ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | December 05, 2021
“Kung hindi bababa at makikipag-usap tao sa tao upang ipaliwanag ang kahalagahan ng pagboto sa tamang kandidato, mabilis na makabubuo ng puwersa ang pinagsama-samang personalidad ng lumang pulitika at masasakisihan na naman ang pagpapatuloy ng malungkot na trahedya ng tuluy-tuloy na paglubog at pagkamatay ng demokrasya sa ating bansa…”
Nabas natin ang mga salitang ito mula sa kilalang abogado na nagtuturo sa kilalang paaralan sa Maynila. Sang-ayon tayo sa pananaw ng mabuting propesor dahil kitang-kita natin ang paglaganap ng suporta sa mga kandidatong kilalang-kilala ang hindi magandang nakaraan at ang naturang “track record”, ang mga nagawa o hindi nagawa noong ang mga ito ay nakaluklok pa sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan.
Ang problema sa mga “court records” at “track records” kailangang hanapin kung saan nakasulat at nakatago ang mga ito. At kapag nakita na, kailangan naman itong isa-isang basahin at unawain. At hindi ito basta mababasa nang hindi naiintindihan ang kabuuang konteksto ng kaso.
Ilan pa sa ating mamamayan ang handang magbasa, magsaliksik at tiyakin kung ano ang totoo at ang hindi? Ilan ba sa atin ang nahubog sa pananaw ng pagbabasa, pagmamasid, pagsusuri tungo sa makabuluhan at mapagpalayang pagkilos?
Noong Lunes, ika-30 ng Nobyembre 2021, Araw ni Andres Bonifacio, sinamahan natin ang dalawang grupo na magigiting na mamamayan na naglakad at ikinampanya sina Bise-Presidente Leni Robredo at Senador Kiko. Bagama’t maliit na grupo lang ang naghintay sa atin sa Parañaque nang maglakad kami ng dalawang kilometro lamang, punong-puno ng sigla at pananagutan ang mga naroroon. Nagtapos ang lakad sa isang zumba na mas marami nang dumalo. Bago magsimula ang zumba, nakapagbigay pa rin tayo ng maikling panayam tungkol sa maingat at mapagpalayang pagboto. Pagkatapos nating magbahagi, dali-dali tayong umalis at nagtungo sa Makati Avenue upang maglakad patungo namang Unibersidad ng Makati.
Mahigit isang libong tao ang dumalo sa pangalawang paglalakad. Napakahaba ng pila ng mga nakasuot ng pink. Nakatutuwa ring tingnan ang nakahihigit na bilang ng kabataan. Hindi tayo nanatili sa isang bahagi ng linya. Naglakad tayo sa harapan, gitna at hulihan ng linya at nakipagkuwentuhan sa mga dumalo.
Napag-usapan namin ang panahon ng Martial Law at kung paano nagdusa ang buong bayan mula sa pang-aabuso ng Pamilya Marcos. Nakausap din natin ang kabataan hingil sa kanilang pananaw mula sa usapang ito. Ngunit sa kabila ng kanilang hindi pagkikilala sa mga Marcos, nakatutuwang pakinggan ang kanilang pananaw na bunga ng kanilang matiyagang pag-aaral at pagsusuri sa kasalukuyang panahon. Nakatutuwang pakinggan ang kanilang matalinong pananaw at pagsusuri.
Napakagandang makita ang mahaba at maayos na linya ng mga lumalaban para sa tamang kandidato at pulitika. Salamat sa ating nakita, nakasama, napakinggan at nakausap noong umagang iyon ng Bonifacio Day. Nakita at naranasan natin ang buhay na kabayanihan sa mga taong nagsikap na maglakad at muling magsama-sama para sa tamang kandidato at tamang pulitika.
Subalit, kasabay ng sama-samang paglalakad ay sinikap nating hikayatin ang mga nakakasalumuha na bumaba at makipag-usap sa mga hindi pa lubos na naririnig at nauunawaan ang tama at totoong nangyari sa mga nakaraang panahon. Ito ang kailangan nating gawin kasabay ng pagbaba, pagbababad at paglalakad kasama ang kapwa mamamayan at ibahagi sa kanila ang tama, totoo at magpapalayang nangyari sa mga nakaraang panahon, lalo na mula Martial Law hanggang kasalukuyang panahon.