top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 21, 2024


Fr. Robert Reyes

Oktubre, tatlong buwan na lang mula ngayon at filing of candidacy na ng mga tatakbo para sa midterm elections sa Mayo 2025. 


Nagsisimula na ang kampanya ng mga billboard. Matindi ang pagkalat ng billboards ng dalawang senador. Ang isa ay dinadaan sa paramihan. Ang isa naman ay sa palakihan ng mga dambuhalang outdoor tarps na idini-display ang kanyang mukha at pangalan. Magandang tanong sa Comelec: Hindi ba’t “electioneering ito”? At siyempre, walang sagot ang Comelec o maingat namang itinatago ng mga nangangampanya ang kanilang motibo sa iba’t ibang paraan tulad ng mainit na pagbati at pagtanggap sa mga mag-aaral sa nalalapit nang pasukan sa Hulyo 29, 2024. Gaano ba kahalaga ang papalapit na filing of candidacy ng mga kandidato? Gaano ba kaimportante ang mid-term elections sa Mayo 2025?


At meron pang mas mahalaga at mas malalim na katanungan. Gaano ba kahalaga ang malinis at totoong eleksyon? Gaano pa ba kahalaga ang tunay na demokrasya? At sa likod nito, gaano kahalaga ang kalayaan?


Noong Nobyembre 29, 2023, nagpalabas ang Comelec ng resolusyon na, “buksan ang ilang ballot boxes” sa Santo Tomas, Batangas. Nagbayad na para sa “manual recounting ng mga balota” ang tatlong diumanong natalong kandidato sa pagka-mayor ng lugar. Pagkatapos nilang maglabas ng resolusyon na maaari nang buksan ang mga ballot boxes sa Santo Tomas, Batangas, mabilis na iniba ang ihip ng hangin. Hindi na nila pabubuksan ang mga ballot box. Ano ang dahilan ng kanilang urong-sulong na desisyon? Ano kaya ang ayaw nilang malaman kung matuloy ang pagbukas ng mga ballot box?


Kung tunay na nais ng Comelec na isipin ng lahat na mapagkakatiwalaan at maaasahan sila sa pagbabantay at pagtataguyod hindi lang ng totoo at marangal na halalan, kailangan nilang ipakita na bukas o “transparent” sila. Napakaganda ng kanilang pahayag noong panahon na payagang ipabukas ang mga ballot box sa Santo Tomas, Batangas.


Pitong buwan na ang lumipas mula ng Nobyembre 29, 2023 at tatlong buwan na lang ay Oktubre na, ang filing of candidacy. Kung nais ng Comelec na isipin ng publiko na mapagkakatiwalaan at maaasahan silang bantayan at ipatupad ang malinis, totoo at marangal na halalan sa darating na Mayo 2025, kailangan din nilang ipakita na maaasahan at kapani-paniwala ang kanilang mga pahayag, ang kanilang mga salita sa taumbayan. Kung bubuksan, dapat buksan. Hindi maaaring bubuksan at biglang na lamang hindi bubuksan.


Kaya ngayong Sabado, Hulyo 20, 2024, magtutungo ang ilang mga taga-Maynila sa Santo Tomas, Batangas para magbigay ng suporta sa tatlong kandidato sa pagka-mayor na diumanong natalo noong nakaraang halalan. Magdarasal at mag-aalay ng misa ang mga taga-Maynila. Bahagi rin ito ng walang palyang “Last Friday Devotion” o pag-alay ng rosaryo ng misa sa harapan ng Comelec para pakinggan ang mga hinaing at hiling ng taumbayan mula pa nang unang isinagawa ito, at nagrosaryo at misa sa harapan ng Comelec, Intramuros, noong Marso 31, 2023.

Ganoon na lang kahalaga para sa dumaraming bilang ng mamamayan ang pagkakaroon ng totoo at marangal na halalan. Hindi ba’t ito ang isang haligi ng demokrasya, ang totoo at marangal na halalan? Hindi ba’t ito ang paulit-ulit ding sinasabi ng Comelec na kanilang sagradong mandato mula sa taumbayan, gayundin sa Maykapal?


Hindi kami titigil, mga mahal na mga Comelec commissioners at mga kababayang kawani ng Comelec.


Ang malaking tanong, bakit kailangan pang magpunta ng mga taga-Maynila sa Santo Tomas, Batangas para lang sabihin na, “Buksan ang mga ballot box”

Mga mahal na kababayan, ito ang ibig sabihin ng demokrasya at kalayaan ngayon. Hindi na natin maaaring iasa at ipagkatiwala sa pamahalaan ang dakila at sagradong mga sangkap ng ating mapayapa, masagana at makabuluhang kinabukasan.


Marami mang nagtatanong kung meron pang pag-asa ang ating bansa. Malinaw na sagot nito ay oo, kung magkakaroon ng tunay at tapat na halalan. Gayundin, kung igagalang ng Comelec ang sarili nilang pahayag noong Nobyembre 29, 2023 na buksan ang mga ballot boxes sa Santo Tomas, Batangas, at higit sa lahat kung magiging patas at makatwiran ang mga namamahala sa gobyerno.


 

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 13, 2024


Fr. Robert Reyes

Pekeng apelyido, pekeng passport, pekeng pangalan, pekeng hanapbuhay. Bakit nagkaganoon ang istorya ng Bamban mayor? Siya lamang ba ang may kasalanan at paano siya nakapasok sa pulitika? Bakit kilalang-kilala siya ng mga pulitiko sa paligid ng Tarlac sa kabila ng kahina-hinalang pagkakakilanlan? Mabibili ba ang pangalan, ang passport, ang pagkakakilanlan? Magagawa bang mag-isa ng alkalde ng Bamban ang kanyang sariling passport na naglalaman ng mga impormasyon na hindi totoo? Malinaw na may kakuntiyaba ang mayor na ito sa Bureau of Immigration at sa iba’t iba pang sangay ng pamahalaan. Paano siya nakatakbong mayor ng Bamban? Dahil siguro sa kinilala (ina-credit) siya ng Comelec. 


Sa kabilang banda, inalam ba ng Comelec kung pekeng Pinoy siya o hindi? Batid na natin ang malabong sagot ng Comelec na “ministerial” lang daw ang kanilang trabaho. Ang kanilang trabaho ay tumanggap ng mga aplikasyon ng mga kandidato at hindi suriin kung puwede o hinding tumakbo ang mga ito. Pero, bakit madali lang na nakapagdidiskuwalipika sila?


Ganito ang reklamo ng isang kaibigan kong pari: “Sobrang hina talaga ng ating mga ahensya. Napakadaling pekein ang anuman tulad ng kaso ng mayor ng Bamban. Ano pa nga ba ang hindi “peke” sa ating pamahalaan? Hindi lang naman ang mayor ng Bamban ang kailangang usisain kundi ang buong kapaligiran kung saan naganap ang mga pangyayari. Sino pang mga naging daan para maisagawa ang mga mali at tiwali? Ilang mga kawani kaya ng iba’t ibang ahensya ang sangkot sa problema?”


Hindi lang ang alkalde ng naturang lugar ang problema kundi ang sari-sari’t sapin-sapin na suliranin na unti-unting lumilitaw tulad ng pagkakasangkot nito sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at sa “human trafficking.” Kung lalalim pa ang imbestigasyon, tiyak na marami pang lilitaw na ebidensya na hindi lang laban sa nasabing mayor kundi sa marami pang iba at mga ahensyang masasangkot.


At lumalabas din ang pagkakadawit sa POGO ng mga dating tauhan ng dating pangulo. Isa na rito ang former press secretary ng former president na diumano’y lumapit kay Pagcor Chair Alejandro Tengco noong Hulyo 26, 2023. 


Kung sangkot ang isang malapit na tauhan ng dating pangulo sa POGO, meron din kayang kaugnayan ito sa naturang problema? 


Ilang POGO pa ang nakatago sa iba’t ibang sulok ng ating bansa? Ilang mga ahensya pa ang malalantad sa pagkakasangkot ng mga ito sa POGO? Ilang indibidwal hanggang sa matataas na opisyales ang dawit dito?


At habang lumalalim at lumalawak ang imbestigasyon sa mga ilegal na nagpapanggap na mamamayan, ganoon din ang nangyayari sa mga POGO at ang marami pang krimen na nagaganap sa loob ng mga compound at gusali nito. 


Kasabay nito, ang lumalalim na imbestigasyon sa mga ginagawa ng mga Tsino sa loob ng bansa, at lumalala rin ang gawain ng mga barkong Tsino sa kanilang pagsakop sa West Philippine Sea.


Nagsimula ang problema noon pang panahon ng isang dating pangulo na nagtungo sa China upang makipag-usap sa isang korporasyon ng telco. Kung hindi hinarap ito ng malawakang reaksyon at protesta, hindi malayong nakapasok na sa ating bansa ang naturang telco. At mula noon hanggang maupo ang pinakahuling pangulo, unti-unting humina ang pagtatanggol natin sa ating bayan. 


Sa nakaraang administrasyon nagsimulang magtayo ng mga istraktura sa WPS ang China. Panahon din ng nakaraang administrasyon na merong mga tila naganap na pribado at lihim na usapan na maaaring batayan ng matinding panggigipit ng China sa Pilipinas.


Pekeng mayor, POGO, pekeng mapa ng ‘9 Dash Line’ ay walang panalo sa tunay at matatag na pamahalaan. Pero, paano kung hindi tunay at matatag, at may pagkapeke ang marami nating ahensya at mga namumuno o kawaning nagpapatakbo nito? Paano nating gagamutin kung peke ang gobyerno?



 


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 6, 2024



Fr. Robert Reyes


May kasabihan o babala na baka “tumatanda ang isang tao ng paurong.”  Paurong tungo saan? Hindi ba’t habang tumatanda tayo, lumalawak ang pananaw at lumalalim ang kaalaman? Ngunit ito ba ang nangyayari sa lahat? 


Sa mga nagdaang araw, nabibigla ang marami dahil sa mga nangyayari sa Senado. Matagal at luma na ang mga biro tungkol sa ilang senador na kagulat-gulat ang mga inaasta at sinasabi sa mga Senate hearing. “Naturingan lang senador ay maaari nang sabihin at iasta ang magustuhan!” Ito ang karaniwang maririnig sa mga mamamayan. Sabagay, matagal nang nawawala ang ilang kaugalian at katangian ng isang senador tulad ng “delicadeza” at ang pagiging kagalang-galang na “estadista” (statesman). At kung ang senador ay isang estadista tiyak na meron itong delicadeza at higit pa.  


Noong mga nakaraang araw napanood sa telebisyon ang bangayan ng dalawang senador na nabibilang sa mga kilalang dinastiya sa kani-kanilang balwarte. Ang isa ay mula sa Makati at ang pangalawa ay galing sa Taguig. Alam ng lahat ang matinding alitan ng dalawang pamilya dahil sa desisyon ng Korte Suprema na kumatig at ipagkaloob ang mga barangay na matagal nang nabibilang umano sa kalapit na distrito (ng kabilang pamilya). 


Nagbitiw ng maaanghang na pananalita tungkol sa kapwa senador sa pormal na Senate hearing hinggil sa nakakalulang budget para sa pagtatayo ng bagong gusali ng Senado.

Salamat na lang at merong ibang senador na hindi inaaksaya ang kaban ng bayan sa kani-kanilang hidwaang personal bagkus ay isinusulong ang pangkalahatang interes. 


Gayundin, salamat kay Atty. Chel Diokno sa pagpapaliwanag sa iskandalo ng panukalang magtayo ng bagong gusali ng Senado. 


Salamat din kina Sen. Risa Hontiveros at Sen. Sherwin Gatchalian sa masusing pag-iimbestiga sa tunay na pagkatao at pinanggalingan ni Mayor Alice Guo at ang kaugnayan niya sa illegal POGO.


Talaga bang nalulugi ang bansa kaya kailangang magpatayo ng bagong gusali? Binabayaran ang GSIS sa paggamit ng kanilang gusali sa kung anong halaga taun-taon. Lugi ba roon, samantalang nagbabayad ang gobyerno din? Sino ba ang kontraktor ng ipinatatayong bagong gusali ng Senado? 


At dahil nalalapit na ang Oktubre, ang pagsusumite ng pagtakbo para sa 2025 midterm election hindi na napigilan ang isang kilalang makapangyarihang pamilya na ipahayag ang kanilang intensyon na tumakbo sa Senado, ito ay tatay at dalawang anak. Ang galing-galing ‘di ba? 


Sabagay meron nang mag-ina at dalawang magkapatid sa Senado. Alam din naman ng lahat na magpinsan ang namumuno sa Kamara at ang pangulo ng bansa. Bahala na ang Comelec at abangan natin. 


Mabuti na lang at sa kabila ng pagiging “appointee” ng karamihan sa Korte Suprema, tila nagbabago na ang pananalita ng mga nasa pinakamataas na hukuman ng bansa.


Lubhang maselan ang usapin ng West Philippine Sea, kaya huwag na sanang isipin ng mga nasa itaas ang kani-kanilang interes kundi ang kapakanan ng lahat. Isantabi muna natin ang mga personal at pangpamilyang interes. Puwede bang mag-isip ang matatanda o mag-mature naman ang karamihan ng ating mga pinuno? Maaari bang itigil na ang mga larong bata at maging malawak naman ang pag-iisip habang lakihan din ang puso para bigyang-puwang ang nakararami higit sa pamilya at sarili?


Walang imposible sa Diyos sa tunay at taimtim na panalangin. Sana mahal naming Ama, turuan at baguhin ninyo ang mga namumuno sa amin. Maselan na ang sitwasyon sa loob, labas at paligid ng bansa. Kailangan ang tunay na karunungan at kahinahunan ng mga nakatatanda at nakauunawa na handang ipaglaban at itaguyod ang kapakanan ng lahat.


 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page