top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 1, 2022


Matagal nang nagsimula ang imbestigasyon sa mga kalabisan at paglabag sa mga karapatang-pantao ng nagdaang administrasyong Duterte. Ang naging mabilis na solusyon upang protektahan ng nakaraang administrasyon ang kanyang sarili ay ang pagbibitiw bilang kasapi ng International Criminal Court (ICC).


Sa tingin nila, napawalambisa na ang nasimulang imbestigasyon ng ICC sa mga posibleng malawakan at maramihang Crimes Against Humanity”. Kaya noon pa nila sinasabing hindi puwedeng makialam ang sinuman o anumang institusyong taga-labas sa pamamalakad ng sistema ng katarungan sa ating bansa dahil tumatakbo naman ito ng maayos at maganda.


At siyempre, ano pa ang aasahan nating sabihin ng bagong kalihim ng Department of Justice? Sinabi ng bagong kalihim ng DOJ na si Jesus Crispin Remulla noong Miyerkules na nakagugulo at hindi nakatutulong ang paggiit ng Chief Prosecutor ng ICC na si Karim Khan, na ituloy ang imbestigasyon ng mga Crimes Against Humanity na naganap noong nakaraang administrasyon. Walang maitutulong ang naturang imbestigasyon dahil taga-labas ang mga magsasagawa nito. Ang malinaw na hindi sinasabi ng opisyal ng pamahalaan ay marami ring nagsasalita na sinundan at inimbestigahan ang EJK mula simula hanggang dulo. Maraming taga-loob na alam na alam ang mga nangyaring paglabag sa karapatang-pantao sampu ng mahabang serye ng pagpatay ng mga walang laban na binansagang nanlaban na mga sangkot sa ilegal na droga.


Hindi naging madali ang pagsasaliksik at pag-iimbestiga sa mga madugong EJK at paglabag sa karapatang-pantao. Paano magsasaliksik kung nagkakampihan ang malalaking institusyon, tulad ng kapulisan; sandatahang-pambansa; ang mga korte ng batas at medya? Ano'ng sistema kaya ang ipinagtatanggol ng bagong kalihim ng DOJ at ng bagong Solicitor General? Meron ngang sistema ng katarungan at sari-saring sistema ng pamahalaan. Ngunit, sa kabila ng mga pormal at legal na patakaran at batas na nagdidikta kung paano patakbuhin ang mga ahensya, merong “higit” pang makapangyarihan kaysa sa mga patakaran at batas. At walang iba ito sa kalooban ng Pangulo. Hindi ang batas at ang mga batas hinggil sa ebidensya ang nagpapatakbo sa ating bansa. Kitang-kita rin ito sa kaso ni Sen. Leila de Lima na sa kabila ng pag-urong ng mga dating testigo sa kanilang reklamo laban sa kanya ay wala pa ring pag-usad sa kaso nito. Bakit? Simple lang. Hindi ang batas, korte ang malinaw at mabigat na ebidensya na nagsasabing malinis at walang kasalanan ang Senadora. Simpleng kalooban ng pangulo ang masusunod at wala nang iba pa.


Makikita rin ang kahawig ng pagmamataas, ng pananaw na pakialam ninyo sa amin, gagawin namin ang aming nais gawin sa iba pang kilalang personalidad. Kamakailan, nagbitiw ng mga hindi kanais-nais na pananalita ni Lorraine Badoy, ang dating tagapagsalita ng NTF-ELCAC o ang grupong tumutugis sa Communist Party of the Philippines at lahat ng sa tingin nilang may kinalaman nito na manaisan nilang i-red-tagged. Inakusahan ni Badoy na komunista ni Manila Regional Trial Court (RTC) Judge Marlo Magdoza-Malagar, na naglabas ng desisyon na hindi na nagsasabing hindi terorista ang Communist Party of the Philippines.


Gayundin, ang paulit-ulit na maririnig na lumalabas sa bibig ni Sen. Imee Marcos na, “Mag-move on na tayong lahat” dahil hindi nakakatulong ang walang tigil na paglingon sa nakaraan. Tumingin na tayo sa ngayon at bukas at magtulungan. Tiyak na alam nina Badoy at Marcos na maraming nakakaalam na hindi komunista si Judge Malagar. At ganundin ang napakaraming hindi lang nalalaman, kundi ang tunay na nakaranas ng mga karahasan at pang-aapi noong Martial Law.


May nagsabing, kung nais ninuman na magtagumpay bilang lider o pinuno ng anuman, kailangan niya ng kababaang-loob.


Ang pagmamataas ay subok ng mabisang paraan na iwasan, balewalain at supalpalin pa ang katotohanan. Paano malalaman ang dapat malaman kung sa simula pa lamang ay sinasabing, “Anong pakialam ninyo. Wala kayang alam. Alam namin ang lahat?"


Nakakalungkot. Lubha itong nakakalungkot.

 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 25, 2022


Lumalabas sa FB fees ang mga larawan ng tatlong presidente na nagtalumpati sa United Nations.


Una, noong 1986 nagtalumpati si dating Pangulong Corazon Aquino: standing ovation. Pangalawa, 2015, nagtalumpati naman si dating Pangulong "Noynoy" Aquino: standing ovation. At ngayong 2022, nagtalumpati ang kasalukuyang Pangulo: standing "evasion".

Hindi natin alam kung bakit talagang kakaunti o halos walang nakinig sa talumpati ng Pangulo ng Pilipinas sa United Nations. Maraming dahilan. Ngunit sana’y matimbang ang dahilan dahil ito ang kauna-unahang talumpati ng bagong Pangulo sa mga kinatawan ng iba’t ibang bansa na kasapi sa United Nations.


Ayon sa balita, ang talumpati ng Pangulo ay pagsisikap na paahunin ang bansa pagkatapos ng pandemya.


Kailangan ng ating bansa ang tulong at suporta ng mga bansang demokratiko para sa naturang pag-ahon sa pandemya. Anuman ang yaman ng bansa o galing ng namamahala nito, kakailanganin nito ang suporta at pagkatig ng ibang bansa. Iisa na ang mundo at lalo pa itong pinag-isa ng naturang “social media.” Hindi na tayo maaaring magmalaki at magpanggap na hindi natin kailangan ang kayamanan at kagalingan ng ibang bansa para patatagin muling ayusin ang ating bansa.


Sa usapin ng kalusugan at paglaban sa pandemya, malinaw ang kahalagahan ng pag-uusap at pagsuporta ng iba’t ibang bansa. Ngunit sa mga nagdaang araw at linggo, iba ang naging pahayag ng Pilipinas sa patuloy na pagsulong ng iba’t ibang pandaigdigang institusyon hinggil sa karapatang-pantao, ang kahalagahan ng pagpapalaganap nito at ang matagal ng umiiral at umiinit pang kaso ng paglabag ng karapatang-pantao.


Maaalala kung ano ang sinabi ng nakaraang Presidente tungkol sa kontribusyon ng UN Rapporteur on Human Rights. Sa kabila ng obserbasyon nitong meron at maraming nagawang paglabag sa karapatang-pantao mula kapulisan hanggang sa mga sundalo, ilang ulit pinagdiinan ni dating Pangulong Duterte na hindi siya naniniwala sa mga obserbasyon ng UN Rapporteur on Human Rights. At hindi lang sa hindi siya naniniwala, pinahirapan pang makapasok at makakilos ng malaya ang naturang opisyal ng United Nations. Gayundin ang naging pananaw ng nakaraan at kasalukuyang administrasyon sa imbestigasyon ng International Criminal Courts sa tuluy-tuloy na pagdanak ng dugo ng mga walang labang biktima ng Extrajudicial Killings sa ilalim ng palpak na war on drugs.


Gumagana ang mga korte. Maayos at matino ang sistema ng katarungan sa ating bansa. Hindi natin kailangan ang tulong at pakikialam ng mga institusyong nakabase sa ibang bansa, tulad ng United Nations at ang International Criminal Court. Kaya’t malinaw sa ganitong posisyon at pananaw na “deadma,” walang pakialam o wala lang sa ating bansa ang mahahalagang institusyon na may kinalaman sa karapatang-pantao at katarungan.


Ano kaya ang tunay na ibig sabihin ng kaunti at halos walang nakinig sa talumpati ng kasalukuyang Presidente ng Pilipinas? Busy lang kaya o deadma o wala lang, dahil hindi naman mahalaga ang sasabihin ng Pangulo ng Pilipinas. Hindi kaya ito ang sinasabi sa Ingles na “getting a dose of the same medicine?” At ngayon, kung ano ang naging pagtrato mo sa ibang bansa at sa mga institusyong nakabase sa ibang bansa, ganon naman ang ipadarama sa iyo ng mga bansang iyong binabalewala o dinededma.


Dahil pinalakpakan at binigyan ng standing ovation sina ex-President Cory at ex-President Noynoy, kasabay din nito ang mainit na pagsuporta sa anumang mahahalagang hakbanging mapipili ng kani-kanilang administrasyon.


Kailangang makita ng kasalukuyang administrasyon ang ibig sabihin ng pagiging bahagi ng International Community. Wala nang maaaring magkunwari na hindi natin kailangan ang isa’t isa sa mahusay, makatao, maka-kalikasan, makatarungan at maka-payapaang pamamahala ng kani-kanyang bansa.


Kaya ba ng kasalukuyang Pangulo na buksan at hayaang lumago ang ating bansa sa kayamanan ng karanasan ng ibang bansa hindi lang sa larangan ng ekonomiya at kabuhayan, kundi lalo’t higit sa usapin ng karapatang-pantao at katarungan na napakahalaga para sa pamilya ng mga bansa o sa United Nations?

 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 24, 2022


Merong sine na ang pamagat ay “Dying Young.” Isang pelikula nina Julia Roberts, Campbell Scott at Joel Schumacher, na lumabas noong 1991. Si Hilary (Julia Roberts) ay caregiver, na inaalagaan si Victor (Campbell Scott) na merong leukemia. Isang “love story” ang pelikulang ito. Habang inaalagaan ni Hilary si Victor ay unti-unting simibol ang pag-ibig sa pagitan ng dalawa.


Holywood na ang rekado ng pag-ibig, ngunit ang mas malalim na mensahe ng pelikula ay ang narupukan at ang kahalagahan ng pag-unawa sa pinagdaraanan ng may sakit, na hindi nawawalan ng pagkalinga at pagmamahal.


Ito ang naging pagninilay ko sa maikling buhay ng kaibigan-kapatid na pari na si Fr. Emmanuel “Pong” del Rosario na binawian ng buhay noong ika-17 ng Setyembre 2022 sa batang edad 46. Si Fr. Pong ang pinakaunang batang pari na naging kaibigan ko noong bumalik ako pagkaraan ng 11-taon na personal na pagpapatapon (personal exile) mula Pebrero 2006 hanggang Oktubre 2017. Nagsimula ang aming pagkakaibigan sa “pilgrimage” sa Poland at Czechoslovakia ng kaparian ng Diyosesis ng Cubao noong 2018. Samantala maraming magagandang lugar na magandang mag-selfie at i-upload ito, pinili namin ni Pong na hanapin ang mga tago at maliit na lugar na mayaman sa kasaysayan at kultura. Punung-puno ng tanungan, kuwentuhan at tawanan ang aming paglalakbay kasama ng mga kapatid na pari. At oo, punung-puno rin ng pagkamangha sa kayamanan a hiwaga ng kasaysayan at tradisyon ng Simbahang-Katolika na aming natutunghayan habang kami ay naglalakad at naglalakbay sa bus at eroplano.


Noong bumalik ako mula sa mahabang pagpapatapon sa China, Hong Kong, Palawan, Cagayan Valley, Isabela at Catanduanes mula 2006 hanggang 2017, isa sa mg naging misyon na binigay ni Obispo Honesto Ongtioco ay ang pamamahala sa Urban Poor Ministry. Malaki at masalimuot itong misyon. Merong 49 parokya sa buong diyosesis. Kailangan kong tiyakin na merong Urban Poor Ministry sa bawat parokya. Ano nga ba ang ibig sabihin ng Urban Poor Ministry?


Malaki ang naging tulong ni Padre Pong sa tanong noong simula nito. Hindi pa laganap ang ganitong ministry sa mga parokya. Paano mo tutulungan at oorganisahin ang maralitang taga-lungsod? Ano ba talaga ang mga pangangailangan nila? Ano ang kanilang problema?


Dahil hindi ganon kadaling sagutin ang mga tanong, naisip namin ni Padre Pong, na lumikha ng simbolo na madaling maintindihan ng maralitang taga-lungsod dahil malapit ito sa kanilang buhay. Kung sinilang ang 'Kariton ni Maria' noong 2000, nang nagkaroon ng krisis ang bansa sa ilalim ng pamahalaang Estrada, sa panahon ni Duterte, isisilang ang 'Kariton ni Kiko'. Sino si Kiko? Si San Francisco ng Assisi ay ipakikilala bilang “Kiko”, na lulan ng kariton. Tinanong natin si Padre Pong kung maaari niyang gawan ng apat na “icon” ang apat na mukha ng Kariton ni Kiko: sa harap sa kaliwang gilid, sa kanan na gilad at sa likuran. Pumayag si Padre Pong at pagkaraan ng apat na araw, sa tulong ng dalawang masugid na disipulo niyang sina Gelai at Madonna, natapos ang apat na “ikon” sa bawat mukha ng kariton.


Makikita sa harapan si HesuKristo at ang apat na elemento: tubig, hangin, apoy at lupa. Sa kaliwang gilid si Santa Madre Teresa, si HesuKristo at si San Francisco ng Assisi. Sa kanang gilid: sina Juan Bautista, HesuKristo at ang Birheng Maria. At sa likod naman: ang Espiritu Santo. Mabilis kinunan ng staff ng parokya ang apat na “icon” at inilapat ito sa tarpaulin na sukat sa bawat bahagi ng kariton na nakalaan para sa partikular na icon.


Buong 2018 at 2019 hanggang Pebrero ng 2020, umikot ang Kariton ni Kiko sa mga parokya ng diyosesis ng Cubao. Natuwa, namangha, nagtanong at napaliwanagan tungkol sa Kariton ni Kiko ang mga maralitang taga-lungsod sa iba’t ibang bahagi ng mga parokya. Inabutan ng pandemya ang Kariton ni Kiko sa kapilya ng Sitio Militar sa Proj. 8, Quezon City. Naiwanan doon ang Kariton hanggang sa natanggap natin ang bagong destino mula kay Obispo Nes. Nagulat na lang ako nang ginawa akong Kura ng parokya ng Ina ng Laging Saklolo sa project 8, kung saan naghihintay na sunduin ang Kariton ni Kiko.


Nang mamatay si Padre Pong, minarapat kong dalhin sa kanyang lamay ang Kariton ni Kiko. Maraming tumingin, namangha, natuwa at nagtanong tungkol sa Kariton. Wala ni si Padre Pong. Subalit magsisimula muling umikot at dumalaw sa mga maralitang taga-lungsod. Patay na. Wala na si Padre Pong. Mahirap ang nagdaang dalawang taon para sa kanya. Paulit-ulit niyang naitanong: bakit ako nagkakasakit? Ano ba talaga ang gusto ng Diyos. Hindi natakot sa Padre Pong hanapin ang sagot. Hindi rin siya natakot itanong kung malapit na ang katapusan ng kanyang buhay. Takot bang mamatay si Padre Pong? Hindi ko alam dahil hindi namin ito napag-uusapan. Isa lang ang malinaw: hinding-hindi siya takot mabuhay… maglingkod… magmahal hanggang katapusan ng kanyang buhay.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page