top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 27, 2022


Kailangan pa bang bantayan ang mga Pinoy para gawin natin ang ating mga tungkulin at tuparin ang mga pananagutan? O, sa madaling salita ay mapagkakatiwalaan ba tayo sa tama at tapat na paggamit ng anumang puwesto o pondo, ng kapangyarihan at kaperahan? Na ang anumang ipagkaloob sa atin, lalo na ng taumbayan bilang nahalal na opisyal mula sa pinakamataas hanggang sa pinakamababa ay gagamitin para sa “kabutihang panlahat"?


Noong Martes, ika-23 ng Agosto, 2022), ibinasura ng Korte Suprema ng Malaysia ang apela ng mga abogado ng dating Prime Minister nito na si Najib Razak. Nais ng mga abogado ni Razak na mapawalambisa ang sentensyang kulong ng 21-taon para sa pandarambong ng 43 milyong ringit o humigit kumulang $10.1 milyon. Inilipat ni Razak ang nabanggit na salapi sa kanyang “personal bank account” mula sa mga pondo ng pamahalaang kilala bilang SRC International na bahagi ng State Fund 1MDB.


Ito ang sinabi ng Chief Justice ng Malaysia na si Chief Justice Mainum Tuan: “It would have been a travesty of Justice if the highest order of any reasonable tribunal, faced with such evidence starring it in the face, were to find that the appellant is not guilty of the seven charges preferred against him.”


Mabuti na lang na tunay na mataas ang pinakamataas, ang Korteng Suprema ng Malaysia. Hindi natatakot ang mga hurado, hindi nahuhumaling sa kapangyarihan at nasisilaw sa pera.


Ibang-iba na sa atin mula nang in-impeach si Chief Justice Meilou Sereno. Hindi na suprema. Hindi na pinakamataas ang ating Korte Suprema, tila utusan na lang ito ng sinumang nasa puwesto—noon, hindi utusan ng Panginoon ang mga Korte. Naging utusan ang Korte Suprema ng dating Pangulo. At ngayon sa bagong Pangulo, malalaman natin kung magbabago pa, babalik pa ang dating katinuan at dangal ng pinakamataas na Korte ng bansa?


Noong panahon ni ex-P-Noy nakulong ang mga sumusunod na mandaramdong, Gloria Macapagal-Arroyo; Jinggoy Estrada at Bong Revilla. Nasaan na ang mga nabanggit na mandarambong? Eh, hindi nasa kani-kanyang protektadong posisyon at ngayon ay mga magkakampi na. At Pangulo na ang anak ng diktador, na nagnakaw ng bilyones.


Hindi kathang-isip lang ang pandarambong ni Ferdinand E. Marcos at ng kanyang at mga tumulong na makabalik ang wala pang pag-amin, pagsisi at pagbabagong-buhay. Noong 1985, ayon kay Ambassador Stephen Bosworth sa kanyang ulat sa House Committee on Foreign Affairs, “hindi bababa ang utang ng amang diktador sa $10 milyon.


Dinagdag naman Dr. Bernardo Villegas ng Center for Research and Communication, ang pinakamalaki na inutang ng mga Marcos ay hindi bababa sa $13, 145 bilyon at maaari pang umabot ito sa halagang $30 bilyon.


Meron tayong Saligang-Batas, na dapat sumasaklaw sa lahat. Ngunit malinaw na sa mga nagdaang panahon kung sino ang pinoprotektahan o pinapaboran ng batas. Hindi talaga naparurusahan ang mga lumalabag ng batas at gumagawa na mali. Pabala't bunga lang ang mga hatol at parusang inilalabas ng mga korte. Alam na ng mga nakapuwesto kung paanong gagamitin ang batas upang protektahan ang kanilang malayang pang-aabuso at pagsasamantala. Huwag magugulat kung nahahatulan at nakukulong ng matagal ang mga inosente bilang fallguy o pamalit ulo para sa mga pang-aabuso at paglabag sa batas ng mga nakapuwesto. Kamakailan lang nang tawagan ako ng isa sa mga asawa ng naturang Abadilla 5, fallguys na inosenteng-inosente sa kasong inihaing laban sa kanila. Malinaw na inosente sila at hindi nila pinatay si Rolando Abadilla, ang kilalang “berdugo ng Martial Law.”


At ibaling natin ang ating mga isipan kay Sen. Leila de Lima. Hindi ba’t malinaw din na inosente siya at dapat nang lumaya. Hindi ba tayo nababagabag na nakakulong ang inosente, ngunit naglipana ang mga tunay na kriminal? Kakaunting opisyal na Pilipino ang makukulong. Ngunit, napakaraming binabantaan, hinuhuli, ikinukulong, tinotortyur at pinapatay na maliliit, ordinaryo na inosente, lalo na kung naninindigan sa katotohanan at katarungan.


Kaarawan ngayon ni Sen. Leila de Lima. Malinaw kung bakit nakakulong siya. Marangal at may prinsipyo at walang takot ang mga dati na at kasalukuyang mga aktibista.

 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 21, 2022


Ika-21 ng Agosto, 1983, bumalik ng Pilipinas, sakay ng eroplano ng China Airlines ang mamamayang galing sa Estados Unidos upang magpa-opera sa puso. Ilang taon din siyang nanatili sa Estados Unidos hindi lang upang magpagaling kundi upang pansamantalang ilayo ang sarili sa panganib at kapahamakan na nakaamba sa kanya mula nang simulan niyang hamunin ang pangulong naging diktador. Ngunit matindi ang panawagan ng kanyang mamamayan sampu ng Inang Bayan at ng kanyang konsensya. Kailangang bumalik upang ipaglaban ang kalayaan ng iyong mga kababayan at ng Inang Bayan. Malinaw ang panganib dahil sa sari-saring bantang kumakalat na huwag siyang babalik sa kanyang bansa kung nais pa niyang mabuhay. Ngunit, merong higit pa kaysa sariling buhay. Higit na mahalaga sa kanya ang katotohanan at ang malayang pamamahayag nito.


At minsang sinabi niya noong siya’y nakakulong sa Nueva Ecija, “I believe the cause delaying our liberation may be found in ourselves; in our reluctance to assert our rights and frontally confront the forces of evil. We are afraid to die and our fear has immobilized us. We have forged our own chains with our cowardice!”


Kamag-anak ng takot ang katamaran at malapit din na kamag-anak ng katamaran ang hindi pag-iisip o hindi pagsusuri ng mga pangyayari sa lipunan, sa mundo at sa kapaligiran. Takot, katamaran, mababaw o hindi kritikal na pag-iisip o pag-iisip na walang pagsusuri. Itong tatlong sakit ang unti-unting lumaganap at sadyang pinalaganap pa ng mga nagdaang administrasyon. Dahil malinaw ang epekto sa taumbayan at sa lipunan ng takot ito ay palaging ginagamit ng mga nasa kapangyarihan. Gamit na gamit ito noong panahon ng Martial Law. Nagkaroon ng curfew; regular na hulihan ng mga aktibista; alam ng lahat kung ano ang ibig sabihin ng salvaging at hamletting; nasanay ang mga sundalo at pulis na gumamit ng tortyur sa mga nasa piitan; kontrolado at mahigpit na binabantayan ang media; nagkalat ang mga sundalong may dalang baril at mga pulis na may baril at batuta. Ito ang Martial Law ni Ferdinand Marcos, Sr.. Ito ang paghahari ng takot (Reign of Terror).


At pagkaraan ng 18-taon, umuwi ang magiting na mamamayan dahil niyang magsalita at labanan ang pananakot at panunupil ng kalayaaan ng pangulong siyang dahilan ng kanyang pag-alis. Umuwi noong ika 21 ng Agosto 1983 si Ninoy Aquino. At ito ay pinatay sa pagbaba na pagbaba pa lang nito ng eroplano. At ang hindi niya nagawa ng buhay ay natupad at pinalaganap pa na parang matindi at laganap na sunog. Nag-apoy ang mga isip, diwa, puso at kaluluwa ng mga natatakot at marahil natutulog na rin ang mamamayan. Sa sumunod na talong taon hanggang ika-22-25 ng Pebrero 1986, bumangon at nanindigan ang mamamayan Pilipino. Naganap ang pinaka-unang EDSA, ang pinaka-unang People Power Revolution sa ating bansa. Pinalayas ang diktador at ang kanyang pamilya at tinulungan itong lumikas patungong Estados Unidos ng kanilang kaibigang presidenteng Ronald Regan.


Mula noon hanggang ngayon, nakita ko kung paano napalitan ang takot ng katamaran at pagiisip na mababaw at walang pagsuri. Hindi na napansin kung paanong bumalik at muling naging makapangyarihan ang dating pinatalsik. Naging lubhang pabaya at kampante ang marami at ng dating mahigpit ang pagbabantay at pakikibaka. Lumiit ang puwersa ng mga nagsasalita at nagbabantay at marami na ding tumikim ng luho at kapangyarihan na nagbago na din ang pag-iisip, pananaw at pamumuhay. Ngayong linggo ay ika-39 anibersaryo ng pagpatay kay Ninoy Aquino, dapat nating muling tingnan, pagnilayan, pagdasalan at pasalamatan ang kabayanihan ng pag-alay ni Ninoy Aquino ng kanyang sariling buhay. Buhay na buhay pa po ito sa kamayan ng marami. Buhay na buhay po si Ninoy… buhay na buhay pa din ang EDSA at hinding-hindi mamamatay ang pag-asa.

 
 
  • BULGAR
  • Aug 20, 2022

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 20, 2022


Napakatamis ng asukal noong araw. Napakatamis nito, lalung-lalo na sa malalaking pag-aari ng mga naturang haciendero sa Negros, Batangas, Laguna at iba pa. Ngunit, hindi ganun katamis ang asukal sa mga magsasaka nito. Napakalaki ng kinikita ng mga hacendero dahil sa kapangyarihang kontrolin ang presyo ng asukal at ng mismong sahod ng mga magsasaka ng asukal. Kilalang-kilala ang kondisyon ng mga sakada sa Negros. Naaalala ko pa ang mga kuwento ni Padre Juni Jesena Sj. Nagpanggap si Fr. Juni bilang sacada sa isang hacienda sa Negros Occidental. Malaking tao si Juni at hindi mahirap mamasukan bilang sacada sa taniman ng tubo. Mula umaga hanggang hapon, walang tigil na nagpuputol at nagbubuhat ng tubo si Fr. Juni at kinakarga ito sa mga trailer na hinahatak ng mga traktora sa mga bagon na hahatakan ng tren tungo sa mga gilingan ng tubo para lutuin at prosesuhin ang katas nito para gawing asukal.


Napakabigat ng trabaho ng sacada. Ngunit, napakaliit ng pang-araw-araw na sahod nito. Dahil dito utang nang utang ang mga sacada sa mga tindahan ng hacienda. Baon na sa utang ang mga ito na halos imposible nang makapagbayad. Walang kaso ito sa mga haciendero. Dahil sa utang ng kanilang magsasaka, walang magagawa ang mga ito kundi ang magtrabaho nang magtrabaho upang bayaran ang mga utang na hindi matapus-tapos.


Noong panahon ng mga Kastila, malaking bahagi ng Negros (malamang ay nasa 70%) ay tinamnan ng tubo. Bunga ito ng kasunduang Laurel-Langley Act na pinaboran ng Estados Unidos ang asukal na galing sa Pilipinas, kaya ang dating mga lupang tinatamnan ng palay at iba pang produktong agrikultural ay eksklusibong tinamnan ng asukal. Kaya’t lalong naghirap ang mga magsasaka dahil nawalan na sila ng kapasidad na magtanim para sa kanilang pangangailangan.


Kaya mula noon hanggang ngayon, meron pa ring malalaking hacienda ng asukal na naglalabas ng asukal na galing sa Pilipinas. Nandoon pa rin ang pag-asa sa merkado sa labas ng Pilipinas na bibili at susuportahan ang industriya ng asukal. At napakalakas pa rin ng mga may-ari ng malalaking hacienda na sa kabila ng Reporma sa Lupa noong 1988 ay hindi totoong natutupad ang nasasaad sa batas na hanggang 7 ektarya lang bawat pamilya ang maaaring hawakan ng lahat samantalang hahatiin ang malalaking lupain upang ibigay sa maliliit na magsasaka.


Bakit kaya nagkakaroon ng kakulangan ng asukal? Malinaw na mahina na at kulang na kulang na ang produksyon para sa lokal na pangangailangan. At kung titingnan natin kung bakit mahina na ang produksyon, hindi mahirap makita kung paano naging bunga ito ng mga sumusunod. Una, ang patuloy na pagtutol ng mga may-ari ng malalaking lupain sa reporma sa lupa na isa sa pangunahing dahilan kung bakit hindi umuusad ang agrikultura sa ating bansa. Hangga't wala at kulang ang lupang sasakahin; at hindi pag-aari ng mga nagsasaka ang lupang kanilang sinasaka at kung mahina o walang suporta ang pamahalaan sa mga magsasakang nagtatananim at sinisikap pabungahin ang lupa, hindi uunlad at magtatagumpay ang mga sakahan sa ating bansa. Pangalawa, ang paglaganap na ng mga bagong “haciendero” na hindi nagtatanim ng palay o tubo, ngunit namimili ng lupa bilang kayamanan (land banking) na kapag hinog na ang pagkakataon ay gagawing malaking “industrial estate” o subdivision mula first class hanggang second class at low cost.


Hindi lang nababawasan ang tamis ng asukal, kundi tuluyan nang nawawala ang mismong produksyon ng asukal (mula sa tubo). At kapag maingat na susuriin ang kalagayan ng mga sakahan at nagsasaka nito, mauunawaan mo kung bakit matabang o wala nang lasa ang asukal.


At isa pang dahilan kung bakit nawawalan ng lasa ang asukal kapag pinatatabang ito ng maling pulitika. Ano ba talaga ang nangyari?


“Kung kailangang mag-import dahil talagang kulang ang supply ng asukal, mag-i-import tayo!” 'Yan ang huling pahayag ng Malacañang. Sana, sabihin din nila kung mali ang patakaran at palakad ng pamahalaan sa pagpapatupad o hindi pagpapatupad ng batas. Sana sabihin din ng pamahalaan na kailangang ayusin at ituwid ang mali at sa halip na ang maling pamamalakad ang pairalin, ang tama, ang pabor sa maliit na magsasaka at pabor sa pagbibigay-proteksyon sa lupang-sakahan sa mga sakim na kamay na nais kamkaman ang lahat ng ito.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page