mula sa ibang bansa.


Aniya, mayroong mga ginagawang paraan ang gobyerno upang mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng bilihin sa mga mahihirap at sektor ng transportasyon.


Naniniwala naman si House Committee on Agriculture and Food chairperson Mak Enverga na naabot na ang pinakamataas na inflation rate noong Setyembre at inaasahan na ang pagbaba nito.


Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang inflation rate noong Setyembre ay 6.1% mas mataas kumpara sa 5.3% na naitala noong Agosto. Ang year-to-date inflation ng bansa ay nasa 6.6% na.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page