top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports | March 13, 2024





Umabot na sa tatlong Filipino na boksingero ang susubukang sumuntok ng medalya sa 2024 Paris Olympics matapos makakuha ng silya sa magkahiwalay na kategorya sina Tokyo Games silver medalist Nesthy Petecio, habang tatapak naman sa unang sabak sa Olympiad si international tourney veteran Aira Villegas upang magkwalipika sa prestihiyosong patimpalak ng First Olympic Qualifying Boxing Tournament 2024, Martes ng umaga (oras sa Pinas) sa E-Work Arena sa Busto Arsizio, Italy.


Nakamit nina Petecio at Villegas ang kani-kanilang silya patungong Paris Olympics sa paboritong women’s-57kgs division at women’s -50kgs light-flyweight bout, ayon sa pagkakasunod upang samahan si Olympic bronze medalists at undefeated professional boxer Eumir Felix Marcial na nakakakuha ng pwesto sa Paris Games kasunod ng silver medal finish sa Hangzhou Games sa mas mabigat na men’s under-80kgs division.


Nagawang higitan ni Petecio si 2016 European Championships bronze medalist at Tokyo Olympian Esra Yildiz ng Turkey sa pamamagitan ng 4-1 decision. Mula sa pag-angat ng kamay ni referee Bachir Abbar, apat na hurado ang nagbigay ng pare-parehong 29-28, habang ang isa ay ipinagkaloob ang 29-28 sa Turkish boxer upang makatapat si Julia Szeremeta ng Poland sa Finals ngayong Miyerkules. Bago ang pagpasok sa Finals at daan tungo sa panibagong pagkakataon sa Summer Olympic Games, naging impresibo muna sa kanyang mga nagdaang laban ang 31-anyos mula Santa Cruz, Davao del Sur matapos tapusin ng maaga ang laban kay Andjela Brankovic ng Serbia sa first round sa bisa ng Referee Stop Contest sa Round-of-64.  


Hindi naman pinalad na makausad sa Paris Games sina 2016 Rio Olympian Rogen Ladon sa men’s 51kgs, Tokyo Olympics silver medal winner Carlo Paalam sa men’s 57kgs bantamweight, Riza Pasuit (W60kgs), Ashley Fajardo (M63.5), Ronald Chavez Jr. (M71kgs), Hergie Bacyadan (W75), Claudine Veloso (W54), at John Marvin (M92kgs).


 
 

ni VA / Gerard Arce @Sports | March 12, 2024





Umusad ang Filipina fencer na si Samantha Catantan bilang kinatawan ng Penn State University sa championship stage ng US NCAA Fencing meet matapos humanay sa Top 7 pagkaraang pumuwestong second overall sa Mid-Atlantic/South Regionals noong Sabay, Marso 9 sa Drew University sa New Jersey.Nagtala si Catantan ng 7-4, win-loss record sa third round upang pumangalawa kay Charlotte Koenig ng Duke University (8-3).


 Nagtabla sa kartadang 7-4 si Catantan at ang mga fencers ng University of Pennsylvania na sina Katina Ortiz Proestakis at Sabrina Cho, ngunit umangat ang Pinay sa second spot dahil sa mas mataas nitong index.


Kasalukuyang  nasa ika-4 na taon bilang accounting student-athlete sa PSU at kauna-unahang "homegrown" fencer na nakakuha ng full athletic scholarship sa US NCAA Division 1 school, sasabak si Catantan sa kanyang ika-4 na sunod na US NCAA Division 1 Championship sa Marso 21 - 24 sa French Field House sa Columbus, Ohio.Sinikap ng 22-anyos na miyembro ng Philippine Fencing Team na makabalik matapos pumailalim sa left knee surgery noong Hunyo, makaraang magtamo ng punit sa kanyang anterior cruciate ligament (ACL) sa semifinal round ng Southeast Asian Games sa Cambodia.              

    

Samantala,  magsisilbing bagong head coach ng “Kayod Pilipinas” Squash national team si dating World No.5 squash player Wee Wern Low upang hasain pa ang kahusayan nina top-national squash players Jemyca Aribado at Reymark Begornia para sa mga darating na pandaigdigang kompetisyon kabilang ang 2028 Los Angeles Olympics.


Ipinagmamalaki ni Philippine Squash Academy Inc President Robert Bachmann ang pagkakakuha sa serbisyo ng top-Malaysian squash player upang tugunan ang mga pangangailangan at kakulangan ng koponan sa kanilang larangan na agad na nagpalabas ng pagbabago sa kabuuang programa at mga atleta nito.


 
 

ni Gerard Arce @Sports | March 12, 2024





Mga laro ngayong Martes (Philsports Arena)


4 n.h. – Creamline vs Strong Group


6 n.g. – Galeries vs NXLed 



Papatibay sa pagkakahawak sa liderato ang defending champions na Creamline Cool Smashers sa pakikipagharap nito sa isa sa mga kulelat na koponan na Strong Group Athletics sa pambungad na laro, habang agawan naman sa unang panalo ang Galeries Tower Highrisers at NXLed Chameleons para sa double-header na mga laro ngayong araw sa 2024 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.


Nagiging epektibo ang isinasagawang balasahan ng coaching staff ng Creamline upang mabigyan ng pagkakataon ang iba na makita ang ibang anggulo ng laro at playing time na pare-parehong nakalagay sa iisang sistema ni head coach Sherwin Meneses.


Binigyang pagkakataon ng Creamline na palaruin ang lahat ng manlalaro nito sa nagdaang huling panalo kontra Galeries Tower Highrisers para sa madaling 25-22, 25-17, 25-15 straight set nitong Huwebes, kung saan lahat ay nakalaro at nakapuntos.


Ngayon naman, sabi namin mag-perform ng maganda. I-ready 'yung sarili nila kung sino 'yung nasa loob. So, masaya kami kasi lahat naman nag perform talaga ng maganda,” paliwanag ni Meneses, na kakaharapin ang baguhang koponan na Strong Group sa unang laro ng 4 p.m., habang nakasunod na magbakbakan para sa unang panalo ang Galeries at NXLed Chameleons sa main game ng 6 p.m. 


We’re very happy sa performance and we’re very proud of everyone. But yun, sinasabi din samin nila coach na we can’t be too complacent. Kailangan may respect and andoon pa rin yung aggressiveness naming. Marami pa rin kaming lapses,” wika ni Alyssa Valdez na umambag ng 8 puntos mula lahat sa atake, upang pumangatlo sa matataas na manlalarong lumikha ng puntos sa pangunguna ni Michele Gumabao sa 10pts at Diana Mae “Tots” Carlos sa siyam, mula rin lahat sa atake. 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page