ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 28, 2025

BATAY sa kamakailang ulat ng ROSHI (Singapore-based fintech firm) ang Pilipinas ay ang pinaka-hindi mapagkakatiwalaang (most dishonest) bansa sa Southeast Asia pagdating sa pera, batay sa kanila survey.
Tingnan natin ang mga ranggo ng iba’t ibang bansa: Pilipinas, 47%; Indonesia, 45%; Singapore, 41%. Ang Vietnam ang pinakamataas ang trust rating dahil 34% ang dishonesty rate na sinusundan ng Thailand, 36%.
Ayon sa ROSHI, ang mga dahilan ng kahinaang ito ng ‘Pinas ay dulot ng kahirapan, ang labis na pagpapahalaga sa pangalan (social reputation) o kahihiyan sa kabila ng mabigat na problemang pinansyal, at kakulangan ng edukasyon. Mas mahalagang magtago sa “magandang reputasyon” sa halip na harapin ang iba’t ibang hamong pinansyal.
Samakatuwid, higit na mahalaga ang panlabas na reputasyon kaysa matuwid na pangangasiwa sa salapi. Kaya pala napakakisig at kagalang-galang tingnan ang napakaraming mga opisyales at mambabatas na akala mo’y malilinis at mararangal. Idagdag mo pa ang pagiging maka-Diyos sa pananalita. Ilang mambabatas ang mahilig banggitin ang pangalan ng Panginoon at magbuklat din ng Bibliya bago, habang at sa katapusan ng mga opisyal na pulong.
Kailan lang, inilabas ni DPWH Sec. Vince Dizon ang mga helicopter at eroplanong pag-aari ni Ako Bicol Rep. Zaldy Co (Bell 206 B3; Bell 407; AW1398 at Gulfstream Jet) na nagkakahalaga ng P4.7 bilyon. Paano nagkaroon ng ganitong kayamanan ang isang congressman? Bakit niya kailangang magkaroon ng ganyang karaming helicopter at eroplano?
Noong mga nakaraang linggo, inilabas din sa social media ang pagyayabang ng anak ni Co sa mga mamahaling bag, damit, sapatos, relos at iba pang pag-aari nito. Nakakagulat, nakakapangilabot at nakakagalit. Kaya’t ganoon na lang ang paghahanap ng mga maibabato sa social media ng mga netizens laban sa mga naturang nepo babies o mga anak ng mga nepotista.
Sa parte ng ilang mga mayayaman at makapangyarihang opisyal parang kulang o halos wala nang makikitang kahihiyan. Marahil, nasanay na ang mga ito dahil sa tagal nilang ginagawa na walang pumapansing pakikialam sa pondo ng bayan. Salamat sa mga pangyayari ng mga nakaraang linggo, mula sa mga bahang nagpalubog sa maraming sulok ng Kamaynilaan at mga karatig na bayan hanggang sa lumabas na video tungkol sa mga luxury cars ng mag-asawang Discaya, biglang nagising ang mga mamamayan. At biglang nagkalat ang mga pagkilos laban sa mga “walang kahihiyang” opisyal at ng mga miyembro ng kanilang pamilya. Nagsunud-sunod ang mga ito hanggang nabuo ang napalaking pagkilos sa Luneta Park sa Manila, at People Power Monument sa EDSA.
Walang tigil din ang panghihiya sa mga unti-unting nabubuking na sinasabing ‘magnanakaw’ na mga kongresista at senador. Salamat sa AI, napakadaling gawan ng sari-saring video ang mga isinasangkot na mga opisyal ng DPWH sa matinding anomalya ng ghost flood control projects nito (kakuntsaba ang mga opisyales at mga kontratista). Nakakatawa’t nakakagalit ang mga video na mabilis na ikinakalat ng mga netizens na siyang dahilan na rin ng pagdagsa ng mga tao sa kalsada.
Dahil hindi na lihim ang korupsiyon na nasa likod o dahilan ng matitinding baha, nagigising na rin ang marami upang magsalita at kumilos laban sa mga abusado at itinuturing na kriminal na mga opisyal, kawani ng mga ahensya at ang mga kontratista. Hindi lang pag-uulat ang hinihingi ng taumbayan kundi, “singilin, panagutin at ikulong” ang mga sangkot sa katiwalian.
Balikan natin ang ulat ng ROSHI tungkol sa pinakamataas o pinakamababang ranggo ng Pilipinas sa mga bansang mapagtitiwalaan at hindi mapagtitiwalaan. Paano ba natin naabot ang ganitong katayuan? Dahil sa kasanayang magpakita ng maayos na panlabas sa kabila ng mga malubhang problemang pinansyal naging mababaw ang pagkilatis ng marami sa tunay na pagkatao ng mga nakapuwesto at ng mga kakuntsaba nila. Kaya sa halip na maghinala tayo na merong anomalyang ginagawa, pinapalakpakan pa natin ang mga magarang magdamit (kumpleto sa alahas, mamahaling bag, sapatos at damit, at iba pa) at mag-drive ng mga mamahaling sasakyan at nakatira sa kanilang mga sobrang laki at maluhong mansyon.
Sana nga’y tuluy-tuloy na ito upang magbago hindi lang ang sitwasyon kundi ang ugali ng bawat isa mula sa mga hiyang-hiya hanggang sa mga walang kahiya-hiya. At habang itinutulak nating mga karaniwang mamamayan ang patuloy na proseso ng paglilitis sa Senado, Kamara at sa Independent Commission for Infrastructure hanggang sa makarating ang mga kaso sa mga korte dapat ding tuluy-tuloy ang pagmumulat, paghuhubog at pagbabago ng pagkatao at kamalayan ng bawat isa para sa halip na hiya ay malaya, marangal at may responsableng kaisipan at pagkatao ang isilang.
Oo, litisin, panagutin at ikulong ang mga walang kahihiyang magnanakaw at gamutin ang ‘sakit’ o kahinaang kahihiyan ng marami na bunga ng maling kultura at mahina o kawalan ng edukasyon.




