ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Apr. 6, 2025

Nasumpungan natin noong nakaraang Biyernes ang panayam ni Prof. Felipe de Leon tungkol sa batayang katangian na saligan ng kultura at kaluluwang Pilipino. Sabi ng butihing propesor, “The Filipino is relational.”
Ang Pilipino ay mala-relasyon, mala-ugnayan. Hindi siya katulad ng ibang kulturang mala-sarili, mala-indibidwal. Dahil dito, umiiral sa kanya ang diwa at kultura ng “kapwa.” Ang kapwa ay ang kanyang sarili. Ang sarili ay ang kanyang kapwa. Pati ang ating wika ay hindi pangsarili, pang-ako, pang-indibidwal. Ang ating wika ay likas na kolektibo o pang-iba, panglahat.
Binigay na halimbawa ni Prof. De Leon ang salitang “eat” sa Ingles. Kung ito ay babanghayin sa Ingles, hindi malayo ang iyong mararating. Subukan nating banghayin ang salitang “eat” sa Ingles. Eat, eats, ate, eating, eaten… meron pa ba? Tingnan natin sa Pilipino: Kain, kumain, kinain, nakikain, napakain, kain-kainan, kakain, kinakain, nanginain, kainan, makikain, magsikain, ikain mo ako.
Ang wika ay ugnayan. Ang bawat bahagi ng buhay ng mga Pinoy ay ugnayan. Hindi kaila sa lahat sampu ng mga taga-ibang bansa ang katangiang nagpapakilala sa ating lahat.
“The Filipinos are the most hospitable people in the world,” sabi ng halos lahat ng mga taga-ibang bansa na dumadalaw sa atin at naranasan kung paano tayo tumanggap ng mga bisita mula abroad. Bukas ang bawat tahanan, magpapatuloy, magpapainom at magpapakain tayo maski na hindi natin kilala. Kaya kapag dumating ang sinumang bisita, ang laging tanong natin ay, “Kumain na ba kayo? Ano po ang gusto ninyong inumin?” Agad-agad nating inaanyayahang maging palagay at maalwan ang bisitang dumating sa ating tahanan.
Sa Ebanghelyo noong Biyernes, ito ang sinabi ni Hesus tungkol sa kanyang relasyon sa kanyang ama, “Nakikilala ko siya, sapagkat ako’y mula sa kanya, at siya ang nagsugo sa akin.” (Juan 7:29)
Ang pagiging pala-ugnay, maka-kapwa natin ay bunga ng ating malalim na pananampalataya, ang ating buhay na pakikipag-ugnayan sa Diyos. Noong mahahalagang araw ng Pebrero (22, 23, 24, 25) 1986, lumabas ang malalim na pag-uugali ng bawat mamamayan. Namalas ng buong mundo ang kaluluwang Pilipino. Sa kahabaan ng EDSA, walang mataas o mababa, malaki o maliit, mayaman o mahirap, may pinag-aralan o wala, isa tayong kumakain, nagdarasal, kumakanta, nagdiriwang, umaasa, naniniwala.
Nangyari ang matagal nang inaasam-asam ng marami, natapos ang panahon ng diktadurya. Lumayas ang diktador at ang kanyang pamilya. Lumaya ang bansa sa kamay na bakal ng 21 taong kapangyarihan ng isang pamilya at ng kanilang mga alipores. Bumalik ang mga nawala. Bumalik ang ating malalim na pakikipag-ugnayan, pakikipagkapwa. Bumalik ang humila at lumabnaw na pagkakakilanlan. Bumalik ang ating diwa ng misyon at ang lakas, tatag at tapang ng pagkakaisa. Bumalik din ang pakiramdam na tayo ay iisang bansa, iisang lahi, mapayapa, marangal at dakila.
Subalit sa nagdaang 39 na taon mula 1986 hanggang ngayon, unti-unting nalusaw ang ating ugaling pala-ugnay, maka-kapwa. Humina at halos maglaho ang ating pagkakakilanlan. Lumabo at halos nawala ang ating pagmamahal sa Inang Bayan na makikita sa misyon na maglingkod at ibigay ang sarili sa kanya. Nanghina, natakot at rumupok ang marami sa harap ng mga pinunong walang paninindigan, walang prinsipyo, walang moralidad, korup, marahas at hindi dinadaluyan ng pag-asa. Nakita at naramdaman natin ang unti-unting paglabnaw, paglaho at paghina ng diwa ng kaluluwang Pilipino.
Bagama’t malaki ang nagawa ng administrasyon ni dating Pangulong Cory Aquino, mula sa kanya hanggang ngayon, tila hindi nagbago ang sistema at istraktura ng Pilipinas.
Lalong lumakas ang mga dinastiya na pinairal ang kultura ng padron, paggamit umano sa pondo ng bayan ng makapangyarihang pamilyang kapit-tuko sa poder at kayamanan, ang pulitika ng kompromiso at paggamit umano sa mga korte para protektahan ang pang-sarili at pang-pamilyang interes. At unti-unting lumubog ang bansa habang lumutang at lumakas ang mga dinastiya mula sa nasabing pangulo hanggang sa mga sumunod na administrasyon.
Nagkaroon ng matitinding kaso ng pagnanakaw (plunder) mula sa mga namumuno. Nabastos ang wika, ang kababaihan, pati simbahan. Nasira ang ugaling Pinoy na pala-ugnay at maka-kapwa, at pinalitan ito ng ‘pambabastos’ at paninira ng sinumang kalaban o hindi kampi ng mga administrasyong nakaupo.
Subalit ngayon, unti-unting may nangyayari. Habang nalalapit ang paglilitis ng naaresto at nakulong na dating pangulo, napipilitan tayong lahat na tumingin sa salamin at muling tingnan at dalisayin ang sarili. Ito ang sinabi ni Joel Ruiz Butuyan, “Ang paglilitis ni Duterte ay magbibigay sa bansa ng malaking salamin kung saan makikita natin kung anong uri ng tao tayo naging samantalang pumalakpak o nanahimik ang marami sa gitna ng pagpatay sa libu-libong mamamayan dahil sa budol na kailangang dumanak ang dugo upang maging ligtas at mapayapa ang lahat.”
Masakit muling tumingin sa araw ang mga matang nasanay pumikit sa karimlan ng kasinungalingan at patayan. Ngunit, dahan-dahang bumabalik ang liwanag at unti-unting nagmumulat ang mga mata.