top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 14, 2025



Fr. Robert Reyes

Makapal ang tao noong nakaraang Miyerkules, Hunyo 11, sa labas ng gate ng Senado. Bakit? Bahagi ito ng tuluy-tuloy na protesta laban sa ginawa ni Senate President Chiz Escudero na sinuportahan ng 17 pang mga senador. 


Hindi itinuloy ni SP Chiz na simulan na ang proseso ng paglilitis sa bise presidente. Sa halip lagi niyang inaantala ito. Unang ipinostpone niya ang kaganapan sa impeachment ni Vice President Sara Duterte noong Hunyo 2 at inilipat ng Hunyo 11. Hindi uli ito itinuloy sa halip noong gabi ng Hunyo 10, ibinalik (remanded) ng 18 senador ang mga “articles of impeachment” sa Kamara. 


Malinaw na naman ang ginawa ni Sen. Escudero at ng mga kasama niyang mga senador. Inantala, pinabagal o sa madaling salita drinibol-dribol ang bola ngunit hindi ito hinagis tungo sa ring para magka-score. Ang galing-galing magdribol at hindi hayaang tumakbo nang maayos ang laro. Ang husay paralisahin ang laro na parang walang nangyari. Pero, laro ba ang nangyayari sa Senado? 


Maraming nagsasabing laro ito, dahil laro ng pulitika ang impeachment mula sa talakayan at pag-apruba nito sa Kamara hanggang sa pagpapadala sa Senado. Ngayong nasa Senado na, tuloy ang laro. Kung laro man ito, dapat ituloy at dumaan sa tamang proseso. Tila hinahadlangan nina SP Chiz at ng kanyang mga kasama. Bakit? Maski na “laro” ito, katotohanan ang ibubunga kung matutuloy. Ang 24 na senador na mabubuo bilang impeachment court ang magiging mga hurado na makikinig sa prosekusyon at sa depensa, at hahayaang malitis si VP Sara. 


Totoong pinasumpa ni SP Chiz ang kanyang mga kasamahang senador na magiging tapat na mga hurado sa impeachment court. Ngunit pagkatapos nilang manumpa, biglang ibinalik (remanded) ang “articles of impeachment” sa Kamara kung saan ito nanggaling. Parang isu-shoot lang sa goal ng kalaban para umiskor, pero bigla na lang itinapon sa kabilang court para roon umiskor. Malabong laro, parang larong bata. Lokohan ba o biru-biruan?! Teka-teka, saka na lang maglaro ng matino. 


Ang unang pagbasa noong nakaraang Huwebes ay mula sa liham ni San Pablo sa mga taga-Corinto (2 Cor 3:15- 4: 1,3-6). Ganito ang sinasabi rito: “Hanggang ngayon may talukbong pa ang kanilang isip tuwing babasahin nila ang aklat ni Moises. Ngunit pagharap ng tao sa Panginoon naaalis ang talukbong. Ang Panginoong binabanggit dito ay ang Espiritu at kung saan naroroon ang Espiritu naroroon ang kalayaan.”


Tila may talukbong ang ilang mga senador habang binabasa nila ang batas. Ano kaya ang talukbong na iyon? Saan o kanino galing ito? Ito ba ay talukbong laban sa kasinungalingan o laban sa katotohanan? Humaharap ba ang lahat ng mga senador sa Panginoon, sa taumbayan, sa kasaysayan, sa kasalukuyan at sa kinabukasan, o nagtatago sila sa Diyos at sa taumbayan? 


Sa halip na tanggalin nila ang mga kubli, nagtatalukbong sa katotohanan, at humahadlang sa kinakailangang proseso ng hustisya tungo sa totoo upang makamit ang katarungan para sa lahat. Lalo ring tinatakpan at itinatago ang katotohanan para pairalin ang kasinungalingan. 


Para saan ba at kanino ang Senado? Para kanino rin ang paglilingkod? Napakagaling magtalukbong, magpatagal at mag-antala ng nararapat na proseso para lumaya ang lahat sa kadiliman at kasinungalingan.


“Kasalanang malaki ang inyong ginagawa!” Ito ang mensahe ni Arsobispo Socrates Villegas. Sa halip na tanggalin ang talukbong, dinadagdagan pa ito para wala nang makita ang lahat. Para maitago ang dapat malaman ng taumbayan. Paano lalaya ang ating bansa kung ang mismong namumuno rito ay ‘kalaban’ ng kaliwanagan at katotohanan? Paano natin makikilala ang ating tunay na sarili kung mismong sila ay ‘sumasamba’ sa pagkataong huwad na malayo at umiiwas humarap sa Diyos.


Sinabi ni San Agustin,“Walang pahinga ang puso ng tao hangga’t hindi ito nakapagpapahinga sa Panginoon.” 


Nakakatakot o mahirap bang humarap sa Panginoon kaya’t saka na lang, teka muna kami haharap dahil masarap mamuhay sa luho, pribilehiyong nagmumula sa aming posisyon? 


Iyon lang ang problema, sila lang ang nakikinabang habang naiiwan ang nakararami at tuluyan nang nalalayo sa kanilang makatarungang parte ng biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa lahat. 


Ito ang pulitika ng teka-teka, ang pulitika ng sarili, pulitikang tila walang pakundangan sa iba. Iyan ang pulitika ng mga trapo at dinastiya, na dapat lang palitan ng pulitika ng kapwa, at para sa lahat. 


Ano kaya ang ipinaglalaban ng 18 nagpasyang ibalik sa Kamara ang “articles of impeachment”? Bakit hindi sa kanila, kundi sa limang tumutol natuwa ang marami. Malinaw dito ang ibig sabihin ng ‘paghahari ng marami, laban sa katotohanang nagpapalaya sa iilan’.

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 10, 2025



Fr. Robert Reyes

Sa loob ng ilang araw, matatapos na ang tatlong linggong paglalakbay sa mga banal na lugar sa España at Italya. Bago para sa atin noon ang Camino de Santiago de Compostela. Noong nakaraang linggo, nang marating namin ang simbahan ng Santiago de Compostela, pagkaraan ng humigit-kumulang 115 kilometro, maikukuwento na namin kung ano ang naging karanasan ng araw-araw na paglalakad nang matagal at malayo, at ang kabuluhan nito. 


Sa katapusan ng aming paglalakbay sa naturang lugar, sa daan at dulo nitong Santiago de Compostela, napakalinaw ng isang leksyon. Isang tuluy-tuloy na paglalakbay ang buhay at bagama’t mahalaga ang dulo o katapusan nito, ganu’n din kahalaga ang araw-araw, minu-minutong paglalakbay tungo rito. Kaya nang matapos ang Camino de Santiago de Compostela, dumugtong naman ang Camino de Roma e Assisi.


Dito sa Roma, bumalik ang makulay at mayamang karanasan naming mga paring estudyante noong 1983. Dumating kami ng tatlo kong kasabay na paring mag-aaral sa Roma noong Setyembre 1983. Kamamatay lang ni Ninoy Aquino noong Agosto 21, 1983. Gumulo ang bayan at nagsimula ang mga pagkilos ng marami ng sumunod na mga taon. Hindi alam ng marami kung ano at kelan magaganap ang harinawa’t

matagumpay ngunit mapayapang pagbabago.


Ito ang naging istorya ng tatlong taon, mula Agosto 21, 1983 hanggang ika-22 hanggang 25 ng Pebrero 1986. Sama-sama ring naglakbay ang buong bansa tungo sa isang bagong simula, bagong buhay para sa lahat. Lumaban noon ang karamihan sa rehimen ng diktador noon. Nasa Roma tayo noong tatlong taon ng paglalakbay ng karamihan ng mga mamamayan. 


Sa gitna ng pag-aaral at pang-araw-araw na pamumuhay sa Roma, pinilit ng ilang estudyanteng pari na mag-organisa at kumilos, kasabay ang mga mamamayan sa ating bansa. Naalala ko pa ang mga pulong ng ilang mga lider ng iba’t ibang pamayanan, organisasyon at kongregasyon upang planuhin ang mga gagawin sa mga darating na araw at linggo. Nang malapit na ang kilalang People Power Revolution (Pebrero 22-25, 1986), nabuo namin ang dalawang pagkilos, mga martsa tungo sa ilalim ng balkonahe ng Papa kung saan siya nagbibigay ng mensahe at pagbabasbas sa araw ng Miyerkules (Public, Papal Audience ang Angelus). Hindi man malaki ang bilang ng mga nagmartsa, malaki at kapansin-pansin ang aming mga streamer na nagsasabing: SIAMO COI NOSTRI VESCOVI!!! Kaisa kami ng aming mga obispo. Namahayag ang mga obisong Pilipinong Katoliko ng ganito dahil malinaw ang dayaan ng eleksyon. Malayo man kami, tiyak naming na nakaambag kami sa matagumpay na payapang pag-aaklas ng mga Pilipino.


Nasa 39 na taon na, halos mag-aapatnapung taon na ang mapayapang EDSA Revolution. Magulo noong panahon ni Marcos Senior, at magulo pa rin ngayon sa panahon ni Junior. Mahalagang itanong, ano ang nangyari sa mga nagdaang halos apat na dekada mula 1986 hanggang 2025. Bakit parang umikot at bumalik ang lahat sa pinagsimulaan?


Mula Lunes hanggang Biyernes, mapalad kaming makausap at makakuwentuhan ang mga mamamayan mula sa mga nasa kalyeng manlalakbay din hanggang sa mga batang paring nakatira sa Collegio Filipino na nagmula sa iba’t ibang diyosesis sa Pilipinas. Masaya at nakapagpapataba ng puso na makadaupang palad ang mga batang paring estudyante. Marami sa kanila ay nais tumulong sa mga nagsisikap na palayain ang bansa sa mga tao at sitwasyong nagpapahirap at pumapatay sa dangal ng bawat Pilipino.


Naimbitahan kami noong Biyernes ng hapon na makiisa sa misa ng isang paring estudyante sa Embahada ng Pilipinas sa Quirinale (o Pamahalaang Italyano). Mahusay magbigay ng omeliya ang batang-batang paring sinamahan namin.


Maganda ang omeliya ng batang pari. “Ano pagkakaiba ni Hudas kay Pedro?” tanong nga pari. Sinagot niya ang tanong ng ganito, “Hindi na bumalik si Hudas. Bumalik at humingi naman ng tawad si Pedro. At pinatawad ng Panginoon si Pedro at sinugo kaagad. … Tatlong beses na tinanong si Pedro, ‘Mahal mo ba ko? Pakainin mo ang aking maliliit na tupa.’ … Dalawang beses pang inulit ni Kristo ang tanong at sinundan ito ng kaparehong utos, ‘Pakainin mo ang aking mga tupa’.” Hinamon ng pari ang mga taga-embahada na maging mahinahon, mapagmahal at mapaglingkod sa ating mga OFW, lalo na sa mga domestic helpers.


Matapos nito ay sinundan ng simple ngunit masarap na hapunan. Nakahanda na ang karaoke at mabilis na nagkantahan ang mga pari at ang mga empleyado ng embahada. Patok ang mga awit ng River Maya at ni Bamboo.


Napakasaya ng gabi at natupad ang sinabi ko pagkatapos ng misa: “Dama at alam ko ang laman ng inyong mga puso. Isang bagay lang, na maglingkod ng totoo sa ating mga kababayan at harinawa’y matapos at malutas nang maayos ang tumitinding problema ng impeachment sa ating bansa.” Tahimik at taimtim na nakinig ang mga empleyado at pamunuan ng embahada. Dama at nakita ko ang wagas na pagmamahal at pagkalinga sa ating mga kababayan dito sa Roma.


Nakakadismaya ang paulit-ulit at pabalik-balik na problema sa ating bansa, ngunit hindi nawawala ang pananalig at pag-asa ng marami. Magkakaisa, kikilos pa rin tayo para sa kapakanan ng lahat. Buo ang tiwala na kasama natin ang Diyos, hindi pababayaan ang mga naniniwala at umaasa sa Kanya. Amen.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 8, 2025



Fr. Robert Reyes

Assisi, bayan ng Santo ng mga Maralita, Santong Patron ng Kalikasan, Santong hiniraman ng yumaong Papa ng kanyang opisyal na pangalan. Ito rin ang santong sinamahan tayo noong nakaraang 42 taon noong tayo ay nagsunog ng kilay sa pag-aaral ng pilosopiya sa Roma (1983-1987). 


Naaalala pa natin ang kauna-unahang dalaw sa Basilica de San Francesco, ang simbahang nag-aalaga ng labi ni San Francesco de Assisi. Nakakalula ang laki ng dalawang simbahang itinayong magkapatong. Ang simbahan sa ibaba at ang simbahang sa itaas nito. Bakit ganoon na lang kalaki ang simbahang pinaglibingan kay San Francisco?


Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na ang isa sa pinakakilalang santong hinirang ng simbahan ay si San Francisco, na ipinanganak noong 1182 na mahigit nang walong daang taon ang nakalilipas. Dahil sa kanyang naging buhay at sa mga ibinunga nito nakilala ng buong mundong Kristiyano, ang buhay ng kinilalang “il poverello,” ang munti’t maralitang lalaki ng Assisi.


Dito sa Assisi, bayan ni San Francisco nagpatuloy ang sinimulan nating Camino de Santiago de Compostela. Noong huling araw ng aming paglalakbay tungo sa Santiago, nilakad ng aming munting grupo ang 11 kilometro na nagdarasal ng apat na Misteryo ng Rosaryo: ang mga Misteryo ng Galak, Dalamhati, Luwalhati, at Liwanag. ‘Di katulad ng mga nakaraang araw na mahahaba ang patlang sa pagdarasal ng mga Misteryo ng Rosaryo, halos sunud-sunod naming idinasal ang apat na misteryo. Maaga naming natapos ang pagdarasal ng apat na misteryo na walang dalawang oras. Madali na rin naming natapos ang paglalakad, na sinimulan naming ng alas-6:30 ng umaga. 


Noong nakaraang Huwebes, Hunyo 5, nilakad namin ni Padre Roque Villanueva ng Diyosesis ng Iba, Zambales ang iba’t ibang banal na simbahan ng Assisi. Sa bawat simbahan, nag-alay kami ng panalangin para sa mahal nating bansa sa mga santong nakalibing doon.


Ika-4 ng Hunyo, Miyerkules ng gabi nang dumating kami ni Padre Roque sa kumbento ng mga madreng Benedictine sa Assisi. Kapitbahay lang nito ang Chiesa della Espoliazione, ang lugar kung saan hinubad ni San Francisco ang lahat ng kanyang damit sa harapan ng obispo at namahayag sa lahat: “Mula sa araw na ito, wala na akong ibang ama kundi ang Ama ng lahat sa langit!” 


Dinala ni Pedro Berdone, ang kanyang anak na si Francisco sa harapan ng Obispo ng Assisi para pagalitan dahil sa ginawa nito sa kanyang kayamanan. Nang wala ang kanyang amang si Pedro, ipinamigay ni Francisco ang lahat-lahat ng mamahaling telang inangkat ng ama mula sa Pransiya. Nagdagsaan ang taumbayan at nasaid ang tindahan ni Pedro ng mamahaling tela. Natuklasan ito ng kanyang ama sa pagbalik nito. Malinaw ang dahilan ng naging matinding galit ni Pedro sa anak. Ganu’n din kalinaw ang naging tugon ni Francisco sa galit ng ama.


Sa simbahan ng Espoliazione, nakalagak sa isang lalagyang salamin ang bangkay na hindi nabulok ng batang si Blessed Carlo Acutis. Kung hindi namatay si Papa Francisco, naideklarang santo na sana si Carlo. Maaalalang nais ni Papa Francisco na maging halimbawa at inspirasyon ng mga kabataan si Carlo. Nasaksihan ng marami ang kabanalan ng binatilyo. Mula sa araw-araw na pagsisimba at pagtanggap ng Banal na Komunyon hanggang sa paglikha ni Carlo ng dalawang webpages para sa mga himala kaugnay ng Mahal na Ina ni Hesus at sa mga Banal na Eukaristiya.


Sa isang sulok ng simbahan, naroroon ang bangkay ng 15 taong gulang na si Carlo (1991-2006) na namatay sa leukemia. Dito siya nagsisimba at tumatanggap ng Banal na Komunyon tuwing siya’y bumabalik kasama ng mga magulang mula sa Inglatera. Sa harap ng labi ng banal na Carlo, sa simbahan ng paghubad ni Francisco ng kanyang makalupang damit at pagkatao, idinasal natin ang sumusunod:


Banal na Carlo Acutis, ipagdasal mo kay Kristo na hilumin at ibalik ang sariwa’t dalisay na kalikasan at kaanyuan ng mahal naming Inang Bayan. Dahop at said sa dangal ang pamunuang lugmok sa kasakiman, karahasan at sa ‘di makatarungang pamamahala.


Wala nang matakbuhan ang mga mamamayan sa naturang kadiliman. May pagkakataong ilantad at litisin ang katiwalian, karahasan at ang sari-saring paglabag sa karapatang pantao ng nakaraang administrasyon, ngunit sinasalag at iniiwasan ito ng ilang makapangyarihang senador. Wala silang ibang maidahilan kundi kulang na ang panahon at busy na sila sa maraming bagay na dapat nila bigyan ng higit na pansin. Ngunit batas na rin ang nag-uutos na dapat lang simulan ng Senado ang paglilitis, ang impeachment na inaprubahan at ipinadala na sa Senado ng nakararaming miyembro ng Kongreso.


O banal na Carlo, tulungan ninyo kaming tanglawan ang Senado ng liwanag ng katotohanan at katarungan. Tulad mo, sana’y muli naming matuklasan at matikman ang kadalisayan ng pagkaing ‘di lang katawan ang binubusog at ang inuming hindi lang labi ang pinapawian ng uhaw. Gutom sa katotohanan ang maraming bundat sa kasinungalingan. Uhaw sa katarungan at katuwiran ang lasing sa alak ng makapangyarihan at kayamanan.


Carlong nabuhay at nagbigay buhay sa marami sa pagbabahagi kay Kristong pagkaing bumubuhay, nagpapalaya at nagliligtas. Carlo na uminom at itinuro ang bukal ng tubig at alak, ang dugo ng Manunubos, ibahagi mo ang katapangan at paninindigan ng pananampalataya na lakas ng aming patuloy na paghahanap at pagsisikap para sa Kanyang kaharian.” Amen.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page