top of page
Search

ni VA @Sports | June 19, 2023




Nagtala ng podium finish si Aleah Finnegan nang magwagi ito ng bronze medal sa vault event makaraang umiskor ng 13.483 puntos sa 10th Artistic Gymnastics Senior Asian Championship noong Sabado sa OCBC Arena sa Singapore.


Ang nasabing panalo ni Finnegan ang siya ring kauna-unahang pagkakataon na nagwagi ng medalya ang isang Filipina sa Asian meet. Nanalo ng gold sa event ang reigning Asian champion at Tokyo Olympic Games bronze medalist na si Yeo Seojeong ng South Korea na nagposte ng 14.317 puntos. Kahapon, habang isinasara ang pahinang ito ay nakatakdang sumalang si Yulo sa finals ng vault at parallel bars gayundin sina Emma Malabuyo at Finnegan sa women’s floor exercise finals.


Nanatiling naghahari sa Asya sa paboritong event na floor exercise si Carlos Yulo nang maka-gold sa penultimate day. Nagtala si Yulo ng iskor na 15.300 puntos upang mangibabaw sa walo-kataong finalists ng event.

Napantayan ni Yulo ang iskor na nakuha nya nang magwagi sya ng gold medal sa 39th FIG Artistic Gymnastics World Championships sa Stuttgart, Germany noong 2019 habang nalagpasan niya ang 14.933 puntos na naitala niya sa parehas ding event sa nakaraang Asian Championship sa Doha, Qatar noong isang taon.

Hindi naman pinalad na magtala ng podium finish ang teammate ni Yulo na si John Ivan Cruz, gold medalist sa nasabing event noong nakaraang 32nd Cambodia Southeast Asian Games nang tumapos itong pinakahuli sa walong finalists makaraang makatipon ng iskor na 11.433 puntos.

Nagwagi ng gold sa nasabing apparatus si Lang Xingyu ng China na nagtala ng iskor na 15.200 puntos sa penultimate day ng kompetisyong nagsilbing qualifying event para sa world championships na gaganapin sa Setyembre 30 hanggang Oktubre 8 sa Antwerp, Belgium.



 
 

ni VA - @Sports | May 14, 2022



Naiuwi ni Caloy Yulo ang gold medal sa men’s all-around event ng gymnastics sa Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam kagabi.


Nasungkit ni Yulo ang gold medal matapos umiskor ng 85.150 overall, ginapi ang apat na Vietnamese bets para sa top slot.


Tumapos ang Pilipinas ng silver overall sa all-around team competition, kung saan gold medal ang Vietnam. Sumagupa si Yulo sa Quan Ngura Sports Palace laban sa 12 pang gymnasts mula sa 5 bansa, dalawa mula Malaysia, isa mula Indonesia at Thailand, 2 mula Singapore at 4 mula host Vietnam.


Susunod na babanat si Yulo, 22 sa pommel horse, rings, at floor exercise competitions ngayong Sabado, bago lalarga sa high bar, parallel bar at vault competitions sa Linggo.


Sa 2019 SEA Games sa Manila, umiskor si Yulo ng 84.900 para kunin ang all-around gold much na ikinatuwa ng crowd sa Rizal Memorial Coliseum. Nakuha nina Vietnam's Dinh Phuong Thanh (82.350) at Le Thahn Tung (81.700) ang silver at bronze ayon sa pagkakasunod.


Naniniwala si Cynthia Carrion-Norton, president ng Gymnastics Association of the Philippines, na makakakuha pa si Yulo ng 4 pang gold medals. “Everybody’s afraid and watching Caloy in training here,” aniya.


Buong pagpapakumbaba namang nasabi ni Yulo na, “I’ll just focus on my strength and what I can do in the competition.”

 
 

ni Thea Janica Teh | December 13, 2020



Nasungkit ng Filipino gymnast na si Carlos Yulo ang dalawang bronze medal sa All- Japan Gymnastics Championships ngayong Linggo at sigurado nang makakasali sa Tokyo Olympics sa susunod na taon.


Naiuwi ng 20-anyos na gymnast ang parehong medalya sa floor exercises at vault na may score na 15.200 (floor exercise) at 14.866 (vault) na ginanap sa Takasaki Arena.


Kaya naman pasok bilang top 8 sa overall men’s all-around si Yulo na may total score na 170.032.


Sa world champion ng floor exercise noong 2019, isa si Yulo sa apat na Pinoy na sigurado nang pasok sa Tokyo Games kabilang ang mga boxer na sina Irish Magno at Eumir Marcial at pole vaulter na si EJ Obiena.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page