top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 10, 2022


Tuwing sumasapit ang Setyembre, nabubuhay ang maraming masasakit ngunit mahahalagang alaala. Matatandaang, Setyembre naganap ang Martial Law, 9-11 o pagbomba sa Twin Towers.


Kasabay ng malulungkot at masasakit na alaala ay ang mga maluwalhati at banal na pista ng mga santo. Tuwing ika-8 ng Setyembre ay ang kaarawan ng Mahal na Birheng Maria. Tuwing ika-14 ng Setyembre ay ang Pista ng Banal na Krus. Ang kasunod na araw nito, ika-15 ng Setyembre ay ang pista ng Birhen ng Dalamhati. Magkasunod ang dalawang pista para ipakita ang matalik na kaugnayan ng paghihirap ni HesuKristo (sa Krus) at ang pagdadalamhati ng kanyang ina. At tuwing ika-29 ng Setyembre naman ay ang anibersaryo ng pagkamartir ni San Lorenzo Ruiz na pinatay sa Japan.


Kakaiba talaga kung buhay ka noong naganap ang pangyayari, masaya o malungkot man ito.


Ako ay nasa unang taon sa kolehiyo noong ideklara ni Marcos ang Batas Militar o Martial Law noong ika-21 ng Setyembre 1972. Naalala ko pa ang tinig ni Francisco “Kit” Tatad habang ibinababa ang Proclamation 1081 na naglalagay sa buong bansa sa ilalim ng batas military. Tila umaga noon at kumakain pa kami ng agahan sa seminaryo. Biglang nawalan ng klase ng halos isang buwan at mabilis nagbago ang maraming bagay mula noong araw na iyon. Noon namang naganap ang 9-11 ay tumatakbo tayo sa iba’t ibang bahagi ng Australia para hingin ang pagpapatawad sa utang ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa. Kung hindi tayo nagkakamali ay meron noong utang na humigit kumulang $75 milyon (Australian Dollar). Hindi man ganun kalaki ang utang, magandang simula na rin iyon kung makikinig ang gobyernong Australyano. Subalit bago pa totoong mapansin ang kampanyang “RUN to Drop the Debt” nangyari ang pagbomba sa Twin Towers ng World Trade Center sa New York gamit ang dalawang eroplano. Anuman ang nangyayari sa iba’t ibang bahagi ng mundo ay tila nawalan ng bigat at saysay nang lumabas nang paulit-ulit ang imahe ng dalawang magkasunod na eroplanong pumasok sa bandang itaas ng Twin Towers ng World Trade Center sa New York.


Hindi lang ang mga Amerikano ang nagitla at inunahan ng naghalu-halong matinding lungkot, takot at galit. Napag-isa ng pangyayari ng naturang 9-11 ang buong mundo na nakita at naramdaman ang tindi at katotohanan ng terorismo.


Ngayong Setyembre, ano ang namamayaning kaisipan at damdamin sa mamamayan? Pagsuko ba at kawalan ng lakas at pag-asa na ipagpatuloy ang sinimulang mabuting laban? Madalas natin makausap ang mga nadismaya sa resulta ng eleksyon noong Mayo. Masyadong masakit at mabigat ang tama sa kanila ng pagkapanalo ng idineklara ng COMELEC na panalo. Hanggang ngayon, hirap silang gumawa at kumilos, tulad ng dati na buong sigla at pag-asa. Tila gumuho ang malaking bahagi ng kanilang buhay. Sabi nga ng isang kausap ko, “Kay hirap mo palang mahalin Inang Pilipinas. Pagkatapos kong gawin at isakripisyo ang lahat para sa iyo, ganito ba ang igaganti mo sa akin?"


Bagama't maraming dismayado at bagsak ang moral, marami rin namang hindi nawawalan ng pag-asa at patuloy pa rin kumikilos at naglilingkod sa Inang Bayan. Kaya’t nagsimula na ang maraming pag-uusapan at ang makabuluhang talakayan tungkol sa mga maaaring gawin sa paggunita ng Batas Militar sa ika-21 ng Setyembre. Kailangang mag-usap nang masinsinan at malaliman dahil napakatindi ng armas at pondo ng kalaban. Buong makinarya ng pamahalaan ang ginagamit nila upang pahinain at burahin ang kasaysayan. Hindi natin maaaring pabayaang magtagumpay ang merong mga tinatago at ginagamit ang kapangyarihan at pondo upang tuluyan nang hindi mapansin at makalimutan ang mga mahahalagang pangyayari sa kasaysayan.


Nakatataba naman ng puso na malamang maraming kikilos sa ika-21 ng Setyembre dahil kailangang ipaalala sa lahat ang totoong nangyari, na lubhang totoo ang Martial Law at napakaraming naging biktima nito.


Sa kabila ng mga dismayado at naubusan na ng pag-asa, naroroon pa rin ang mga hindi umaayaw at nawawalan ng pag-isa. Malaking bagay ang panalangin sa mga banal, sa Inang Birheng Maria; sa paggunita sa Mahal na Krus. Malaking bagay din ang pakikipag-usap at pakikilahok sa mga pagkilos, lalo na ang mga isinisigaw ang: never again, never forget.



 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 4, 2022


Tumataas na bilang ng krimen? “Crime hype lang 'yan,” sabi ni PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr. Ito ang sagot ng hepe ng kapulisan sa mga reklamo na dumarami ang bilang ng krimen sa ating bansa. “Bunga lang ito ng social media reporting o ang paggamit ng social media sa pag-uulat ng mga bagay-bagay sa ating paligid." Sa totoo lang, ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, bumaba ng walong porsyento ang bilang ng krimen sa buong bansa mula Enero hanggang Agosto ng taong ito kumpara sa katapat na buwan noong nakaraang taon (Enero-Agosto 2021). Ayon din kay Fajardo, dahil magaan na ang naturang “quarantine restrictions”, inaasahan namin ang pagdami ng mga karaniwang krimen, ngunit bumaba naman ang mga seryosong krimen, tulad ng “physical injury, murder, carnapping at homicide.”


At kasabay ng pagtutol ng kapulisan sa mga reklamo sa pagtaas ng kriminalidad ay ang kanilang banta na hindi nila papayagan ang sinuman na magkalat ng “fake news” tungkol sa usaping ito.


At syempre, karaniwang krimen o krimen ng mga karaniwang tao ang tinutukoy ng mga reklamo at ng pagtanggi ng kapulisan. Maganda rin tingnan ang malalaking kaso ng opisyales na sangkot sa pandarambong at malawakang karahasan at pagpatay, tulad ng nangyari sa ilalim ng war on drugs noong nakaraang administrasyon.


Sa mga nagdaang araw, napansin ng buong mundo ang mga kaganapan sa Malaysia. Magkasunod na kinumpirma ng Korte Suprema ng Malaysia ang hatol sa mag-asawang Najib Razak at ang kanyang asawang Rosmah Mansor ang Prime Minister ng Malaysia at asawa nito. Nakulong na ang dating Prime Minister ng Malaysia at susunod na ang kanyang asawa. Anong krimen ang kanilang ginawa? $10-B ang nawawala at natuklasan ang pagkakasangkot ng mag-asawa sa nawawalang salapi. Noong isang araw, merong nag-viral na post sa social media. Sinabi ng isang mamayan ng Malaysia, “Huwag nating pabayaan ang nangyari sa ating bansa, ang pagpaparusa sa pinakamataas na opisyal natin. Huwag nating pabayaang mangyari sa atin ang nangyari sa Pilipinas. Pinabayaan nilang makabalik ang pamilya ng pinatalsik na diktador upang hilutin at tuluyan nang ma-ituwid ang nasirang reputasyon ng abusadong Presidente at ang kanyang pamilya.”


At ang kapulisan natin ay tila lubos na nag-iingat na masabing nagpapabaya sila sa paglaganap ng kriminalidad. Subalit, maingat nilang inilalayo sa usapan ang krimen ng matataas na opisyal sa pamamagitan ng pagtangkilik sa usapan tungkol sa mga krimen ng karaniwang tao. Siguradong hindi lang ang kapulisan ang lubos na nag-iingat na mapansin ang mga kalabisan, abuso at lalo na ang mga krimen ng mga nasa matataas na puwesto. Naririyan ang mga korte mula sa piskalya hanggang sa mga Regional Trial Courts; Metropolitan Courts hanggang Korte Suprema at Court of Appeals. At kamakailan, lumabas ang usapan ng pagbili ng TV5 sa ABS-CBN.


Binanggit nati kahapon ang “problema” ng face mask. Salamat sa pagdeklara ni Mayor Michael Rama na hindi na obligatoryo o “optional” na ang pagsuot nito. Dahil sa araw-araw, minu-minutong pagsuot ng face mask naging biktima tayong lahat ng “face masked.” Kasabay ng pag-iingat na mahawa at makahawa sa pagsuot, tuluyan nang nawala ang ating mukha, humina ang ating paninindigan bilang taong may karapatan at dangal, humina at halos nawala ang ating mga tinig. Pawang naging busal din ito. Nasanay na ang marami na hindi gamitin ang sariling tinig. Tumigil nang magtanong, magreklamo o magmungkahi ang marami. Salamat sa pandemya, naging madali ang pagpapatahimik, pananakot at pagpapahina ng malayang paninindigan, pamamahayag at pagkilos para sa totoo, mabuti at makatarungan.


Totoo bang nabawasan ang krimen noong kasagsagan at ngayong paghina ng pamdemya? O, naging madaling pagtakpan ang mga krimen ng malalaki at ituon na lang sa maliliit ang kontrol, ang pagbabawal pati na rin ang panggigipit.

 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 3, 2022


Ang face mask, bow! Hanggang kailan pa ba natin kailangan isuot ang maskarang ito? Mula ika-15 ng Marso 2020 hanggang ngayon o 29-buwan na tayong nagsusuot ng face mask, na proteksyon laban sa COVID-19. Epektibo ba ito?


Bago natin ito sagutin, magandang pag-usapan ang konsepto na pinalaganap ng Pilisopong Frances na si Emmanuel Devinas. Ayon kay Levinas, mahalaga ang “mukha ng tao”. Mahalaga ang “rapport de face a face.” O, mahalaga ang pakikipag-ugnayang “mukha sa mukha.” Ang malalim na kahulugan nito ay ang pananagutang moral natin sa mga taong pinakikitunguhan natin ng mukha sa mukha. At dahil lahat ng tao ay may mukha, meron tayong pananagutang moral sa lahat ng tao. Ayon kay Levinas, inuutusan at tinadhana tayo ng mukha ng kapwa.


Ano ang nangyayari sa mukha, sa pananagutan sa kapwa sa panahon ng pandemya, sa panahon ng face mask? Napakaraming nangyari. Tingnan natin ang ilang nangyari.


Una, naging pare-pareho tayong walang mukha. Hindi na mahalaga kung sino o ano tayo. Kung dati nang walang mukha ang maliliit at dukha, tuluyang naging burado ang kanilang mukha. Pati ang mga may pangalan, kilala, makapangyarihan at mayaman ay nawalan ng mukha.


Nabawasan ang yabang at labis na pagmamataas ng mga sumisino at nangmamaliit. Ngunit, hindi rin maganda ang mga abusong lumaganap dahil sa face mask. Sa likod nito, nakapagtago ang mga mapagsamantala, magnanakaw at manloloko. Nagkaroon ng Senate Blue Ribbon hearings tungkol sa Pharmaly. Pansamantalang nakulong ang ilang sangkot. Ngunit pagkatapos na pagkatapos ng halalan, napakawalan na silang lahat.


Pangalawa, ang isa pang malaking abuso ay ang abuso ng mga ahensya ng pamahalaan na ipinatupad ang madugong war on drugs. Kaya’t maraming pulis at ang mga assets nito ay nagsuot ng face masks at nagtungo sa mga mahihirap na komunidad at doon hinasik ang lagim ng madugong tokhang. Medyo madaling makilala ang mga marahas na elemento ng tokhang bago magpandemya, noon hindi pa obligado ang lahat na magsuot ng face mask.


Pangatlo, dahil sa face mask, naging madali na at laganap na ugali ang magwalang bahala at balewalain ang lahat o tuluyan nang mawalan ng pakikialam at pagmamalasakit sa kapwa. Salamat sa face mask, wala akong mukha, walang mukha, wala silang mukha, walang mukha tayong lahat. Dahil sa face mask, lumayo tayo sa isa’t isa. Lumayo ang ating mga isip, puso at kaluluwa sa ating kapwa Pilipino at kapwa tao. Tulad ng maskara natulungan tayo ng face mask na magtago o pagtaguan ang isa’t isa… ang kapwa.


Pang-apat, dahil sa face mask o ang “buradong mukha” madali-dali na ring maniwala sa kasinungalingan at pumayag sa pagpapalaganap ng sari-saring pagbubura, pagpapalit, pagbabaluktot, pagpapaganda, paghihimas, paghihilot ng baluktot at malali para ang kabaliktaran nito, ang mabuti ang makita sa halip ng hindi mabuti o masamang katotohanan.


Kaya’t magandang dugtungan ng “ed” ang face mask — face masked, ang mukhang tinakpan.


Ang pananagutang itinago, ipinagkait, hinadlangan, pinigilan at pinalitan. Pare-pareho na tayong walang pananagutan sa isa’t isa. Pare-pareho na tayong walang mukha.


At mula noong Huwebes, ika-1 ng Setyembre 2022, naging “optional” na ang pagsuot ng face mask sa Cebu City sa ilalim ng Executive Order no. 5 na ipinatupad ni Mayor Michael Rama. Madaling magtanggal ng face mask. Ngunit alam kaya ng butihing Mayor ng Cebu ang mas malalim na maskara na hindi ganun kadaling tanggalin… ang face masked?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page