top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 23, 2025



Fr. Robert Reyes

Pista na naman sa Parokya ng Ina ng Laging Saklolo, Project 8, Quezon City. Ito ang aming ika-59 na anibersaryo ng pagkakatatag ng aming parokya. At para sa anibersaryo at pistang ito, napili namin ang temang, “Alab ng Pag-asa, Biyaya ng Kalikasan. Sa pinakaunang misang nobenaryo noong nakaraang Huwebes, isinulat natin ang tulang ito:


Alab ng Pag-asa, Biyaya ng Kalikasan


Kay layo mo na, Kay layo mo na

Kagubatang takbuhan, laruan, languyan, taguan…

Tabi mo’y palayan at gulayan

Buhay ng karaniwang tao’t mamamayan.

 

Araro’t kalabaw magsasaka’y kaulayaw

Kalauna’y rototiller at traktora mga bagong amo ng modernidad.

Katabi ng bukirin, mga munting siyudad

Kapalit ng mga institusyong umiidad.

 

Darating at dumating na nga mga

Bangko’t korporasyong

Pera kanilang diyos-diyosan.

 

Taong binulag o piniringan kaya

Ng ilusyon ng mekanismong humantong sa

Kapitalismo: ibinote, dinelata, sinalitrehan, kinahon,

Tinarhetahan, Kinomersyo’t ibinenta ang libreng likas-yaman.

 

Kabundukan nakalbo, napatag,

Karagatan sinuyod, sinadsad.

Mga lawa’t, bukal, batis at

Sari-saring tubigan: pinaderan,

Kinanalan, Tinubuhan, Tinarhetahang

Nawasa, MWSS, Manila Water o Water District ng barangay.

 

Ito na nga’t lumiliit, nanganganib na mawala,

Kagubatang bumubuhay, nagmamahal,

Biktima ng kabulagan at walang hanggang kasibaan.

 

Lupang sakahan at gulayan,

Kaparangan, kalatagan, kaburulan

At kabukiran, pinatag, pinabahayan,

Pinatituluha’t pinangalanan.

 

Sino nga ba ang may-ari ng lupa?

Sila bang makapangyariha’t ma-pera?

Meron bang puwedeng magsabing akin

Ang lupa, ang tubig, ang hangin at ang

Anumang matatagpuan sa ibabaw, ilalim,

Gilid at paligid nito!

 

Hangal, hindi ba nila alam na hindi tayo

Ang may-ari ng lupa!

Sa totoo lang, ang lupa ang may-ari sa atin.

Kay layo na nga natin sa kanya.

Kinalimutan na natin siya’t walang

Kamalay-malay pinili nating mangulila’t malayo sa kanya.

                 

Unti-unting nagmumukhang bahagi ng kagubatan ang loob ng aming simbahan. Tinanong natin ang mga nagsimbang parokyano noong nakaraang Huwebes ng gabi: May pagkakaiba ba ang mga katagang, ‘simbahan sa kagubatan’ at ‘kagubatan sa simbahan?” Maraming sumagot, “Oo, may pagkakaiba ang ayos ng mga salita.” At nagpatuloy pa rin akong magtatanong, “Pareho ba ang ibig sabihin ng dalawang hanay ng kataga?”

At ipinaliwanag natin ang pagkakaiba ng dalawa. Kung sasabihin nating “simbahan sa kagubatan” walang pagkakahiwalay, merong malalim na pagkakaisa ang simbahan at kagubatan dahil nasa gitna ng kagubatan o kalikasan ang simbahan. Ngunit kapag sinabi mong “kagubatan sa simbahan,” ang kagubatan o kalikasan ang lumalapit, pumapasok sa simbahan dahil napalayo o umalis na ang simbahan sa gitna o sa piling ng kalikasan.

Ganito na nga ang nangyari, hindi lang sa iba’t ibang simbahan kundi pati na sa pamahalaan, samahan, bansa, paaralan, business, sa mga nagtatrabaho sa larangan ng sining, atbp.

Iisa noong araw ang tao’t kalikasan, pero sa pag-inog ng mundo at martsa ng kasaysayan, umunlad sa kaalaman at kakayahan ang tao. Ang agham ay namunga ng mga imbensyon na nagpabilis at nagpagaan sa gawain sa bukid at tahanan. Hindi nagtagal dumating ang makinang sumusunog ng krudo’t gasolina. Dumating din ang kuryente at sari-saring makinang pinagagana nito mula gamit sa tahanan hanggang sa mga pabrika. Lalo pang bumilis ang paggawa sa pagdating ng mga kompyuter na nagsimulang malaki at ngayo’y napakaliit. Bumilis ang lahat nang dumating ang mga telepono gaya ng Smart phones ‘ika nga. Sa lahat ng ito, namagitan sa tao’t kalikasan, tao’t kagubatan ang makina, kompyuter at cellphone.

Sa halip na paglapitin lalong lumalayo ang tao sa kalikasan at lumalapit sa kanyang mga gadget at kompyuter. Kaya’t kailangang-kailangang bumalik ang tao sa kalikasan upang tuklasin na anumang paglayo ng tao sa kalikasan, lalo niyang hahanapin kung ano ang likas, at saan niya hahanapin? Sa loob niya. Sa tubig, dugo, hangin o oxygen na dumadaloy kasama ng dugo. Sa lupa ng tunaw na mga pagkain at basura ng mga organong sinasalo ng bituka at inilalabas na sa lupa. At mula sa loob hahanapin din niya ang katumbas ng lahat sa likas, sa labas, sa kabundukan. Ito ang dapat muling matutunan ng lahat ang pagtuklas sa loob ng labas at ng labas sa loob. 

Totoo nga’t ang kagubatan ay nasa simbahan at kailangang palaguin at buhayin ang ugnayang ito muli.

Kailangang magpahinga kasama ang Ina. Kailangang pahingahin ang buong pagkatao, gaya ng tulang ito.


Pahinga muna tayo sa mga gadget, sasakyang umuusok, pagkaing mabilis,

Elado’t pinatagal ng gamot. Pahinga muna natin ang ating mga mata’t

Tainga’t daliri. Wala munang Netflix, YouTube, FB, Instagram at lahat ng

Patok sa social media.

 

Pahinga muna tayo sa mga mailiwanag, malilinis, nagpapagandahang mall.

Pahinga muna tayo. Pahingahin natin ang isip, puso, kaluluwa’t katawan.

Dito muna tayo sa kagubatan. Dito muna tayo sa kanya,

Sa loob ng puso ng Ina. Ito ang pag-asa, ang bumalik, 

magpahinga sa puso ng Ina.

 



 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 21, 2025



Fr. Robert Reyes


Sinimulan nating isulat ang pagninilay na ito sa titulong “Edukasyon at Giyera.” 

Bago natin umpisahan ang pagsusulat, natitigan natin ang mga kataga at nagbago ang ating isip. Meron bang kaugnayan ang edukasyon sa giyera? Sa karaniwang pang-araw-araw na buhay, hindi nalilihis sa tema ng giyera ang mga leksyon sa paaralan.


Sa unang pahina ng isang pahayagan, makikita noong nakaraang Martes ang larawan ni Pangulong Bongbong Marcos na may hawak na flashcard na ang nakasulat ay ang salitang “ama.”  Nakangiti si PBBM habang hawak nito ang flashcard. 


Presidente, flashcard, salitang ‘ama,’ ang mga magaaral ay nakatingin at nakikinig. Ganito ang karaniwang matutunghayan ng lahat sa mga silid-aralan sa buong kapuluan. Tungkol sa pagbubuo, paghuhubog at paggabay sa mga mag-aaral ang bawat sandali sa loob ng paaralan. Hindi pinag-uusapan ang kaaway at ang iba’t ibang paraan upang labanan at lipulin ito.


Tamang-tama ang petsa ng araw ng pagsusulat natin ng pagninilay. Ika-19 ng Hunyo (1861) ay ang kaarawan ng ating pambansang bayani na si Jose Rizal. Isandaan at animnapu’t apat na taong gulang na siya ngayon. Nasa 35 taon siya nang binaril siya noong Disyembre 30, 1896 sa Bagumbayan (Luneta), Maynila. 


Ang buong buhay ni Rizal ay inialay niya sa pagdadalubhasa sa maraming sangay ng kaalaman. Nag-aral siya ng Ophthalmology (doktor ng mata). 


Pinag-aralan niya ang kasaysayan ng mga bansa na may partikular na interes sa pulitika. Dahil sa kanyang interes sa iba’t ibang kasaysayan at pulitika, pinag-aralan at nagsanay din siya sa iba’t ibang wika: Europeo, Latin, Español, Griyego, Ingles, Frances, Aleman, Portuguese, Italiano, Holandes, Russo, at Swedish o Suweko, Filipino: Tagalog, Ilokano, Cebuano, atbp; Oriental: Arabika, Chinese, Sanskrit, Hebreo at Hapon. 


Bininyagan din siyang Katoliko ngunit sumapi siya sa mga Mason. Isang katangian ng mga dalubhasa ay ang malayang paghahanap sa katotohanan at kaalaman. Ganito nga ang naging buong buhay ni Rizal. Kaya ginamit niya ang kanyang kaalaman upang ilaban ang mga karapatan at pati ang kasarinlan ng mga Pilipino. Ngunit, pakikipag-usap, paghahanap ng mga sagot sa pamamagitan ng mapayapang pamamaraan at talakayan at hindi marahas, madugo at nakamamatay na pakikipagdigma ang kanyang piniling paraan. Ito ang naging layon ng kanyang pagsusulat sa La Solidaridad at sa kanyang pagsapi sa kilusang propaganda sa España.


Iba ang naging landas ni Andres Bonifacio na nagtatag ng Katipunan. Nag-aralan ng sarili si Andres. Bago niya itinatag ang Katipunan nabasa niya ang Les Miserables ni Victor Hugo, at tiyak marami rin siyang nabasa sa mga sipi ng La Solidaridad at anumang mga komunikasyon na galing sa kilusang propaganda sa Madrid. Kaya’t kapwa kilala sina Rizal at Bonifacio bilang mga rebolusyonaryo, ang isa ay sa mapayapang pamamaraan at ang pangalawa sa pamamagitan ng madugong rebolusyon. Kaya’t sa isang kilalang sinulat ni Rizal, sinabi niya na, “Na sa labanang ito, walang hihigit pa sa sandata ng karunungan ng tao at sa puwersa ng kanyang puso.” 


Kapwa rebolusyonaryo sina Rizal at Bonifacio. Pareho silang dalubhasa sa mga kaalamang kinailangan at ginamit nila. Ngunit hindi maiaalis ang kahalagahan ng edukasyon o ang paghuhubog ng kamalayan at pagkatao sa kanilang mga pangarap at pagpupunyagi. Hindi maaaring balewalain ang kahalagahan ng edukasyon sa buhay nina Rizal at Bonifacio. Alam ng dalawang hindi magtatagumpay ang anumang rebolusyon, mapayapa man o madugo kung walang malalim na pag-aaral, pagninilay, pagsasaliksik at pagdadalubhasa. Kaya’t bago pa humantong sa pagpaplano at pagsasagawa ng “giyera,” isinagawa ng dalawa ang matinding pag-aaral, pananaliksik, at pakikipag-usap o pakikipagtalastasan sa mga kapwa rebolusyonaryo.


Masalimuot ang giyerang nagaganap sa pagitan ng Israel at Palestine sa Gitnang Silangan. Lumahok ang Iran na nakipagpalitan na ng bomba sa Israel. Nagpaparinig na ang pangulo ng Estados Unidos na baka siya makialam. Aral ang mga bansang ito sa sining ng giyera ngunit aral ba sila sa sining ng kapayapaan? 


Noong buhay si Papa Francisco, patuloy siyang nananawagang itigil ang giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia. Ganoon din sa giyera ng Israel laban sa mga Hamas na damay ang buong Palestine. 


Ganyan din ang sinisimulang gawin ng bagong Papa Leo XIV. Sa panahong ito na maraming may kakayahang gumamit ng sandatang nukleyar, napapanahong magkaisa at isulong nang husto ang edukasyon para sa kapayapaan at wakasan na ang kahibangan ng giyera. Higit na kinakailangan ngayon ang mga guro, mga pinunong dalubhasa sa edukasyon para sa kapayapaan, sa edukasyon sa pagpigil, pagpapahinto at pagwawakas sa giyera.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 15, 2025



Fr. Robert Reyes

Bakit hindi sumang-ayon sina Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel, Senators Risa Hontiveros, Grace Poe, Sherwin Gatchalian at Nancy Binay na ibalik ang “articles of impeachment” sa House of Representatives? Bakit naman naisip ni Sen. Alan Peter Cayetano na i-remand o ibalik ito sa Kamara? Paliwanag niya na dapat tiyakin ng mga kongresista na hindi ito lumabag sa “one year ban on filing an impeachment case.”


Anuman ang tunay na dahilan, isa lang ang malinaw, ayaw ng limang senador na maantala at tumagal pa ang prosesong dapat nang simulan. Gusto naman ng 18 senador na patagalin at maghanap pa ng ibang dahilan para hindi agad magsimula ang proseso ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. 


Abogado si Alan, lawyer din si Chiz, at attorney si Koko. Alam nilang tatlo na isa sa maaaring gawin sa anumang kaso ay harangin, hadlangan at patagalin ang simula ng proseso ng paglilitis. Hindi mahirap gawin ito dahil sa rami ng mga kaso at sa kakulangan ng mga huradong maaaring lumitis sa mga ito. 


Marami akong nakakausap na mga Regional, Metropolitan Trial Court judges na nahihirapang gawin ang kanilang tungkuling litisin ang mga kasong na-raffle sa kanila sa simpleng dahilan na sobra-sobra ang dami ng mga kaso. Daan-daan ang mga ito, suwerte o malas kung ang kaso ay nasa ilalim ng ga-bundok na mga kaso na kailangang litisin.


Matagal-tagal ding pinagtatalunan ang salitang “forthwith” na nakadikit sa kaso ng impeachment ni VP Sara. Ito ang sinasabi ng Konstitusyon sa impeachment complaint na naipadala na ng Kamara sa Senado: “Trial by the Senate shall forthwith proceed.”  Ipinaliwanag ni Sen. Koko ang salitang “forthwith” noong nakaraang Lunes, Hunyo 9, “Forthwith means without any delay without interval of time according to the Merriam-Webster dictionary. Ang ibig sabihin nito ay agad-agad o dapat isunod agad.” Sinalag naman ito ni Sen. Alan, na sinabi umano, “Ang ibig sabihin ng ‘forthwith’ ay susunod na ngunit hindi agad-agad.” Na parang ang ibig sabihin nito sa Ingles ay “coming soon”. Kaya lang may problema tayo sa “coming soon.” Bahala nang maghanap ng sari-saring pakahulugan ang sinumang abogado na sanay magpatagal, mag-delay ng anumang kaso.


Hindi naman mga abogado ang ibang senador na nagpasyang ibalik sa Kamara ang

“articles of impeachment” ni VP Sara. Hindi na sila sumali pa sa palitan ng mga abogadong Sen. Koko at Sen. Alan Peter. Basta sila, sang-ayon na hindi muna ituloy, i-postpone at hayaang magpahinga ang kaso sa pinanggalingan nitong House of Representatives.


Kaya’t hindi kataka-takang hindi tinanggap ng Kamara ang ibinalik na “articles of impeachment”. Ano ngayon ang mangyayari na hindi tinanggap ito ng Kamara na ibinalik ng Senado? Simple at malinaw, pag-uusapan, pagdedebatehan at tatagal ang pagsisimula ng paglilitis dahil baka sakaling makakita ng butas ang mga nagteteka-teka na tuluyan nang hindi matuloy ang impeachment trial ni VP Sara.


Nandirito na tayo sa misteryosong sitwasyon ng ‘naudlot’ ngunit hindi pa naman daw napurnadang impeachment. Nag-recess na ang Kamara at Senado kamakailan. Katapusan ito ng termino ng mga nahalal na senador noong 2022, na nagsimula ang paglilingkod noong Hulyo 25, 2022 (nagtapos noong Hunyo 11, 2025). 


Sisimulan nga kaya ang “impeachment trial” ng Senado sa susunod na 20th Congress? At kailan magsisimula ang Kamara at Senado? 


Ayon sa opisyal na kalendaryo, magbubukas ang 20th Congress sa Hulyo 28, 2025. Halos isa’t kalahating buwan mula ngayon na walang gagawin, walang mangyayari sa impeachment complaint na naipadala na, ibinalik, at hindi tinanggap ng nagpadala. Nagtagumpay ang ‘Team Teka-Teka’.


Ngunit meron pa ring konsensya, delicadeza, prinsipyong umiiral sa Senado at Kamara. Hindi lahat ng senador o kongresista ay teka-teka at depende sa mismong indibidwal. Gumagana pa rin ang konsensya sa mga bukas at handang makinig dito. Mayroon pa ring delicadeza sa mga marunong mahiya at pairalin ang tama at disente. Malinaw din na merong prinsipyo ang sinusunod, hindi pera o paratang. At lahat nang ito ay bahagi ng walang sawang pagkakaloob sa lahat ng grasya o biyaya ng Diyos.


Hindi teka-teka ang Diyos. Ipagkakaloob Niya sa atin ang kailangan natin sa tamang panahon. Wala Siyang ibang dahilan kundi gawin Niya ang mabuti at nararapat para sa atin, at bahagi nito ay ang tamang panahon ng pagkakaloob dito. 


Salamat sa lima, salamat din sa 18. Sa huli, alam ng Diyos ang ibig sabihin ng “forthwith.” Hindi ang depinisyon ng diksyonaryo at hindi rin ang depinisyon ng mga abogado.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page