top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 3, 2024


Fr. Robert Reyes

Dumadalaw tayo sa Coron noong nakaraang Martes. Naimbitahan tayo ng ilang kaibigan na matagal nang nais dalawin ang popular at mala-paraisong lugar. 


Kapag sinabing Coron, lilitaw ang larawan ng malilinis at hindi mataong tabing dagat, mga buhay at makukulay na coral at ang napakayamang buhay-dagat.


Dahil kauna-unahang pagkakataon nating dumalaw sa Coron, noon lang natin nakita ang paliparan na merong pangalang “Francisco B. Reyes Airport” o simpleng Busuanga Airport. Agad-agad nating naitanong sa drayber ng van kung sino si Francisco B. Reyes. “Naging mayor po ba siya ng Coron noong araw (1936-1939) at tila siya ang nag-donate ng lupang kinatatayuan ng kasalukuyang paliparan?” Nais ko pa sanang itanong kung kamag-anak si Francisco ng magkapatid na Joel Reyes, dating gobernador ng Palawan, at Mario, kapatid niya na dating mayor ng Coron.


Bigla tuloy bumalik sa ating alaala ang malungkot at masaklap na katapusan ng buhay ng ating kaibigang si Dr. Gerry Ortega na binaril noong Enero 24, 2011, 13 taon nang nakararaan. Nakatira at nagtatrabaho tayo sa Puerto Princesa noon. At halos tuwing Sabado ay nagkikita kami ni Dok Gerry sa bahay ni Obispo Pedro Arigo sa Tinigiban, Puerto Princesa. 


Naroroon pa ako sa naturang lugar nang binaril si Dok Gerry at nakasama tayo mula noon hanggang ngayon sa matagal at nakagagalit na paghahanap ng katarungan ng pamilya at mga kaibigan ni Dok Gerry. 


Ilang taong nagtago sa Thailand ang pinaghihinalaang “mastermind” na si Joel Reyes, dating gobernador ng Palawan at ang kapatid nitong si Mario. Nahuli sa tulong ng Interpol ang magkapatid. Nakulong ng ilang taon ang dalawa, ngunit napawalan si Mario dahil hindi mapatunayan ang kanyang kaugnayan sa kaso. Nakakuha naman ng desisyon ng korte na pabor kay Joel, kaya nakalaya ang dating gobernador at nananatiling malaya.


Taun-taon sa anibersaryo ng kamatayan Dok Gerry, nagpapalabas ng pahayag ang mag-inang Patty at Michaela. Sa kabila ng malinaw at malakas na ebidensya laban sa mga akusado sa nakaraang 13 taon, wala pa ring malinaw na desisyon ang korte. Kataka-taka hindi ba?


Nang dumating tayo sa resort na napili ng ating mga kaibigan, nagsimula tayong magtanung-tanong tungkol sa kapaligiran ng Coron. At doon natin natuklasan ang nakalulungkot na katotohanan. 


Parami nang parami ang nabibili ng mga Tsino (mula sa People’s Republic of China) na mga lupa at pangpang sa Coron. Naitanong natin kung kailan nabili ng may-ari ng resort ang kanilang puwesto. Sagot sa akin ng empleyado, halos 12 taon na. 


Mabilis na umikot ang aking mga mata sa paligid ng resort. Napansin ko ang ilang mga gusali (cottages) na meron nang mga sira at kailangang-kailangan na ng repair. Naitanong ko tuloy kung may balak ipa-repair at pagandahin ang mga cottage ng resort. Tinugon ako ng empleyadong, “Meron naman po, ngunit malayung-malayo ang kakayahan ng aming amo na magpa-repair, magpaganda at magpalawak ng resort. Walang-wala ang amo namin sa kakayahan ng aming mga kapitbahay.” 


Nagtanong tayo muli kung sino ba ang kanilang mga kapitbahay na resorts.

Sinabi niyang, “Kararating lang halos ng aming mga kapitbahay, ngunit ang bilis nilang magpagawa. Ang lalaki at ang gagara ng mga gusali, mga cottage at iba’t ibang facilities ng kanilang resort. Ang dami talaga ng pera nila.” 


Napagtanto ko kung sino ang sinasabi ng empleyadong kapitbahay at may-ari ng mga resort sa kanilang paligid. Ang mga Tsino, na taga-PRC.


Paano nangyari ito? Hindi ba’t hindi naman puwedeng bumili at magmay-ari ng lupa ang mga banyaga? Tsino man o iba pang lahi? Sagot sa akin ng empleyado, “Bayong-bayong na pera po ang dala ng mga Tsino. Napakarami nilang pera at ito ang isa sa pinakamabisang instrument ng kanilang pagpapalawak at pangangalat ng kanilang mga kababayan.”


Hindi malayong mayroong kaugnayan sa POGO ang mga naturang lugar at resorts. Alam nating ipinagbawal na ang mga ilegal na POGO. Pero, magtatagumpay ba ang gobyerno na ipasara ang mga POGO at hulihin ang lahat ng ilegal, Tsino man o taga-ibang bansa?


Kayganda ng Coron, subalit nanganganib na mabili ang malaking bahagi nito ng mga banyaga lalo na ng mga Tsino. 


Hindi legal ang pagbebenta sa dayuhan ng ating lupa, ngunit sa tingin ko hindi din bawal ang suhol, ang korupsiyon. 


Para sa akin, bukambibig lang ang pagbabawal sa suhol, sa korupsiyon dahil tila kaydaling suhulan ng maraming mga opisyales.


May pag-asa bang malinis ang Coron at ang iba’t ibang bahagi ng ating bansa ng mga ilegal na sumasakop ng ating mga lupain? Paano kung ang pumapayag ay ang mga nasusuhulang mga kawani ng pamahalaan?


Kawawa ang Coron dahil napakaraming tapyas ng ating napakagandang mga isla. Habang hinahangaan at inaalala natin ang maraming mga magagandang lugar sa mga sulok ng ating bansa, mabilis na ibinebenta ang mga ito ng mga nakapuwesto.


Kawawa ang taumbayan dahil nilulusob at kinakamkam na ang ating mga isla, ang ating mga siyudad at bayan. Malungkot at masakit ito. At higit pang masaklap sa mga opisyales na sila mismo ang nagbebenta o gumagawa ng paraan para makuha, mabili, masarili ng mga banyaga ang ating mga isla at kalupaan.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 28, 2024


Fr. Robert Reyes

Noong kanyang State of the Nation Address (SONA) ibinida ng Presidente ang natapos na 5,500 flood control projects sa ilalim ng kanyang administrasyon. 


Alam natin kung ano ang naganap noong dumating na ang Miyerkules.


Nasaan naman ang bise presidente? Noong hatinggabi ng Miyerkules, ika-24 ng Hulyo, umalis ang bise presidente kasama ang kanyang pamilya patungong Alemanya (Germany).


Katatapos ng matinding buhos ng ulan dulot ng Bagyong Carina habang nagsisimula pa lang ang malawakang pagsusuri at pagsukat sa negatibong epekto nito sa mga lugar na tinamaan. 


May nagsasabi na marami nang nagawa para paghandaan ang matitinding bagyo na dahil sa rami ng tubig-ulan na ibabagsak nito maaaring magkaroon ng mga pagbaha na sisira sa mga pananim, bahay at malalaking istraktura, maging ang pagtubos ng maraming buhay. Malaking pera ang ginastos para sa 5,500 flood control projects.


Ayon kay Senate President Chiz Escudero, gumastos ang pamahalaan ng P255 bilyon sa taong 2024 para sa mga flood control projects. Anyari? Bakit ganoon na lang ang pagbaha sa lahat ng sulok ng kalakhang Maynila? 


Talagang lumabas ang naturang halaga para sa nasabing proyekto. Ngunit, ibang usapan kung paano ginamit ang nasabing halaga. Kung talagang ginamit ang buong halaga para sa pinaglaanan nito. At ito nga ang “pangako” ng pamahalaan na pinagkatiwalaang gamitin ang pondo at makinarya nito para sa kapakanan ng taumbayan. 


Mababasa rin ang mga tanong ng mga senador mula kay Sens. Nancy Binay, Imee Marcos, Sherwin Gatchalian, JV Ejercito at iba pa. 


Nagpanukala na rin si Cong. Rolando Valeriano (Manila) na magkaroon ng House hearing o imbestigasyon sa Kamara kung bakit hindi naging maganda ang resulta ng naturang flood control projects na ginastusan ng napakalaking salapi.


Sa kabilang banda, ayon sa balita, ika-9 ng Hulyo pa nang humingi ng “travel permit” ang bise presidente. Ngunit, wala pa namang balita na merong matinding bagyong parating. At sa kabila ng napakalawak at napakatinding epekto ng Bagyong Carina, tuloy pa ring umalis ang bise presidente.


Samantala, kaliwa’t kanan ang mga positibong balita sa social media ng kakaibang pagtugon na ibinigay ni dating Vice President Leni Robredo. Pinakilos nito ang kanyang Angat Buhay Foundation at ang lahat ng mga volunteer nito na tumulong at umalalay sa mga biktima ng Bagyong Carina kaya hindi maiaalis na ikumpara ang dalawang bise presidente.


Nasaan na nga ba ang “palabra de honor” at “delicadeza?” Ang dalawang napakahalagang ugali sa paglilingkod (salita at gawa) ng ating mga namumuno. 

Kung ikaw ay lingkod-bayan, maliit man o malaki, barangay captain o presidente ng Pilipinas, posisyon lang ang pinag-iba ngunit, kapwa kayong inaasahan at sinasandalan ng taumbayan. Parehong mahalaga ang salitang binibigkas o binibitawan at ang anumang ikinikilos o pag-uugali nila. Kaya mahalaga ang pag-iingat, pag-iisip, pagtitimbang at pagsusuri ng mga sasabihin, pagpapasyahan at isasagawa. 


Unang-una, tungkulin ng lider ang manguna at maglingkod sa kanyang nasasakupan. Pangalawa, anuman ang kanyang sinasabi at ginagawa ay magiging halimbawa o modelo ng tama at kung ano ang dapat gawin ng mga mamamayan.


Maaalala natin ang panahon nang matutong magmura ang marami dahil ganoon ang pinakamataas na pinuno ng bansa. Anong klase o uri ng palabra o pananalita? Madalas ding marinig sa mismong bibig ng dating presidente ang salitang “kill, kill, kill”. 


Humina rin ang moralidad ng paggamit ng salapi. Ganoon na lang kadaling gastusin ang kaban ng bayan para sa pansariling mga interes. Matindi ang pagbalik at paglaganap ng korupsiyon.


At maitatanong natin na nasaan na ang mga lider na mayroong palabra de honor at delicadeza?


Ang isang sanhi o ugat ng ganitong tila hindi magandang ugali ay ang paglaganap ng mga trapo o mga kabilang sa mga malalaking pamilyang pulitiko na kilala ng lahat bilang mga dinastiya. Totoo nga na kung masyado nang matagal sa puwesto, iisipin ng trapo o miyembro ng dinastiya na sa kanya ang puwesto, sa kanya ang bayan, lalawigan at sa kanya ang buong bansa habang tila pinag-uugatan na rin ng problema? At habang dumarami ang pera, at lumalawak at lumalakas ang kanyang kapangyarihan, maaari nang sabihin at gawin ang nanaisin. At kung hindi nais tumulong at hindi nais makialam o magmalasakit, gagawin ang gusto at huwag nang asahang magsalita ng mayroong palabra de honor at delicadeza.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 27, 2024


Fr. Robert Reyes

Nagsimula nang umulan ng malakas noong gabi ng nakaraang Martes. Nagawa pa naming magdaos ng kauna-unahang pulong ng Vicariate of Sto. Niño ng Diyosesis ng Cubao sa Parokya ng Ina ng Laging Saklolo sa Project 8, Quezon City. Nakadalo ang siyam na pari na kumakatawan sa pitong parokya. Isang parokya lang ang hindi nakapagpadala ng kinatawan.


Mayroon nang balita na parating ang Bagyong Carina, ngunit, hindi malinaw masyado kung anong klaseng unos ito. Hindi tanto ninuman kung gaano talaga kalakas ang parating na bagyo. Panatag na dumating ang mga pari at payapa kaming nagpulong. Bandang ika-9 ng gabi, tahimik kaming nagpaalamanan at nag-uwian.


Nakuha pa naming magdiwang ng misa ng ika-7 ng umaga kinabukasan. Malakas na ang ulan at kagulat-gulat ang pagdalo ng halos 30 parokyano. Pagkatapos ng misa, unti-unti nang lumakas ang ulan. 


Nagpasya tayong pumunta sa barangay upang kausapin ang kapitan. At doon natin nalaman ang bigat ng sitwasyon. Marami nang bahagi ng Barangay Bahay Toro ang lubog at umaabot na sa kritikal na lalim ng tubig na mangangailangan ng seryosong pagsagip. 


Nagpasya nang buksan ang isa sa dalawang barangay basketball court para gawing evacuation center. Humingi na rin ng tulong sa Philippine Navy ang kapitan para magpadala ng mga maliliit na bangka upang sagipin ang mga hindi na makababa sa mga bubungan ng kanilang mga tahanan. Ang bilis ng pagsama at paglala ng sitwasyon.


Nang dumating tayo sa barangay hall, nasumpungan natin si Kagawad Marisa Reyes na inanyayahan nating dalawin maski na isang sitio na lubhang naapektuhan ng Bagyong Carina. Nagtungo kami sa Sitio Sinagtala. Nang dumating kami roon, sinalubong kami ng mala-tsokolateng tubig na sinakop na ang buong daan at palalim nang palalim. Nasa labas ang mga residente na maraming naghihintay ng tutulong sa kanilang paglikas. Kuwento ng mga naroroon na lampas tuhod na ang tubig na aming nilalakaran. Sa bandang ibaba, may ilang nakatayo na sa kanilang mga bubong na nagmamakaawa na ilikas sila sa mga bangka. Pinayuhan namin ang ilang naroroon na lumikas na sa simbahan. Marami sa nakausap namin ay tumungo sa simbahan ng mga sumunod na oras.


Habang nalalaman natin ang tindi ng epekto ng Bagyong Carina sa mga residente ng Project 8, napasyahan nating gawing “command center” ang Our Lady of Perpetual Help. Agad-agad nating kinausap ang ilang maaasahang volunteer ng parokya na itayo ang “command center” sa “Café Jose,” ang dating kapihan sa tabi ng Parish Office. 


Bandang ika-11 ng umaga nang magtawag tayo ng sinumang parokyano na kailangang lumikas at naghahanap ng pansamantalang masisilungan. Inanyayahan natin ang mga ito na sumilong sa simbahan ng Ina ng Laging Saklolo. Bandang ika-12:00 ng tanghali, nagsimula nang dumating ang mga pamilyang naghahanap ng tuyo at ligtas na matutuluyan.


Mula nang binuksan natin ang command center ng parokya, nagsimula nang dumating ang mga donasyon na damit, pagkain at pera. Nang marami-rami na ang mga damit, dinala ang mga ito sa barangay. Tila isa ang Parokya ng Ina ng Laging Saklolo sa mga unang nakapagbahagi ng tulong at damit. Mabilis na naubos ang mga ito dahil marami sa mga dumating sa barangay ay basang-basa at kailangan ng damit na pamalit.


Mabilis na naging kusina para sa 300 ang kumbento. Nagluto kaagad kami ng hot meals (mainit na kanin at ulam) para sa 300 katao: 100 para sa mga nasa simbahan at 200 para sa evacuation center sa barangay. 


Nang mag-iika-5 na ng hapon, umabot na ng 24 pamilya na binubuo ng 94 indibidwal ang sumilong sa simbahan. Tuloy ang dating ng donasyon na damit, pagkain at pera. Tuluy-tuloy din ang pagluluto para sa mga nasa simbahan at para sa mga nasa barangay evacuation center dahil dumagsa na rin ang bilang ng mga lumikas.


Nang gabing iyon, napuno ang isang parte ng simbahan ng mahigit 100 lumikas. Patuloy ang pagluluto ng pagkain para sa higit 300 katao na rin. Patuloy din ang paghatid ng mga tuyong damit at hot meals sa barangay.


Bandang ika-10 ng gabi, nagpaalam na tayo sa mga nasa simbahan kung maaari na nating patayin ang ilang ilaw. Pumayag naman ang lahat at nagsimula na silang matulog.


Nang madaling-araw at medyo tumitila na ang ulan, nagsimula nang umuwi ang mga residente. Bandang ika-7 ng umaga, wala nang 60 na lumikas ang naiwan na nais ding magsimba. Humalo sa kanila ang karaniwang nagsisimba tuwing umaga. Sa ating omeliya, nagpasalamat tayo sa lahat na mga lumikas at naranasan ang simbahan na gawing tahanan, at sa mga parokyanong tumulong para sa kanilang pagkalinga at pagmamahal sa mga kapatid na biktima ng bagyo.


Sa bahagi ng pagbibigay ng pagbati ng kapayapaan, inanyayahan natin ang lahat na magbatian, kung maaari magyakapan bilang magkakapatid. Maluha-luha ang karamihan sa batian at ang ilan sa pagyakap sa kapwa, mayaman man o mahirap na kapatid.


Naging dagok ng trahedya man ang dala ng Bagyong Carina, salamat. Salamat din sa biyaya ng kapatiran at nawa’y patuloy na lumalim at tumibay pa sa mga darating na panahon. 

 


 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page